"Nurse, sabihin mo sa'kin, mamamatay na ba 'ko?"
Mahigpit ang kapit ng isang matandang lalaki sa nurse ng I.C.U. Naghihingalo siyang kinakabitan ng samu't-saring tubo at nililinisan ng dugo sa balat. Puspos ng pagtangis ang mga kaanak niya na nakadungaw sa bintana ng I.C.U. at lahat ay balot ng takot na baka ito na ang kanyang huling hininga.
"Huwag po kayong matakot! Gagawin po namin ang lahat para mailigtas kayo. Huwag na po kayong magsalita at baka lalo lang kayong mawalan ng lakas. Alam ninyo, sa lakas daw ng pagsalpok ng kotse ninyo sa kasunod ninyong truck, himalang ganito lang ang nakuha ninyong pinsala at alam kong maililigtas kayo ni Doc. Magtiwala kayo, hindi kayo pababayaan ng Panginoon at gaya ng pagliligtas sa inyo ng Anghel niya, alam kong hindi pa ito ang oras ninyo"
Napa-iyak ang matanda at napangiti sa dalaga, habang tumatango na lang at tila napalitan na ng pag-asa ang kanina'y balot sa takot na mga titig. Hinawakan niya ang mukha ng dalaga, natuon ang tingin sa "name plate" sa dibdib ng nurse na kausap at sa malamlam nitong boses ay sinabing..
"Salamat.. Lourdes. Lumakas ang loob ko. Salamat sa iyo.."
Lumabas si Lourdes ng ospital habang nilulubos-lubos ang pahinga sa 15-minutong break nila sa nursing duty. Nakadungaw sa pasimano ng ospital at nakatitig sa langit.
"Natupad ko nang pangarap kong maging nurse. Ang sarap sa pakiramdam na nagbunga nang lahat ng pinaghirapan ko noong college. Pero ang hirap pa rin pala. Ang bigat sa pakiramdam na nakikita mong naghihirap yung mga pasyente mo. Kahit hindi mo sila kilala, ramdam mong sakit na dinadala nila. Parte na rin siguro 'to ng trabahong pinasok ko."
Bulong ni Lourdes sa sarili habang nakadungaw at nakasandig sa pasimano ng veranda sa gilid ng ospital, habang nakatanaw sa madilim na langit na hitik sa makikinang na bituin. Biglang lumitaw sa kanang gilid niya si Gabriel. Nakaupo sa sinasandigang pasimano ni Lourdes. Nakapangalumbaba na nakatitig sa dalaga..
"Huwag kang mag-alala, Des. Ligtas naman yung matandang lalaking pasyente mo kanina. Hindi pa niya oras, sabi ni Edward. Oo na, hindi mo kilala si Edward dahil hindi mo rin siya nakikita gaya ko ngayon na nakatitig sa'yo, pareho kaming Anghel Dela Guardia, pero 'di tulad niya, mas maswerte ako, dahil ikaw yung itinakdang makasama ko habang buhay dito sa lupa. Ang isang maganda at kaakit-akit na tulad mo.. Ang isan...."
Hindi pa natatapos magsalita si Gab ay sumulpot naman sa kaliwang gilid ng dalaga si Leo. Nakasuot din ng uniporme ng nurse at biglang ginulat ang nagmumuni-muning si Lourdes.
"Huy! Over Break ka na! Hala ka! Lagot ka na naman kay boss! Hahaha. Ano ba kasing iniisip mo riyan? Simula ng sabay tayong matanggap sa ospital na 'to parang lagi ka na lang nalulungkot tuwing may ipinapasok na pasyente sa ICU, eh 'di ba ito naman talaga yung trabahong pinaghandaan natin nang nagaaral pa lang tayo? Ay, oo nga pala, takot ka nga pala sa dugo! Ang kaisa-isang nurse na nakilala ko na naghi-histerical tuwing nakakakita ng dugo. Booo!!!!"
Pambubwisit ni Leo kay Lourdes. Napasimangot naman si Gab sa gilid nila. Halatang nasira ang pagse-senti niya kanina dahil sa biglang pagsulpot ni Leo sa eksena.
"Tantanan mo nga ako Leo! Tara na! Kailangan ko pa makauwi ng maaga dahil kailangang paghandaan yung Medical Mission natin sa Laguna sa Lunes!"
"Ay, oo nga pala! Buti na lang at pinakinggan ni Boss yung hiling kong maging partners tayo! Magkatabi na naman tayo sa bus, gaya nung college at magkatulong tayo sa pagtingin sa mga pasyente natin, partner! Yey!"
Nagtatatalon si Leo habang tinalikuran na siya ni Lourdes papasok muli sa ICU.
"Yuck! Hanggang dito ba naman ayaw ka pa ring tantanan ng bulateng 'yan? Inis!"
Inis na sambit ni Gab habang naiwan sa veranda at biglang pagaspas ng pakpak patalikod sa sobrang pagka-buwisit. Tumuloy-tuloy ang lakas ng nagawa nitong hangin at nakuhang maisara ang pinto kung saan nakapasok na si Lourdes pero papasok pa lang si Leo na sayang-saya pa rin sa pagbuntot sa dalaga. Saktong tumama yung mukha niya sa Glass Door ng ICU dahil na rin sa pagaspas ng pakpak ni Gab. Umalingawngaw sa paligid ang boses ni Leo..
"Araaaayyyyyyy!"
Hawak niya ang kanyang ilong at nangingiyak sa sakit ng pagtama sa pinto na nakabakat pang korte ng pisngi niya sa mga salaming dinding nito.
"Oooppss, Sorry na, pabling! Oh, 'wag mo kong sisihin, hindi ko talaga sinasadya! Pramis!"
Nakahawak sa bibig niya si Gab habang nakaharap sa umiiling-iling na si Kero-keropi na tila hindi siya pinapaniwalaan.
"Tsk Tsk Tsk.. 'yan tayo eh!"
Umiiling na lang ang kerubin habang nilamon na ng kadiliman ng gabi ang paligid.
--------------------------------------------
Author's Note:
Hindi ko alam kung may ganyang uri nga ng kapilyuhan ang mga Anghel (Eh sino bang nakaka-alam? 'Di pa nga napapatunayan kung may Anghel nga talaga. Lol) pero palagay ko magandang laruin 'to sa imahinasyon natin at mula rito tutungo na tayo sa Laguna kung saan may mas intense na eksena sina Lourdes at Leo (Medyo SPG scenes. Medyo lang naman, kalma lang! Lol) at kung saan aabot na sa rurok (Climax. Oo na, nose bleed na naman yung words ko. Lol) yung pagse-self pity ni Gab at sisisihin na niya ng Diyos, mawawala sa katinuan at magiging daan kung paano siyang magiging tao (kung magiging tao nga ba siya) etc.
Ang daming teasers pero sana lang, sana lang naman, maitaguyod ko 'to. Pasabihan na lang po ako kung nasa "tuwid na daan" pa ang storya ko oh kung naliligaw na ng landas.
Salamat!
*Angel hugs!*
--------------------------------------------
Updates are now posted in the next chapters! 05/092016
![](https://img.wattpad.com/cover/63126843-288-k304143.jpg)
BINABASA MO ANG
How to Marry A Guardian Angel?
RomancePerpekto na sana ang misyon niya bilang isang Anghel Dela Guardia, pero nangyari ang 'di inaasahan - Umibig siya sa babaeng dapat sana'y itatawid niya sa kabilang buhay. Sa isang simpleng pananalita, kwento ito ng isang Bawal na Pagibig. Pero huwag...