Pabalikwas na napangon si Rose. Hindi niya alam kung anong bagay ang nakapagpagising sa kaniya. Iniikot niya ang mga mata at doon lang pumasok sa kamalayan niya kung nasaan siya ng mga oras na iyon. Nilingon niya si Ace na mahimbing pa ring natutulog. Nakayakap pa ang isang braso nito sa beywang niya. Pakiramdam niya ay namumula siya nang maalala kung ano ang namagitan sa kanila kaninang madaling araw. Ipinagkaloob niya ang sarili sa binata ng walang pag-aalinlangan, ng buong pagmamahal.
Pero ngayong araw na at hupa na ang mga damdamin ay nakadama siya ng pagkabalisa. Hindi niya pinagsisisihan ang nangyari. Wala naman siyang gustong pagbigyan ng sarili kung hindi si Ace lamang. Pero ngayong bukas na ang isip niya, napagtanto niyang hindi sila dapat nagpadalos-dalos ni Ace. Napakabata pa nila. Paano kung magbunga ang nangyari? Hindi niya alam kung paano siya haharap sa mga magulang niya na napakalaki pa naman ng tiwala sa kaniya. Hindi niya gustong madismaya ang mga ito sa kaniya.
Isa pa, hindi niya gustong lalong magalit si Doña Celeste sa kaniya at iisipin nitong pinikot niya si Ace. Ipagtatanggol lang siya ng binata at lalong lalaki ang hidwaan ng mag-ina. At kahit anong insi ang nararamdaman niya para sa matandang babae, hindi niya gustong tuluyang magkasira ang mag-ina. Pagbalik-baliktarin man ang mundo, hindi magbabago ang katotohanang ang matandang babae pa rin ang nagluwal kay Ace sa mundong ito.
At kung magbunga naman ang nangyari sa kanila ni Ace, kakayanin ba nilang bumuo ni Ace ng isang pamilya sa mura nilang edad na parehas pa silang nag-aaral? Alam niyang kapag nabuntis siya, pananagutan siya ni Ace pero maaga itong mapapasabak sa pagpapamilya. Oo, sabihin ng may pera si Ace pero hindi niya alam kung magiging sapat iyon. Parehas pa silang may mga pangarap sa buhay na gustong maabot.
Gusto rin niyang may mapatunayan sa Doña para hindi na siya matahin pa nito. Iyon ang mga agam-agam niya sa ngayon, hindi naman siguro siya masisisi kung magkaroon siya ng mga katanungan at pangamba. Dahil sa silakbo ng mga damdamin kagabi, nakaligtaan na nila ang paggamit ng proteksyon. Sana ay hindi magbunga ang nangyari sa kanila dahil aaminin niyang hindi pa siya talaga handa, at alam niyang hindi pa rin handa si Ace.
Lalo pa at siya naman ang puwedeng sisihin. Binigyan na siya ng pagkakataon ni Ace na kalimutan na nila ang nangyari at matulog na sila. Kung tutuusin ay parang inakit niya ito sa ginawa niyang pagpayag. Pero sa kabila ng agam-agam niya, hindi pa rin siya nagsisisi sa nangyari. Mahal na mahal niya si Ace at handa niyang ibigay ang sarili rito. Pero marahil sa susunod ay magiging maingat na siya at hindi magiging padalos-dalos sa pagdedesisyon.
Maingat niyang inalis ang braso ni Ace at dahan-dahan din niyang inayos ang kumot dito saka walang ingay niyang kinuha ang mga damit niya at isinuot iyon. Tahimik din siyang lumabas ng tent. Wala sa loob na kinapa niya sa bulsa ng palda ang cellphone niya. Napakunot-noo siya ng makita ang maraming missed calls mula sa Dada niya. Kinakabahan niyang idinaial ang number ng Dada niya. Bakit marami itong missed calls? Nagpaalam naman siya rito kagabi na kasama niya si Ace dahil naglayas ang lalaki at kailangan nito ng kausap.
"Rose! Ano ka ba? Bakit hindi mo sinasagot ang cellphone mo? Kanina pa ako tumatawag!" Sigaw ng Dada niya na halos makapagpabingi sa kaniya.
"Dada, bakit po? Anong nangyari?" Ito ang kauna-unahang pagkakataon na sigawan siya ng Dada niya. Nanginginig din ang boses nito kaya lalo siyang ninerbyos.
"N-narito kami ni Papa sa ospital. Umuwi ka na, ikuha mo kami ng mga gamit at dalhin mo dito sa Gonzales Medical Center,"
"Bakit nasa GMC kayo? Ano pong nangyari?" Ang GMC ay ang pinakamalapit na ospital sa lugar nila. Ang lakas-lakas ng tibok ng puso niya dahil sa kabang nararamdaman.
"Gawin mo na ang iniuutos ko, Rose." Huling wika ng Dada niya bago nito putulin ang tawag.
Hindi niya alam ang iisipin sa tono ng Dada niya, pati na ang paraan ng pagtawag nito sa pangalan niya lalo pa at karaniwan ng bebe ang tawag nito sa kaniya. At sa likod ng boses ng Dada niya ay naririnig niya ang takot at galit mula rito. Mabilis siyang pumasok sa tent. "Ace, Ace. Gising na! Kailangan mo na akong ihatid," yugyog niya kay Ace.
BINABASA MO ANG
RANDY's Sweetheart 04: Faraway
RomanceAminado si Rose na hindi siya maganda o sexy. Utak lang ang mayroon siya pero himala ng mga himala, mahal na mahal siya ng kababatang si Ace na isa sa mga pinakasikat na estudyante sa Raleigh University. Naging pormal ang kanilang relasyon noong 18t...