1

836 26 18
                                    

1: Yuki

Bumangon ako at may matinding kirot ang agad na gumuhit sa aking dibdib. Nagsarili ang sistema ko at binalewala iyong hapdi. Kumibot ang mga kilay ko. Bakit parang wala lang sa katawan ko ang naramdamang sakit?

"Sandali! Wag ka munang bumangon! Bawal ka pang gumalaw!" boses ng babae.

Nakakaengganyo ang ideyang hawiin ang mga nakawalang hibla ng buhok ko sa kaliwang pisngi at iipit ang mga iyon sa aking tainga. Ngunit ang sarap isipin kung paano ko susupilin iyong naghamak na pagbawalan ako.

Bakit ang brutal kong mag-isip?

"Sino kayo?" ulit ko. Nagngitngit ang mga ngipin ko dahil hindi pa rin nila nasasagot ang simpleng tanong ko, sa halip ay ang pangingialam nila sa ginagawa ko ang kanilang mas inuna.

Natagpuan ko na lamang ang sariling kumukunot ang noo dahil sa pagsasarili na naman ng aking sistema. Habang sinasabi ko iyong dadalawang salita na iyon ay mabilisan nang naglakbay ang mga mata ko sa paligid.

Apat na payak na dalaga, isang may kagandahang dilag at isang magandang lalaki. Nasa limang talampakan at dalawang pulgado ang pinakamaliit sa babae samantalang humigit-kumulang anim na talampakan at dalawang pulgado naman iyong lalaki. Pawang walang mga hawak na armas, ngunit klarong may pasang panganib ayon sa mga hubog ng katawan at tikas nila mismo. Sa kabila ng murang edad na dala ng bata nilang anyo ay mababatid sa kanilang mga mata ang pagkabihasa at karunungang mukhang doble pa ang tanda sa kanilang taon. Unarmed yet unsafe, my final conclusion. Mabilis itong rumehistro sa utak ko sa 'di malamang kadahilanan.

Kahit na naguguluhan pa rin ako sa ikot ng sariling pag-iisip ay hinayaan kong tumimo sa aking isipan na delikado ang mga taong ito at kailangan kong mag-ingat.

Parang kalabit ng gatilyo ang tanong ko dahil basta na lamang naging tensyonado ang hangin sa loob ng silid. Hinayaan ko na ang mga mata kong umulit sa pagsusuri ng kwarto.

Kulay puti ang kabuuan nito. May mga aparato sa paligid na alam kong ginagamit sa medisina. Nasa isang kama akong puti rin, sa gilid ko ay metal na lamesang pinagpapatungan ng ilan pang aparato, at sa kabilang gilid nama'y mayroong makina na nagpapakita ng linyang sumisimbolo sa pintig ng aking puso.

Habang nagkakatinginan sila na ultimo naguguluhan din sa mga pangyayari kagaya ko ay pasimple kong hinugot lahat ng tubong nakaturok sa'kin.

Umawang ang bibig ng magandang dilag dahil siya lang ang nakapansin sa ginagawa ko ngunit hindi naman gumawa ng hakbang para pakialaman ako. Ayos.

Lumayo nang bahagya ang apat sa akin. Lumapit iyong may malaking dibdib na babae at may kulay-gintong buhok doon sa pumigil sa 'king gumalaw kanina. Tila may bumabagabag sa dalawa at iyong may matatalinong mga mata ang makakasagot sa kanilang problema. Iyong mala-agila naman kung makatingin ay humalukipkip na nakinig din mula sa may kalayuan. Mabuti.

Ngayon ay isang balakid na lang ang naiwan para sa'kin. Iniwasan kong tingnan ang nakakatuksong pinto palabas at bumaling na lang sa magandang lalaki.

Una kong napansin—at natagalang titigan—ang pag-igting ng kanyang mga braso dulot ng pagkahalukipkip. Malalaki at malalaman ang mga iyon na kitang-kita dahil hinawi ang mga manggas ng kanyang damit hanggang siko. May kung ano sa tiyan ko ang nasiyahan sa pagtatalunton sa mga ugat niyang tila galit na galit at anumang oras ay puputok na.

Umangat pa ang aking paningin mula sa kanyang mga braso—sa kanyang mga naghihinanakit na mga ugat sa braso—patungo sa kanyang bibig na pirming nakangiti.

Tumagilid ang ulo ko. Hindi. May nag-udyok sa paniniwala kong mali ang aking nakikita. Huwad ang ngiti niyang iyon.

Tila nakumpirma ang hinala ko nang mapadako na sa wakas ang aking paningin sa kanyang mga mata na walang bahid ng kasiyahan. Ang unang simbuyo ko ay mag-iwas ng tingin, magtago, o kung ano man. Pakiramdam ko ay may kailangan akong protektahan, dahil pakiramdam ko ay inaatake niya ako... ng tingin.

MontrealTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon