Part 2: Isabel
There is a chapter in our lives that we may call the 'Crossroads', and this is where the roads of two people's lives are destined to meet...
At dito kami unang nagkita ni Isabel.
Katatapos lang ng klase ko at pauwi na ako ng bahay. Pang-limang taon ko na ngayon sa kolehiyo. Pero sa totoo lang, ang mga subject na kinukuha ko ay pang-third year level pa lamang. Siguro naman alam mo na kung bakit. Marami kasi akong bagsak noong mga nakaraang semester.
Nakatayo ako sa tabi ng isang bus stop sign habang nag-aabang ng bus na ang last stop ay ang Sevilla Avenue. Ang kaso, karimahan ng mga bus na dumadaan ay puno na ng mga pasahero.
Kalahating oras ang lumipas bago ako nakakita ng bus na hindi pa gaanong puno. Pag-akyat ko ng bus, nilibot ko ang aking mga mata para maghanap ng bakanteng upuan. Hindi pa ako nakakaupo nang bigla na lamang umandar ang sasakyan. Nahirapan tuloy akong maglakad papunta sa likod kung saan may nakita akong bakanteng upuan. Pagkaupo ay tumingin ako saglit sa katabi ko na isang babae at natutulog. Pero hindi ko makita ang kanyang mukha dahil natatakpan ito ng kanyang buhok.
Na-stuck ang bus sa napakatinding traffic. Hindi ko na tuloy naiwasan ang antukin, kaya tuluyan na ngang pumikit ang aking mga mata...
Nagising na lamang ako nang maramdaman kong may kamay na dumadampi sa aking balikat. Nang buksan ko ang aking mga mata, nakita ko ang konduktor at sinabi niya sa akin na nakarating na kami ng Sevilla Avenue. Nakita ko sa labas ang Miyoko's Restaurant, kaya napagtanto kong nakarating na nga kami ng Sevilla Avenue.
"Gisingin mo na rin ang girlfriend mo," sambit ng konduktor. "Pwera na lang kung gusto mo siyang buhatin palabas."
"Girlfriend?" Natawa ako nang marahan. "Nagkakamali po kayo. Wala po akong girlfriend."
Pero nang may naramdaman akong bigat sa aking kanang balikat, doon ko lamang napagtanto ang kanyang sinasabi. Nakasandal sa aking balikat ang ulo ng katabi kong babae. Nakita ko ang kanyang mukha at ako ay parang na-hypnotize.
Pero bigla na lamang nanlaki ang aking mga mata nang maalala ko na dati ko nang nakita ang magandang babae na ito – siya yung babae na nabunggo ko isang buwan na ang nakakaraan na nangyari dito mismo sa lugar na ito. Siya yung babae na sinusumpa ang mga naninigarilyo.
Sa isang iglap ay biglang umangat ang kanyang ulo. At nang dahan-dahan siyang dumilat ay nagtagpo ang aming mga paningin at mabilis na nag-alab sa galit ang kanyang mga mata.
Hindi na ako nagdalawang-isip pa na tumakbo palabas ng bus. Tumalon pababa ng hagdan at mabilis na tumakas. Tumingin ako sa likod para alamin kung sinusundan niya ba ako – pero isang malaking pagkakamali ang tumingin ako sa likod.
Dahil sa hindi ko nakikita ang aking dinadaanan ay hindi ko napansin na basa pala ang isang bahagi ng sidewalk na tinatakbuhan ko. Hindi ko sinasadyang napatapak doon. Nadulas ako at bumagsak ang buo kong likod sa lupa. Hindi ako makatayo dahil umiikot ang aking paningin.
Makalipas ang ilang segundo ay bumungad sa akin ang mukha ng babae. Tinakpan ko ang aking mukha gamit ang aking mga kamay. Akala ko kasi ay sasampalin niya ako... pero mali ang akala ko.
"Ayos ka lang ba?" tanong niyang na tila naaawa.
BINABASA MO ANG
Crossroads (Tagalog)
Romantizm'Crossroads' is where the roads of two people's lives are destined to meet. Naliligaw ng landas ang buhay ng college student na si Yosef hanggang sa isang araw ay nakilala niya ang isang prangka-ngunit-magandang si Isabel na nagsimulang baguhin ang...
