Chapter 18

886 47 0
                                    

"Bilisan mo, Japs! Baka nakaalis na siya," 

Hila-hila nanaman ni Meryl ang gilid ng damit ni Japs. Kaunting lakad na lang ay malapit na sila sa bilyaran kung saan niya nakita si Vince. 

"Oo, eto na, malapit na nga," Sagot na lamang ni Japs. Gusto rin sana niyang makita kung bakit na-adik na ang kaibigan sa bilyaran at mas pinipili na lamang tumambay duon kaysa pumasok. 

Nang makarating sila sa loob ay bigla na lamang nawala si Meryl sa paningin ni Japs. Malaki ang bilyaran, at may mga pribadong kwarto pa sa bandang dulo nito kung saan pwede itong rentahan ng mga gustong mag-inuman. 

"Sisa, nasa'n ka na?" Pagtawag nito ngunit hindi na niya ito mahanap sa dami ng tao. Ang ilan ay humaharang pa sa daanan. Hindi naman niya maitulak ang mga ito at baka mauwi pa sa away lalo pa't mukha silang seryoso sa paglalaro. 

"Asa'n nanaman kaya ang babaeng 'yun?" Napapakamot na lang siya sa ulo habang patuloy na sumisingit sa mga naglalaro upang makadaan. Hanggang sa namataan niyang papunta si Meryl sa mga kwarto.

"Uy, teka, Sisa!" Sigaw nito sabay higit sa babae. "Saan ka nanaman pupunta? Hindi ka pwedeng pumasok dyan!" Dahil na rin sa ingay sa loob ay kailangan magtaas ng boses ni Japs. 

"Dito ko nakitang pumasok si Vince!" Sigaw naman pabalik ni Meryl upang hindi matabunan ng ibang ingay. 

"Pwede bang 'wag ka namang sugod ng sugod? Hindi mo alam kung sinong mga tao sa loob," sagot ni Japs at umaasang hindi na ipilit ni Meryl ang gusto. 

Ngunit tulad ng first impression ni Japs sa dalaga, hindi nga ito marunong makinig. Inalis nito ang kamay ni Japs sa kanyang braso at pinili pa ring pumasok sa loob. 


Mabilis nakarating ang balita sa Alpha Beta fraternity brothers ang tungkol sa pagt-two time ni Vince. Hangga't maaari ay ayaw ng grupong masangkot sa mga ganitong isyu dahil maaari itong gamitin ng ibang underground fraternities laban sa kanila. 

"Jan Meryl Danes," wika ni Oz matapos i-search ng kanilang kasamang si Carlos ang pangalan at itsura ng babae gamit ang hologram.

"Anong gusto mong gawin namin dito para magtino ka?" Pananakot ng kanilang leader. 

Nang umiling lamang si Vince ay tinulak siya ni Oz hanggang sa napasandal ito sa pader. Kanina pa nila kinakausap ang miyembro ngunit kahit anong gawin nila ay wala itong maibigay na sagot.

Sa katunayan ay mas gugustuhin na lang ni Vince mapagbuntungan ng galit ng mga kasama kaysa madamay pa si Meryl.

"Ano boss, puruhan na ba natin?" masigasig na tugon ni Mundo, na siyang kialala din bilang troublemaker.

Nang sumenyas si Oz ay walang laban na pinagsusuntok si Vince, hanggang sa mapaupo na lamang ito sa sahig. 

"Itigil niyo 'yaaaaannn!" Malakas na sigaw ni Meryl at dali-daling tinulak palayo ang Alpha Beta palayo sa lalaking kanina pa niya hinahanap. 

"Vince! Anong nangyari sa'yo?!" Hinawakan niya sa mukha ang lalaki at niyakap ng mahigpit. 

Sa una ay napatitig lamang si Oz at ang mga miyembro, hanggang sa may bumulong na ang babaeng iyon ay si Jan Meryl.

"Ano bang ginagawa mo dito? Pa'no mo 'ko nahanap?" Pagtataka ni Vince at bahagyang tinulak palayo ang babae. "Umalis ka na, please,"

"Jan Meryl Danes, buti naman at hindi ka na namin kailangan pang hanapin," tugon ni Oz.

"Buti nga at hindi na!" Naiinis na sagot ni Meryl kasabay ng kanyang pagtayo, saka hinarap ang grupo. "Sino ba kayo para gawin 'to kay Vince, ha?!"

Biglang napatawa si Oz, habang ang ibang miyembro ng Alpha Beta ay natatakot na lang para sa babae. 

Pinilit ni Vince tumayo at hinawakan sa balikat si Meryl. Hinila niya ito papunta sa kanyang likuran. "Boss, pagpasensyahan mo na siya,"

Hindi sinasadyang magkasabay sumagot si Oz at Meryl ng, "Wag kang makialam dito, Vince."

Mas lalong napatawa si Oz kay Meryl. Kakaiba ang tapang na pinapakita ng babae, na nagawa pang lapitan siya, at matapos ang ilang segunong pakikipagtitigan ay sinampal ito sa mukha. 

"Meryl!" Gulat na sigaw ni Vince at agad hinawakan sa braso ang dalaga upang pigilan pa ito sa kung ano mang binabalak pang gawin. 

Awtomatikong susugod na sana ang ibang miyembro ngunit sumenyas si Oz upang pigilan ang mga ito palapit kay Meryl. 

"Boss, hindi tama ang ginawa niya sa'yo!" Naiinis na sabi ni Ivan. Hindi ito pinansin ni Oz; siya mismo ang lumapit sa dalaga at mahigpit na hinawakan ang kanyang braso. 

"I'll come back for you, Meryl Danes," Bulong nito, nang bigla na lamang may mga barangay tanod na pumasok sa loob.

"Hoy kayo! sumama kayo sa'min," Tugon ng mga ito saka pinaghihila ang mga miyembro, kabilang na si Oz na hindi na lamang pumalag dahil alam niyang makaka-alis din naman sila.

Sanay naman ang mga fraternity sa mga ganitong sitwasyon, at sa pagkakataong ito, hindi na lang niya inisip kung sino ang nagsumbong, dala na rin ng kakaibang impresyong binigay ng dalaga sa kanya.

"Meryl!" Sigaw ni Japs at dali-daling nilapitan ang babae ngunit napatigil kaagad nang makita ang pag-aalala nito kay Vince. 

Siya ang tumawag ng barangay dahil kung susugod siya mag-isa ay baka mapag-initan din siya ng Alpha Beta.

"Vince, kailangan nating gamutin 'yan mga sugat mo, halika sasamahan kita sa clinic," pag-aalala ni Meryl habang hinahaplos ang mukha ng binata. 

"Meryl, please," Hinawakan ni Vince ang kamay ni Meryl at ibinaba ito, na para bang naiinis ito tuwing nilalapitan siya ng babae. 

"Can you just stop? Pwede bang 'wag ka nang makialam sa buhay ko?"

"Vince...?" tugon ni Meryl. Hindi na ito makangiti gayong nakikita at nararamdaman niya ang inis at galit ng lalaki sa kanya. 

"At kailan pa naging tayo, ha? Nu'ng umalis ka at iniwan ako, wala naman tayo diba? Pero ginawa ko pa rin ang lahat makalimutan ka lang. Tapos bigla kang babalik at sasabihing boyfriend mo 'ko? Ewan ko, Jan. Ewan ko. Pero sa tingin ko nabaliw ka na talaga."

Pagkatapos itong sabihin ng binata ay lumakad na rin ito paalis, hanggang sa si Japs at Meryl nanaman ang naiwan sa loob. 

Hinaayan na lang din ni Japs na lumayo si Vince. Sa nakikita niya ay ayaw na talaga ng lalaking lumapit pa si Meryl sa kanya.

Hay, bakit ba 'ko naipit sa ganitong drama, tugon nito sa isip, at akmang hihilain na sana palabas si Meryl ngunit pagkaharap niya sa dalaga ay tila nadurog ang kanyang puso nang makitang tumutulo ang mga luha nito. 

"S-sisa..." 

"Bakit ayaw niya sa'kin?" Tanong nito. 

Palakas ng palakas ang kanyang paghikbi, at dala na rin ng konsensya ay isinandal ni Japs ang ulo ng Meryl sa kanyang balikat, at dahan-dahang niyakap ang dalaga. 




The Psycho's Daughter (TagLish Novel)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon