Chapter 24: "Pagiging Tao 101" Part 1

91 11 7
                                        

"Humans are just emotional and rational animals" - Ito yung makabagbag-damdaming kahulugan ng sociology professor namin dati sa kung ano ang pagiging "Tao". Sabi naman sa Philosophy class namin, ang "Tao" raw ay nagiging tao dahil may kakayahan siyang "mamili" ng kung anong tama; May "free will" siya. Pero bago pa lumalim ang hugot ng intro natin, ano ba talagang "katuturan" ("Essence". Ang lalim naman dang kasi. Lol.) ng pagiging tao? Hindi ba't 'yon ay ang pagkakaroon ng buhay, kalayaan at kakayahang magmahal at magkaroon ng "unawa" na mayroon siyang kapangyarihang gawin ang mga bagay na ito? (Woah!)


Para sa mga elitista, ang pagiging tao ay ang pagiging edukado at pagkakaroon ng katayuan sa lipunan (social status). So, kung walang pinag-aralan at nasa laylayan ng lipunan, hindi na tao? Lol. Maraming puwedeng ipa-kahulugan sa kung paano ang tao'y nagiging "Tao" pero sa kwento nina Gabriel at Lourdes, ang pagiging tao ay tumatawid mula sa mundo ng pantasya patungong realidad. Hindi natin alam kung anong mayroon sa kabilang mundo, pero sa dalawang kaluluwang umiibig, tumatagos ang kayang lakbayin ng puso hanggang sa ika-pitong langit.

***********************

"Halika na kasi! Huwag ka ng mahiya, hijo! Hindi ko maaatim na mamalaboy ka sa lansangan lalo pa't alam kong mabuti kang tao. Pumanhik ka na rito sa loob at ipapakilala kita sa anak ko!"


Hatak-hatak ni Aling Ason ang binatang nagligtas sa kanya kanina sa snatcher pero nangingimi pa rin itong pumasok sa salas nila. Kamot-kamot nito ang kanyang ulo habang nakayukong umupo sa sofa.


"Nakuw! Eh nahiya pa ito. Oh, diyan ka lang at maghahain na 'ko ng hapunan natin. 'Des! Lourdes! Nasaan ka bang bata ka?"


Nilapag na ni aling Ason ang mga gamit at nagsimulang maglatag ng pinggan sa lamesa. Ang binata naman'y 'di mapakali sa upuan at maya't-maya'y sumisilip sa hagdanan na parang may kung sino siyang hinihintay na bumaba. Panay ang hawi niya sa kulot na buhok at punas ng pawis na kanina pa tumatagas mula sa kanyang noo patungong pisngi. Kabadong-kabado siya sa sinomang puwede niyang makitang lalabas pababa ng hagdan. Hindi niya rin maunawaan kung bakit ganoon ang nararamdaman. Wala siyang maalala.


"Pababa na po, Ma! Saglit lang po. Sino po bang bisita natin?"


Napa-ubo ng malakas ang binata ng marinig ang boses ng isang dalagang pababa na ng hagdan. Hawak ng kaliwa niyang kamay ang kanyang dibdib na parang aatakahin sa puso, habang hawak ng kanang kamay ang kanyang noo na tumatakip sa kanyang mata na dulot na rin siguro ng labis ng hiya.


Papalapit ng papalapit ang mga yabag ng dalaga patungo sa bungad ng hagdanan. Parang humihinto ang mundo ng binata habang takip mata pa ring nakatitig ng pailalim sa kurtinang paglalabasan ng pinagmumulan ng yabag. Isang mapuputing kamay ang nauna niyang nakita na iniluwa ng kurtina, sa likod nito ay ang napakagandang hubog ng isang dalaga.


Nahawi ang kurtina na parang isang telon sa teatro na kulang na lang ay magkaroon ng "drum rolls" at spotlight sa entablado. Naunang sumilay sa kanyang mga mata ang nakalugay nitong buhok na nililipad ng hangin (Lakas maka-shampoo commercial) at ang mahahaba nitong pilik-mata na lalong naging agaw atensyon dahil sa pagtingin nito pababa sa paga-ayos niya ng kanyang palda. Hinawi niya ang kanyang buhok at marahang bumaba sa hagdan. Bawat hakbang at galaw niya ay kayang humatak ng sinomang lalaking ayaw tumingin. Hanggang sa bumungad siya sa unahan ng lamesa at ang nasa kabilang dulo ay ang binatang halos nang lumuwa ang mata sa pagtitig sa kanya kahit pa takip-takip ito ng kanyang kamay.

How to Marry A Guardian Angel?Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon