{ TBUP –80: Keep Your Hopes Up! }
//Narration…
Hawak-hawak ni Selene ang kanang kamay ni Yanna habang nakapatong ito sa lamesang nasa pagitan nila. Pilit niya itong tinitignan sa mata subalit pinili ng matalik nitong kaibigan na yumuko… itago ang mga mata nito… ang nararamdaman nito…
“Yanna, please…” Wika ni Selene.
Mas lalong humigpit ang hawak ni Selene sa kamay ni Yanna. Tinitignan niya ang mukha nito, puno ng awa, puno ng lungkot. Lungkot nang dahil sa kinahinatnan ng pakikipag-usap niya sa kapatid na si Athena at lungkot dahil sa kinahinatnan ng matalik nitong kaibigan…
Nang dahil sa kanya.
Napabuntong-hininga ito at dahan-dahang hinimas ang kamay ni Yanna. Samantalang kahit umaagos ang luha ni Yanna sa kanyang mukha… hindi nito mapigilan ang unti-unting pagsara ng mga malalambot na kamay nito… pagsara dahil sa galit… desperasyon…
“Isang araw, tumawag ka, sinabi mong tutulungan mo akong makabalik sa kanya—makabalik siya sa akin tapos ngayon…” Sa wakas ay iniangat na ni Yanna ang kanyang mukha. Nagkasalubong ang dalawang mata nila. Nagtagisan ng tingin—galit, poot, sakit… lungkot. Lahat nang iyon ay nasa mata ni Yanna, sapat para matalo nito ang titig ni Selene. Bumaba ang titig ni Selene at ngayon siya na ang nakayuko, “sasabihin mo lang sa akin na bumalik na tayo ng Japan?! Na hayaan na lang natin silang lahat?!” Buong-buo ang boses ni Yanna, hindi mo aakalaing punong-puno na ng luha ang kanyang mala-anghel at inosenteng mukha. “Bakit? Dahil sa gusto mo na ulit maging anghel, ha Selene? Duwag ka na ngayon? O… naging duwag ka na ulit?”
Napapikit si Selene. Iniangat nito ang kanyang mukha. Ibinuka nito ang kanyang bibig ngunit tila ba nawala ang boses nito. Nawala, naduwag dahil sa tingin na ipinupukol ni Yanna sa kanya.
Huli niyang nakita ang kaibigan na ganoon nang ibalik siya ng kanyang ina sa Japan nang mabuntis ito. Galit si Yanna nang mga panahong iyon at halos lahat ng nakikita niya ay kinasusuklaman niya, kahit si Selene. Kahit ang pinaka-pinagkakatiwalaan nito.
“Yanna—”
“Hindi.”
Nang muling tignan ni Selene ang mga mata ni Yanna nakita niya ang determinasyon. Determinasyon… saan? Para saan?
“Yun ang sagot ko Selene.” Hindi na siya si Yanna—anghel, inosente, mahinang si Yanna—hindi na. “Hindi ako sasama sa’yo sa Japan. Hindi ako magtatago run nang dahil lang sa naduwag ako.” Yanna crossed her arms. “Umuwi ka rito. Bumalik ka rito para sa isang bagay ‘di ba? Bakit hindi mo napanindigan?” Sumandal si Yanna sa upuan nito habang naka-cross arms pa rin.
BINABASA MO ANG
The Break Up Planner (Published Under Pop Fiction)
Teen Fiction"Break na 'yan sa Sabado!"