9

420 10 4
                                    

9: Luna

Ang dilim ay unti-unting naparam na gaya ng sa ibabaw kapag padatal na ang umaga. Bakit nga naman hindi magliliwanag, kung gayong nakatingala ako at ang langit nga ang aking pinapanuod?

Parang bulak na nabuo ang ulap—malambot, mahugis, at maputi. Binutas na ang kawalan ng sindi ng araw.

Hinigop ng hangin ang lahat, at napalitan ng tanawin.

Nakilala ko agad ang likod ni Colden Montreal bago pa man dumapo ang paningin ko sa kanyang ulo. Nakahubad siya. At perpekto ang pagkakahulma ng kanyang likuran.

Tinalunton ko ang paborito kong mga ugat niya sa braso. Pababa sa kamay niyang nanginginig habang tanan ang isang makalawang na baril.

Doon na napako ang mga mata ko sa dayuhang bagay. Hindi na iyon nanginginig. Ngunit nagsimulang umangat ang makalawang kagamitan para harapin ako.

Huwag!

Ako ang nagsalita subalit hindi nanggaling sa sariling bibig ang alingawngaw. Akin ang boses pero hindi ang dila ko ang ginamit para mailikha ang winika.

Iginala ko sa paligid ang paningin dahil ang iisa kong salita ay parang bolang tumalbog-talbog sa kabuuan ng pook. Kung gaano kaikli ang sinambit ko ay ganuon din katagal ang inabot upang tuluyang maglaho ang alingawngaw niyon.

Napawi ang pakiramdam na may inaapakan pa rin ako kasabay ng malakas na putok ng baril. Lumutang ang katawan ko sa hangin at napakatagal bago ako mapalapit kay Montreal.

May tama ba ako?

Nagbago ang pook. Malinaw na nakabalik na kami sa bahay. Tiningala ko si Colden na dinadaluhan ako ngayon. Parang mabangis na hayop kung siya ay makatingin sa isang direksyon. Hanggang sa tunay na nga siyang naging hayop—naging malaking lobo na may matutulis na ngipin. Bagaman ay matatalim din ang mga kuko niya sa kamay na nakaakbay sa akin, hindi niya ako hinahayaang masugatan.

Sinundan ko ang biktima ng nakamamatay niyang titig at natagpuan ang hindi maipaliwanag na pigura ng tao. Alam kong tao iyon ngunit alam ko ring hindi pantao ang itsura. Higit sa lahat, alam kong dapat iyong kamuhian dahil binalak niya akong saktan. Siya iyong may bihag sa akin kanina kaya kinailangan siyang barilin ni Col para mabawi ako.

Winter.

Ngayon ay boses ko pa rin ang namayaning palahaw sa lugar pero sigurado akong hindi ako ang nagsalita.

Nilingon ko ang likuran ni Col at nakita ko si Yuki na dahan-dahang nagkapigura mula sa maliit na tuldok. Lumaki siya nang lumaki hanggang sa nalamon na ng sukat niya ang mga mata ko.

Hindi ako kumurap ngunit pakiramdam ko ay galing ako sa pagtulog. Nawala ako sa tabi ni Col. Napunta ako sa pwesto ni Yuki. Ako na ulit si Yuki.

At nalungkot ako dahil nakatalikod pa rin sa 'kin si Col. Gusto kong tingnan niya ako, ako lang.

Tumayo siya ngunit habang ginagawa 'yun ay lumiliit siya na para bang lumalayo siya sa akin. Iniangat niya ang magkabilang kamay sa posisyong tila ba pinoprotektahan ako.

Kahit na hindi ako tumingin ay alam kong may taong balak akong barilin na nasa harapan niya. Hindi iyon titigil hanggang hindi niya 'ko napapatay.

Walang barilang naganap; gayunpaman ay biglaang bumulagta si Colden sa malamig na sahig. Damang-dama ko iyon sa aking talampakan. Tinakbo ko nang buong katahimikan ang distansya namin. At lumakas ang ugong sa aking tainga na hindi ko namalayan kung kailan nagsimula.

May butas sa dibdib si Colden. Wala akong naging emosyon. Ngunit parang ako ang nakadama sa kawalan na naramdaman niya. Parang ako ang nawalan ng puso. Tila ba ako ang may butas sa bandang dibdib.

MontrealTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon