32nd: Proud

1.9K 31 2
                                    

32nd: Proud

"'Ayan! Tapos na 'yung report natin," nagiginhawaang anas ng kasama kong si Harold habang nakaharap pa rin sa laptop niya. Malaki ang ngitng lumarawan sa kanya sa kabila ng pagod na nararamdaman.

"Hays, buti naman!" Itinaas ko ng diretso ang mga braso ko at pabagsak na sumubsob ako sa mesa. Sa wakas, katapusan na ng kalbaryo namin. Nabawasan na kami ng mga gagawin. Makakapagpahinga na kami kahit paano sa mga susunod na araw matapos nang matagal na pagsusunog ng kilay sa pag-aaral.

Nakatambay kami sa gazebo ng garden na katapat ng gusali ng College of Communication kung saan namin tinapos ang activities namin. Si Harold na ang nag-polish ng report dahil siya ang may laptop. Malaki rin naman ang naitulong ko para mabuo ang requirement ng isa sa major subjects namin.

"Ipi-print na lang 'to," aniya.

"Saan tayo magpapa-print?" tanong ko, hindi nagbabago ng pwesto.

"Diyan na sa book store, para malapit lang." Nasa loob ng campus ang tinutukoy nito na doble ang presyo ng mga paninda't serbisyo.

Napadiretso ako ng upo at kinunutan siya ng noo. "Wag dun. Ang mahal dun, eh, wala na tayong pera. Marami 'yung ipapa-print natin."

"O, sinong gustong lumabas?"

Hindi ako sumagot.

"Ayokong lumabas," sabi niya.

"Ako na lang," napilitan kong pagprisinta. Pinaikot ko ang mata ko. "Tamad," pagtutukoy ko sa kanya.

"Pagod," pagtatama niya.

"Ako rin." Kinuha ko ang ambag niya at ang kopya ng report namin saka ako tumungo sa labas ng campus.

Sa dinami-rami ng mag-aaral na naglalabas-pasok sa entrada ng eskwelahan ay namataan ko ang isang taong ayaw ko nang makita.

Sumiklab ang galit sa kalooban ko. Nag-init ang mga mata ko. Nagtagis ang panga ko. Napahinto ako sa paglalakad kasabay ng pagkuyom ng aking mga kamay.

Lumapit ang taong pinakatititigan ko nang masama at tumigil siya sa harap ko.

"Kumusta ka na?" tanong ng pinakamumuhian kong ina. Bakas sa hitsura niya ang matinding hirap na dinaranas. Hindi lang sa hanap-buhay nito malamang maging sa pagtitiis na makisama sa mahal niyang asawa. Ang asawang mas mahal niya kaysa sa kanyang anak.

Ang lakas ng loob magpakita sa akin matapos niyang alisin ako sa buhay niya. At inaaasahan niya bang mabuti ang isasagot ko matapos ng mga pasakit na pinagdaanan ko dahil sa kagagawan niya?

Kumurap ako nang ilang beses upang pawiin ang nagbabadyang pagtulo ng luha ko. Napabuga ako ng hangin saka sarkastikong napatawa. "Mas naging okay ako nu'ng nawala ako sa bahay niyo."

Napayuko ang babae. "Patawarin mo ako, anak."

Maglalakad na sana ako palayo sa kanya nang hawakan niya ang kamay ko.

"Patawarin mo ako, Ami," ulit niya. Nag-umpisang yumugyog ang mga balikat niya. Tahimik na humihikbi.

Hindi ko alam kung paano ko sasabihin. Hindi sa hindi ko siya patatawarin. Pero hindi talaga siya dapat patawarin kung noong una pa lang ay iniwasan na niya ang pagkakamali. O kung noong maaga pa ay itinama niya ang pagkakamali. Namamanhid na ako sa sitwasyong ito. Galit—labis na galit. Iyon na lang ang natitira sa akin. Hindi na ako naaawa sa kanya dahil kasalanan na niya ang patuloy na magpakatanga kahit halatang-halata na dapat siyang matauhan sa panggagago sa kanya. Hindi lang naman siya ang nahihirapan sa kagagagahan niya, eh.

"Ayaw kong mawala ang papa mo sa 'kin," nagpaliwanag pa talaga siya. "Ayaw kong magkawatak-watak ang pamilya natin. Kaya pinili kong ikaw ang umalis dahil ayoko nang nasasaktan ka pa ng papa mo. Pero, mahal na mahal kita, Ami."

ExhibitionTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon