Nagmulat si Rose ng mga mata at inilibot ang paningin sa madilim na paligid. Inaninag niya ang alarm clock sa bedside table at nakita niyang alas-dos na pala ng madaling araw. Dahan-dahan siyang bumangon at nilingon niya si Sister Mila, ang kasama niya sa kuwarto, tulog na tulog ito. Samantalang siya ay kanina pa nakahiga at nakapikit pero hindi siya makatulog. Dapat ay malalim na ang pagtulog niya sa mga oras na ito lalo pa at maaga silang bumabangon sa araw-araw para sa mga gawain at aktibidad nila. Pero ganito na ang routine niya simula ng magkita muli sila ni Ace.
Tumayo siya at pinatungan ng makapal at mahabang jacket ang mahaba rin niyang pantulog at nagsuot ng tsinelas. Maingat at walang ingay siyang lumabas ng kuwarto, ang balak niya ay pumunta sa kusina upang uminom ng gatas para kahit papaano ay makatulog siya. Pero paglabas ng kuwarto ay natagpuan niya ang mga paang tinatahak ang chapel. Itinulak niya ang pinto pabukas at naglakad papasok hanggang sa makarating siya sa harapan ng altar. Tinitigan niya ang malaking imahe ni Jesus Christ na nakapako sa krus. Dahan-dahan siyang lumuhod sa harapan at mariing pumikit. She felt guilty. She felt disappointed with her self.
"Patawad po, Panginoon ko," hindi niya mapigilang maibulalas habang nakatitig siya sa altar. "Akala ko ay napakalapit na ng relasyon ko sa inyo at wala ng makapagbabago pa ng isip ko. Pero sa pagkikita namin ni Ace, hindi na po ako natahimik. Hindi ko na po alam ang gagawin ko, ang iisipin ko. Pumasok ako sa kumbento dahil naramdaman kong gusto ko ng mas malalim na relasyon sa Inyo, narinig ko ang pagtawag Ninyo. Ilang beses ko pong ipinagdasal kung ito na ba ang landas na tatahakin ko.
"Sa loob ng anim na taon, sa pagiging malapit sa inyo, nakaramdam ako ng kapayapaang hindi ko pa naramdaman sa buong buhay ko. Ibinuhos ko ang lahat ng lakas ko para sa masinsinang pag-aaral ng mga salita at ministeryo Ninyo na naging motivation ko sa pangaraw-araw kong pamumuhay, ang mga prinsipyo ng religious life, ang personal consecration ko sa Inyo.
"Super excited ako noong sabihin ko ang temporary vows ko sa Inyo. Sobrang nagagalak ang puso ko sa parteng iyon ng formation. Mas gusto ko pang palalimin ang spiritual awareness at pagkakaintindi ko sa calling Ninyo sa akin. Masaya po ako na mamuhay kasama ng iba pang sisters, sa ministry, sa pagdadasal, sa pagsama sa mga charity events at pagtulong ng lubos at bukal sa loob sa mga kapwa ko na nangangailangan, sa malalim na pag-aaral ng mga scriptures at Gospel para lalo pang mapaunlad ang bokasyon ko upang mamuhay ako ng ayon sa salita Ninyo.
"Akala ko sa kabila ng lahat na iyon, ay naialay ko na ang buong pagkatao ko sa inyo. Pero dumating si Ace. At sa kabila ng pananakit ko sa damdamin niya, sinabi niya sa aking mahal pa rin niya ako," pinunasan niya ang mga luhang naglalandas sa pisngi niya. "At mahal ko pa rin po siya. Akala ko ay tapos na ang bahaging iyon ng kahapon ko pero isang kita ko lang sa kaniya, nalaman kong nagkamali po ako. At sa pag-uusap namin ni Abigail, lalo po akong naguluhan. Hindi ko na po alam ang iisipin."
Isinubsob niya ang mukha sa palad at tuluyang humagulgol. Ano ang dapat niyang gawin para bumalik ang kapayapaang naramdaman niya sa loob ng kumbento sa loob ng anim na taon? What needs to be done? What choices to make? Hindi niya alam. Hindi siya sigurado.
"Sister Rose?"
Gulat siyang nag-angat ng paningin. Nakatayo si Mother Cristina ilang hakbang mula sa kaniya. Pinahid niya ang mga luha at dahan-dahang tumayo. "M-Mother Cristina..."
"Halika, anak," wika nito. Umupo ito sa pinakamalapit na pew. Walang imik siyang tumabi rito. "Hindi ka makatulog?"
Tumango siya pero hindi sumagot. Hindi niya alam kung ano ang iniisip ng matandang babae noong maabutan siya nitong humahagulgol sa harap ng altar.
BINABASA MO ANG
RANDY's Sweetheart 04: Faraway
RomanceAminado si Rose na hindi siya maganda o sexy. Utak lang ang mayroon siya pero himala ng mga himala, mahal na mahal siya ng kababatang si Ace na isa sa mga pinakasikat na estudyante sa Raleigh University. Naging pormal ang kanilang relasyon noong 18t...