Part 2-9

9 2 0
                                    

Nagising ako mula sa mahimbing na pagkakatulog, nang marinig ko ang ringtone ng aking cellphone. Kinapa ko ang cellphone sa mesa na nasa gilid ng aking kama. Habang nakahiga pa ay kinusot ko ang aking mga mata at binasa ang natanggap na text message.

From: Isabel

Setember 29, 2008 5:01 AM

Yosef, I'm really sorry. Pwede ba tayong mag-usap?

Magkita tayo s north intersection ng Sevilla Avenue, 7 AM. Please!

Mabilis akong bumangon at tumayo. Hindi ako nakatingin nang ibalik ko ang cellphone sa mesa at may narinig akong nahulog sa sahig. Mukhang may nausog akong bagay na nakalagay sa table. Hindi na ako nag-abala pang alamin kung ano iyon, dahil nagsisimula na akong maghubad ng damit para maligo.

Nakarating ako sa aming tagpuan nang mga 6:30 AM. At nandoon na agad si Isabel, nakasandal sa poste at blanko ang tingin sa kalsada. Tinawag ko siya. Agad siyang lumapit sa akin at binigyan ako ng napakatamis na ngiti na matagal ko ring hindi nasilayan – at bigla na lamang niyang sinabi:

"Happy Birthday, Yosef!"

"Anong sabi mo?" tanong ko habang nakakunot-noo.

"Ang sabi ko, 'Happy Birthday.'"

Kinamot ko ang aking ulo. "Ano bang date ngayon?"

"September 29. Birthday mo ngayong araw. Huwag mong sabihing nakalimutan mo."

"Siyempre naman, hindi. Alam ko ang birthday ko. Hindi ko lang talaga alam ang date ngayong araw."

At biglang nagbago ang kanyang mood at nagsabi, "Noong nakalipas na dalawang linggo... gusto ko sanang humingi ng tawad, Yosef." Lumapit siya sa akin, close enough para makita ko ang sincerity sa kanyang mga mata.

"Ok lang, Isabel. Ang gusto ko lang naman ay magkaayos tayong muli at... ahmm."

"At ano?"

"At sobrang na-miss talaga kita."

Sa isang iglap ay bigla na lamang niya akong niyakap. Pero mabilis din niya akong binitiwan.

"Sorry, Yosef. Kailangan ko lang talagang gawin iyon."

"O-okay lang." Feeling ko pulang-pula na ngayon ang aking mukha.

"Naalala mo pa ba noong una tayong magkita rito?"

"Oo naman. Hinding-hindi ko makakalimutan yung araw na pinagalitan mo ako dahil nanigarilyo ako malapit sa iyo, dahil sa hindi muna ako nagtanong kung okay lang bang manigarilyo at malalanghap mo ang usok. At nang araw rin na iyon..."

Napatigil ako sa pagsasalita nang bigla kong maalala ang aksidenteng kumitil sa buhay ni Miyoko.

"At ano?" tanong niya.

Pinili kong hindi sabihin ang tungkol sa aksidente kaya nag-isip na lang ako ng ibang nangyari noong araw na iyon:

"Ahmm... aksidente kitang nabunggo habang tumatakbo ako."

"Alam mo bang may hawak akong cellphone nang mabunggo mo ako?"

"May hawak kang cellphone?" Sinubukan kong alalahanin lahat nang nangyari nang araw na iyon simula sa pagsindi ko ng sigarilyo, pero wala talaga akong matandaan na may hawak siyang phone. "Wala akong maalala."

"May hawak akong cellphone at tinatawagan ko ang ex-boyfriend ko nang mga oras na iyon. Pero hindi siya sumasagot. Nang mabangga mo ako, nabitawan ko ang cellphone at nahulog sa gutter na iyan." Itinuro niya sa akin ang gutter sa sidewalk kung saan nahulog ang kanyang phone. "Hindi ko alam kung saan nakatira ang ex ko at ang cellphone na iyon lamang ang point of communication namin. Dapat talaga kinabisado ko ang cellphone number niya."

"Sorry talaga, Isabel. Sobrang disoriented ako nang mga oras na iyon. May nangyari kasi sa kaibigan ko. Gusto ko talagang humingi ng tawad pero—"

"Okay lang, Yosef. Hindi kita sinisisi... Magkikita dapat kami noong gabing iyon. Sabi niya mayroon siyang surprise sa akin. At alam mo ba kung anong surpresa niya? Pinag-intay niya ako buong gabi. Napakatanga ko kasi hinintay ko naman siya hanggang sumikat ang araw. Simula niyon, hindi ko na siya nakita. Hindi ko alam kung saan siya hahanapin, dahil ni minsan hindi naman niya sinabi kung saan siya nakatira.

"Na-realize ko kung gaano ako katangang babae. At na-realize ko na hindi naman talaga niya ako mahal. Kahit kailan, hindi niya talaga ako minahal. Ayaw niya akong ipakilala sa pamilya niya. Hindi ko alam kung bakit. Siguro kasi anak lang ako ng isang truck driver. Siguro kasi isa lang akong saleslady. Hindi ko alam kung bakit hindi niya ako tanggap... At iyon ang dahilan kung bakit hindi ko sinabi sa'yo ang lahat ng tungkol sa akin, Yosef. Natatakot kasi ako na baka mawala ulit ang isang espesyal na tao para sa akin."

"Pero, Isabel, hindi naman niya ako katulad." Hinawakan ko ang kanyang mga kamay. "Promise ko kahit kailan hindi ako magiging katulad niya. Wala akong pakialam kahit ano ka pa. Ang alam ko lang... mahal kita."

Bigla na lamang niya akong niyakap na tila wala nang bukas.

"Salamat, Yosef," bulong niya sa aking tenga.

Crossroads (Tagalog)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon