Part 1-3

39 3 0
                                    

Sampung minuto ang muling lumipas, at tuluyan na nga akong nawalan ng pasensya. Napagpasyahan ko nang tawagan si Miyoko:

"What the hell? Thirty minutes na akong naghihintay dito."

"Wait lang. Parating na rin ako. Malapit na ak—"

At ang sunod ko nang narinig ay isang malakas na ingay na tila salpukan ng mga sasakyan. Ang unang pumasok sa isip ko ay na-aksidente si Miyoko.

"Miyoko? Anong nangyayari diyan?" balisa kong tanong.

"Yo-se-e-ef", naghihingalo niyang sinabi, habang hirap sa paghinga.

"Miyoko, nasaan ka? Pupuntahan kita."

Litong-lito ako. Hindi ko alam kung saan dapat tumungo para hanapin siya.

"Yo-sef... paki-sabi... kay... Bel-la... na... ma-hal... ko siya."

Bella? Sino si Bella? At naalala ko ang bago niyang girlfriend. Bella marahil ang kanyang pangalan. Pero kung ipapakilala ni Miyoko si Bella sa amin, kasama niya dapat ito sa sasakyan.

"Miyoko, antayin mo ako. Pupunta ako diyan. Tutulungan ko kayo ni Bella. Sabihin mo sa akin kung nasaan kayo ngayon."

Bigla na lamang huminto ang naririnig kong paghinga ni Miyoko sa kabilang linya.

"Miyoko?"

Ngunit wala siyang naging tugon.

Hindi ko malaman kung saan siya pupuntahan. Paikot-ikot ako at hindi malaman kung anong daan ang tatahakin. Pinili ko na lamang tumakbo sa direksyon ng babae na nagalit sa akin kanina. Hawak ko ang cellphone sa aking kanang tainga, at aksidente kong naibunggo ang aking kanang siko sa babae. Alam kong nasaktan siya, pero hindi na ako humingi pa ng tawad. Sinisigawan niya akong bumalik, pero nagpatuloy ako sa pagtakbo.

Anomang oras ay maaring mamatay si Miyoko. At sa bawat segundo na aking aaksayahin ay maaring hindi ko na siya maabutan pang buhay.

Narating ko ang isang intersection at napagtanto kong tama ang aking dinaanan nang makakita ako ng kumpulan ng mga tao.

Ang iba ay nanonood lamang. Ang iba naman ay sumisilip lamang, curious sa kung anong nagaganap. Nakakapanghina ng loob nang makita kong may mga tao na imbes na tumulong ay panay ang kuha ng mga picture at video. Nakipaggitgitan ako sa kanila hanggang sa tumambad sa aking mga mata ang kalunos-lunos na nangyari.

Dalawang sasakyan ang kabilang sa aksidente. Isang SUV na yupi ang hood dahil sa impact. Isang lalaki at isang babae ang nasa loob at umaagos ang sarili nilang dugo mula sa kanilang mga noo.

Mas malala ang kinahantungan ng sasakyan ni Miyoko – Tumaob ito at nagkalat ang mga basag na salamin sa paligid. Nag-atubili akong lumapit nang may mapansin akong dugong umaagos sa kalsada.

May mga kaunting tao na sinusubukang buksan ang pinto ng sasakyan ni Miyoko. Lumapit ako at nagpakilalang kaibigan ng biktima. Balisa kong tinanong kung may tumawag na ba ng ambulansya, at sinabi ng isang lalaki na nakatawag na siya at parating na ang tulong.

Sinubukan kong kumalma bago ako lumuhod para silipin si Miyoko. May bahid ng dugo ang kanyang mukha. Nakatiwarik siya sa loob ng tumaob niyang sasakyan sa kadahilanang naka-strap pa rin siya sa kanyang seat belt. Nasa kaliwang kamay niya pa rin ang kanyang cellphone at umiilaw. Tinawag ko siya pero wala siyang kibo.

Humingi ako ng tulong sa mga tao sa paligid para subukang buksan ang pinto ng sasakyan, ngunit hindi namin ito magawang buksan gamit lamang ang aming mga kamay. Gayun din ang kabilang pinto. Ang tanging pag-asa na lamang ay ang dumating ang ambulansya.

Hindi ko na alam ang aking gagawin. Namalayan ko na lamang na unti-unti nang bumagsak ang aking mga luhod, hindi alintana ang mga basag na salamin sa lupa.

Hanggang sa may naalala ako – si Bella. Muli akong tumayo at tinignan ang passenger seat – ngunit wala akong nakita. Nakalabas na kaya siya ng sasakyan? O marahil ay wala talaga siya sa loob nang mangyari ang aksidente at ngayon ay nasa isang lugar kung saan siya ay ligtas?

Sa pagkakataong iyon ay muli kong naaninag ang pag-asa nang marinig ko ang sirena ng paparating na ambulansya.


Crossroads (Tagalog)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon