"Bebe? Anak?" Anong ginagawa mo rito?" Gulat na tanong ng Dada niya noong mapansin siya nitong nakatayo sa bukana ng pinto ng parlor. Mabilis nitong iniwan ang ginagawa nitong pagkukulay ng buhok sa isang customer. Tinapik nito ang isang tauhan para ipagpatuloy ang ginagawa.
Tipid siyang ngumiti sa Dada niya. "Hihintayin ko po kayo sa bahay para makausap ko kayo ni Papa," wika niya saka siya tumalikod at nagtuloy na sa kabilang pinto kung nasaan ang maliit nilang bahay. Naabutan niya ang Papa niya na nakatao sa tindahan. Katulad ng Dada niya ay bakas din sa mukha nito ang pagkagulat.
"Rose?" Pinagulong nito ang wheelchair papunta sa kaniya. "Napasyal ka."
Hinalikan niya sa pisngi ang Papa niya na napakunot-noo at tinitigan ang suot niyang jeans at maluwag na T-shirt.
"Bakit ganiyan ang suot mo?"
Hindi na siya nagtaka sa tanong na iyon. Sa loob ng anim na taon niyang pagmamadre, tuwing uuwi siya sa kanila para bisitahin ang mga magulang, lagi siyang nakasuot ng abito. Pero ngayon ay naka-civilian siyang damit. Sa totoo lang ay hindi na nga siya sanay sa ganitong damit sa tagal ng pagsusuot niya ng abito. Hindi siya nakasagot dahil biglang lumitaw ang Dada niya.
"Rose? Hindi pa panahon ng pagbisita mo," wika nito.
Tumango siya. "Iyon nga po ang sasabihin ko sa inyo."
"Tumuloy ka na sa kusina, ipaghahanda kita ng makakain, si Papa naman ay magsasarado muna ng tindahan," hindi na hinintay ni Dada niya na makasagot sila, dumerecho na ito sa kusina.
"Tulungan ko na po kayo," kumilos siya at tinulungan ang Papa niya sa pagsasarado ng tindahan. Pagkatapos ay siya na mismo ang nagtulak sa wheelchair ng ama patungo sa kusina. Naabutan nila ang Dada niya na nagtitimpla ng juice at naglalagay ng tasty sa ibabaw ng lamesa. Nang maihanda iyon sa lamesa ay umupo ito at tinitigan siya. Siya naman ay itinigil ang wheelchair ng ama sa tabi ng isang silya at inalalayan itong makaupo roon.
Pagkatapos ay umupo siya sa isang silya sa tapat ng mga magulang at tinitigan ang pagkain sa lamesa. Hindi yata siya makakakain sa kabang nararamdaman. Paano niya sasabihin sa mga magulang ang desisyon niyang lumabas ng lumbento at ang plano niyang ipagpatuloy ang relasyon kay Ace, gayong alam niyang galit pa rin ang Dada niya? She felt so battered. Pagkatapos niyang harapin ang isang hurdle sa paglabas sa kumbento, panibagong laban na naman ang haharapin niya. Ngayon naman ay sa harapan ng mga magulang niya.
"Rose, hindi ka ba kakain?" Untag sa kaniya ng Papa niya.
Nag-angat siya ng tingin at umiling. "Pakiramdam ko ho ay hindi ako makakakain."
"May problema ba, bebe?" Tanong ni Dada niya at doon niya lang napansin ang pag-aalala sa mukha nito.
Huminga siya ng malalim bago nagsalita. "Lumabas ho ako sa kumbento."
Napanganga ang mga magulang niya at nagkatinginan ang mga ito. Ang Dada niya ang unang nakabawi sa pagkabigla. "Bakit? Anong nangyari?"
"Hindi ba at sinabi mo sa aming ang pagmamadre na ang gusto mong gawin habang-buhay? Sa tagal mo sa loob ng kumbento, anong nangyari at bigla kang lumabas?" Tanong naman ng Papa niya.
Muli siyang huminga ng malalim. Hindi na niya kailangang magpapaligoy-ligoy pa. "N-nagkita ho muli kami ni Ace."
Napatayo si Dada. "Ace? Ace Elizalde?"
Tumango siya pero wala na siyang sinabi.
Naisuklay ni Dada ang mga daliri sa buhok nito. "Labingtatlong taon na, Rose. Hindi ka pa rin ba tapos sa bagay na iyan? Lumabas ka sa kumbento para lang sa lalaking iyon?"
BINABASA MO ANG
RANDY's Sweetheart 04: Faraway
RomanceAminado si Rose na hindi siya maganda o sexy. Utak lang ang mayroon siya pero himala ng mga himala, mahal na mahal siya ng kababatang si Ace na isa sa mga pinakasikat na estudyante sa Raleigh University. Naging pormal ang kanilang relasyon noong 18t...