18th: Stayed
NAPADPAD kami ni Michael sa gilid ng parking lot kung saan hindi dumaraan doon ang mga discipline officers. Lumingon- lingon pa ako, naniniguro na walang nakasunod. Ligtas na kami rito mula sa parusa .
Huminto na kami sa pagtakbo at hingal na hingal akong itinukod ang mga kamay sa tuhod ko. Pinunasan ko ng kamay ko ang dumadanak na pawis sa noo at leeg.
Mukha namang wala sa sarili si Michael at parang nanlalata ang katawan. Hindi na siya makatayo ng diretso at nanginginig ang katawan niya.
Alam kong hindi iyon dahil sa pagod. Halo-halo na ang emosyong nakapinta sa mukha niya.
Inalalayan ko siyang umupo sa sementadong upuan.
Naging magaspang ang paghinga niya at nagsimulang mangatog ang panga niya.
Hinagod-hagod ko ang likod niya. Hindi maipagkakaila kung gaano siya nasasaktan ngayon. Nasaksihan pa niya ang pagtataksil na ginawa sa kanya ng babaeng mahal niya.
Sinubukan niyang pigilan ang umaalpas na hikbi niya kasabay ng pamumuo ng tubig sa mga mata niya pero hindi niya nagawa at humantong pang tuluyan siyang mapahagulgol at bumuhos ang mga luhang kanina 'y ayaw niyang pakawalan.
Hinayaan ko lang siyang maging ganoon. Hinayaan ko siyang ilabas niya ang sama ng loob niya. Hahayaan ko siyang kusa niyang sabihin ang nararamdaman niya.
Shunga ka kasi eh. Siya pa 'yung minahal mo. Pwede namang ako.
"Ang tanga-tanga ko. Dapat hindi na lang siya ang minahal ko," sabi niya sa pagitan ng mga hikbi.
Iyan nga 'yung gusto kong sabihin kanina.
"Akala ko no'ng naging kami, magbabago siya. Pinakitaan ko siya ng respeto kahit alam ko noong una pa lang na gano'n siya. Hindi ko siya pinakialaman, pero ibang—–" Humugot siya ng hangin. "Iba-ibang lalaki pa rin ang gagalaw sa kanya. Akala ko hindi na siya sasama sa ibang lalaki. Kung gusto niya pala ng sex, pwede naman ako mismong boyfriend niya. Bakit sa iba pa? Hindi naman ako tulad ng ibang lalaki na sex lang ang habol sa kanya. Minahal ko siya. Siya lang ang kailangan ko. Iyong mahalin niya rin ako. Pero wala akong natanggap galing sa kanya. Hindi ko naman kasi hiningi. Hindi naman kailangang hingiin, eh. Ako 'yung kusang nagmahal. Gusto ko kusa niyang ibigay nang walang alinlangan. Pero sa iba niya binigay. Sa gagong Olano na 'yon na kung sino-sino rin namang kinakama." Mapait na ngumiti siya. "Kahit niloloko na niya ako minamahal ko pa rin siya. Hindi ko ginagawa sa kanya 'yung ginagawa niya sa 'kin. Hindi ko pinamumukha sa kanya ang panloloko niya sa 'kin. Hindi ko siya sinumbatan kahit ang sakit-sakit na! Kailangan ko pa palang makita mismo bago ako matauhan."
Akma niyang pupunasan ang mukha niya nang tumayo ako sa harap niya. Ako ang nagpunas ng basang dulot ng pasakit sa kanya, mga luhang walang tigil na umaagos sa pisngi niya.
Napayakap siya sa akin ng mahigpit at sumubsob sa ibaba ng dibdib ko at noon pa siya lalong umiyak.
Niyakap ko rin siya at hinaplos-haplos ang buhok at likod niya. Ito lang ang magagawa ko.
Pwede kong ibigay sa 'yo 'yung hindi naibigay ni Hina. Hindi ko gagawin 'yung ginawa niya sa 'yo. Hindi kita iiwan, hindi kita babaliwalain, nandito lang ako, makakasama mo kahit kailan. Maghihintay at magbabaka-sakaling ma-realize mong ako dapat ang mahalin mo.
BINABASA MO ANG
Exhibition
General FictionWhat if you encounter an exhibitionist? How would you react if a stranger pleasuring himself in front of you in a public place? [Tagalog story] Copyright © 2019 by MaristMolleda All Rights Reserved Copying, usage, transmission, or reproduction of th...