Ayon sa isinagawang imbestigasyon ng mga pulis, ang lalaking driver ng SUV na bumundol sa sasakyan ni Miyoko ay hindi napansin ang pulang ilaw ng traffic light. Nakaligtas siya ngunit hindi ang babae na kasama niya na napag-alamang kasintahan niya.
Ilan sa mga gamit ni Miyoko ang nabawi mula sa nasirang sasakyan, kabilang ang kanyang cellphone at isang notebook. Hinanap ko ang number ni Bella sa phonebook ng cellphone. Sinubukan ko siyang tawagan ng ilang beses ngunit hindi siya sumasagot. Ini-scan ko naman ang notebook at napagtanto ko na isa itong journal.
Mahirap ang pinagdadaanan ng pamilya ni Miyoko ngayon, kaya marahil ay hindi pa ito ang tamang oras para tanungin sila tungkol kay Bella. Ngunit nakakapagtaka rin kung bakit walang nagbabanggit tungkol sa kanya. Nagtanong ako sa mga malalapit na kaibigan ngunit walang nakakakilala sa kanya.
Napagpasiyahan ko na hindi muna ibigay ang journal ni Miyoko sa mga magulang niya. Itatago ko muna ito pansamantala dahil maaaring magamit ko ito para mahanap si Bella.
Ang lamay ay ginanap sa isang funeral parlor. Sa ika-lima at huling gabi ng lamay na dinaluhan ng maraming kamag-anak at kaibigan ay naglakas-loob na akong tanungin ang mga magulang ni Miyoko tungkol kay Bella.
Nakikipagkuwentuhan ako sa ilang mga kaibigan sa may likuran ng kuwarto habang ang mga magulang naman ni Miyoko ay nakaupo sa unahan. Nang makita kong tumayo ang kanyang ama at naglakad sa gitnang pasilyo, sinalubong ko siya at humingi ng sandali para makausap nang personal. At kami ay lumabas ng funeral parlor at naglakad sa malamig na gabi.
Hindi ko pa nakitang umiyak ang tatay ni Miyoko, malayo sa kanyang asawa na panay ang hagulgol. Pero ang pamumula ng kanyang eyelid ay katunayan ng kalungkutan at sakit na dinadanas.
"Yosef, nagpapasalamat ako na lagi kang nandito para damayan kami. Pero masyado mo nang ginugugol ang oras mo dito. Ayos lang naman sa amin kung umuwi ka muna para makapagpahinga."
"Okay lang po ako, Uncle," sagot ko. "Ito lang po ang kaya kong gawin... para kay Miyoko." Kinagat ko ang aking labi matapos kong sabihin ang kanyang pangalan. Maging ang pagbanggit lang ng kanyang pangalan ay masyadong masakit.
Tinapik niya ang aking likod hanggang sa makayanan ko na muling magsalita:
"May gusto po sana akong itanong sa inyo. Tungkol po ito sa kanyang girlfriend. May nabanggit po ba sa inyo si Miyoko tungkol sa kanya? Bella po ang kanyang pangalan."
"Oo, nabanggit niya sa amin na meron siyang girlfriend. Pero hindi pa kami nagkaroon ng pagkakataon na makita siya. Magkikita dapat kami noong gabing namayapa si Miyoko."
"Alam niyo po ba kung saan siya makikita?"
Ngunit umiling lamang siya.

BINABASA MO ANG
Crossroads (Tagalog)
Romance'Crossroads' is where the roads of two people's lives are destined to meet. Naliligaw ng landas ang buhay ng college student na si Yosef hanggang sa isang araw ay nakilala niya ang isang prangka-ngunit-magandang si Isabel na nagsimulang baguhin ang...