{ TBUP –73: Let’s Just End This }
--Third Person’s Pov--
//Narration.
Bakas sa mukha ni Ericka ang pagkabigla sa narinig niya mula kay Yanna. Napatingin ito kay Zico na kasalukuyang kandong ang anak nito at iniisip kung anong susunod niyang gagawin. Kahit maituturing na matalino at wais si Zico, ngayon, blangko ang isip niya, wala siyang plano, wala siyang maisip.
Umiwas ng tingin si Zico dahil hindi niya malaman kung anong mukha pa ang ipapakita niya kay Ericka. Hindi naman niya alam na ang isang gabing noon ay pinagsaluhan nila ni Yanna ay bubuo ng isang malaking problema sa hinaharap. Gustuhin mang magsisi ni Zico alam niyang hindi ‘yun ang dapat. Dahil alam niya sa sarili niyang nasa wasto siyang pag-iisip at ginusto niya ang nangyari sa pagitan nila Yanna noong gabing iyon.
Samantalang hindi pa rin maalis ang ngiti ni Yanna. Hindi dahil sa may binabalak siyang masama kundi dahil sa wakas, ay magkakasama na sila ng lalakeng pinakamamahal niya, ama ng anak niya at ang kukumpleto sa pinapangarap niyang pamilya. Matagal na hinangad ni Yanna ang makasama muli si Zico. Matagal na niyang inasam maiparamdam sa anak na si Zee kung gaano kasarap magkaroon ng ama, kung gaano katamis ang pagmamahal ng isang buong pamilya. Umaasa siya, umaasa siyang ito na ang simula ng masayang pamilyang hinahangad niya, sa piling ni Baby Zee at ni Zico.
Hindi rin naman niya alam kung ano ang namamagitan sa kanila ni Zico at Ericka. Basta ang alam niya –magiging magkapatid na ang dalawang ito—‘yun lamang ang sinabi ni Selene sa kanya.
“Ayos ka lang ba?” Tanong ni Yanna kay Ericka na nakatingin pa rin ng matalim kay Zico.
Nilapitan siya ng Mama niya at hinawakan sa braso.
“Tara muna sa labas…” Pag-aaya ng Mama nito sa kanya.
Alam ng Mama ni Ericka ang sakit na nararamdaman ngayon ng anak, dama niya ito at hindi niya kayang makita pang nasasaktan siya kung kaya’y dali-dali niya itong ginuyod papalabas ng mansion. Pakiramdam ni Mama Stella ay nabigo siya, nabigo siyang protektahan ang anak niya dahil muli—duguan na naman ang puso nito.
Nang nasa labas na sila ng mansion ay hindi na nakayanan ni Ericka ang magpigil ng luha. Dali-daling umagos ang tubig mula sa kanyang mga mata na tila ba ulan na ayaw papigil. Nasasaktan siya, nahihirapan.
“M-Mama, b-bakit g-ganun? O-Okay na ‘di ba? P-Pumayag na k-kayo ‘di ba? A-Ano na naman ‘to?!” Niyakap na lamang siya ng kanyang ina at hinaplos-haplos sa likod. Kahit alam niyang hinding-hindi mapapawi ng simpleng yakap at paghagod na iyon ang sakit na nararamdaman ng anak ay ginawa niya pa rin—dahil sa ngayon, ‘yun lang ang kaya niyang gawin.
BINABASA MO ANG
The Break Up Planner (Published Under Pop Fiction)
أدب المراهقين"Break na 'yan sa Sabado!"