Part 2-8

9 2 0
                                        

Mag-aalas-otso na ng gabi. Nakatayo ako sa labas ng isang boutique, kung saan ang mga tao sa loob ay naghahanda nang isara ang shop – at isa sa kanila ay si Isabel. Oo, nagtatrabaho siya doon bilang isang saleslady.

Ilang araw ang nakararaan, nakita ko siyang naglalakad sa Sevilla Avenue isang umaga. Papunta ako ng school noong mga oras na iyon, pero napagdesisyunan kong sundan siya ng palihim para alamin kung saan siya papunta. At doon ko nalaman kung saan siya nagtatrabaho na ni minsan ay hindi niya binanggit sa akin. Hindi ko alam kung anong pumipigil sa kaniya para sabihin iyon sa akin. Nahihiya siya siguro. Pero sa totoo lang, hindi ako yung tipo ng tao na hahamakin siya dahil lamang sa siya ay isang saleslady.

Kausap niya ang ibang mga saleslady nang palabas na sila ng shop. Pagkatapos nilang i-lock ang store ay nagpaalam sila sa isat-isa. Naiwan siya kasama ang dalawa pang mga babae na marahil ay kasabay niya sa pag-uwi. Paalis na sila nang bigla akong lumitaw sa side ng isang nakaparadang sasakyan.

"Hi, Isabel," sabi ko na medyo nahihiya.

"Oh, Isabel. Hindi namin alam na may suitor ka pala," sabi ng isang babae.

"Pero pwede ring boyfriend na niya 'yan," sabi naman ng isa.

Tinignan ko si Isabel at hinintay ang magiging reaksiyon niya sa sinabi ng kanyang mga kaibigan hanggang sa namutawi ang mga salita na ito sa kanyang bibig:

"Oo, boyfriend ko nga siya. Yosef ang pangalan niya."

Hindi ako makapaniwala sa narinig ko. Iyon ang unang pagkakataon na nasigurado kong hindi lamang kaibigan ang turing niya sa akin – boyfriend na nga talaga niya ako ngayon.

"Tingin ko, dapat iwanan ka na namin sa boyfriend mo, Isabel," sabi ng babae na napagkamalang suitor ako.

Nagbeso sila at nagpaalam sa isa't isa. Nang maglakad ang dalawang babae ay kumindat sa akin ang isa. Bumulong naman ang isa pagdaan sa akin, "Enjoy the night, sir." At nag-giggle sila sa aking likuran.

Natawa ako. Bago ako nagsalita ay sinigurado ko munang nakaalis na ang dalawang babae.

"Nakakatawa naman yung mga kaibigan mo... Ahmm, tungkol sa sinabi mo kanina. Totoo bang boyfriend mo na nga ako?"

Pero tinignan niya ako na tila naiirita. Galit ang boses niya nang magsalita siya:

"Bakit nandito ka? Sino nagsabi sa'yo na nandito ako?"

Sa pananalita niya, alam ko kung ano ba talaga ang gusto niyang sabihin.

"Alam mo, Isabel. Hindi naman ako disappointed kung ano man ang trabaho mo. Ang gusto ko lang naman ay ang maging open ka sa kung ano ka. 'Yun lang naman ang hinihiling ko sa'yo."

Bigla kaming natahimik na dalawa hanggang sa sinabi niya:

"Ayokong maging open."

Tumalikod siya at lumakad papalayo. Sinundan ko siya at naglalakad kaming dalawa na tila hindi namin kilala ang isa't isa. Ilang minuto ang lumipas, narating namin ang sidewalk malapit sa poste ng ilaw kung saan kami unang nagkita. Humarap siya sa akin na nakababa ang ulo.

"Pasensya ka na, Yosef. Pagod lang siguro ako. Gabi na. Mag-usap na lang tayo bukas."

Tila nawala ang pasensiya ko nang bigla niya akong talikuran. Nakakailang hakbang pa lamang siya nang bigla siyang napatigil sa sinabi ko:

"Alam mo, minsan naisip ko, sana hindi na lang kita nakilala." Nagsisi ako bigla sa sinabi ko. "Sorry, hindi talaga iyon ang gusto kong sabihin."

Saglit na katahimikan ang muling namagitan sa aming dalawa hanggang sa tumalikod siya at umiyak:

"Sana hindi na lang din kita nakilala."

Tumakbo siya pero pinili kong hindi siya sundan. Pinanood ko lamang siya hanggang sa mawala siya sa aking paningin.

"Wala na kami siguro," bulong ko sa aking sarili.

Ang araw na nalaman kong boyfriend na niya ako, tila iyon na rin ang araw na nakipag-break siya sa akin.

Crossroads (Tagalog)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon