Part 1-6

17 3 0
                                    

Nakaputi ang lahat sa pagtitipong ito na ni minsan ay hindi namin ginustong mangyari.

Anim na kalalakihan ang nagbuhat ng kabaong hanggang sa marating nila ang libingan na paglalagakan ng katawan ni Miyoko. Habang bumababa ang kabaong sa hukay ay umalingawngaw ang pag-iyak ng mga tao sa gitna ng sementeryo.

Tumanggi akong umiyak dahil alam kong wala naman itong maitutulong, ngunit hindi bato ang puso ko para hindi madaling madurog. Hindi ko namamalayan ay napahikbi na lamang ako at narinig ito ng aking mga magulang. Niyakap ako ni Mom at tinapik naman ni Dad ang aking likod. Alam nila ang nararamdaman ko. Para sa akin, hindi lamang kaibigan si Miyoko, parang kapatid ko na rin siya. Wala akong kapatid pero pakiramdam ko ay parang nawalan na rin ako ng kapatid.

"Yo-sef... paki-sabi... kay... Bel-la... na... ma-hal... ko siya," bumulong sa aking isipan ang mga huling salitang binanggit ni Miyoko bago siya mamatay.

Hanggang ngayon... hindi pa rin nagpapakita si Bella. Walang silbi ang cellphone number na nakuha ko sa phonebook ni Miyoko. Ilang beses ko siyang tinawagan at tinext, pero hindi siya sumasagot. Sinubukan naming maghanap ng picture ni Bella sa kuwarto ni Miyoko pero wala kaming nakita. Ni hindi namin alam ang kanyang apelyido. Paano kaya namin siya mahahanap?

Isa-isang lumapit ang mga kamag-anak at kaibigan ni Miyoko sa libingan at hinulog ang puting rosas. Nang pagkakataon ko na para gawin iyon ay bumulong ako ng isang pangako:

"Miyoko, pangako. Hahanapin ko si Bella. At sasabihin ko kung gaano mo siya kamahal na kahit sa huling hininga mo ay siya pa rin ang iyong iniisip."

Saka ko hinulog ang puting rosas.   

Crossroads (Tagalog)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon