Tatlong oras nang nakatitig ang bata sa malawak na salamin. Sa loob ng isang kwartong may puting pintura, mahina niyang sinimulan ang pagsipol.
Napasandal ang doktor sa kanyang upuan at muntikan ng mahulog. Tila pagod na kasi siya kakamasid sa batang wala namang ginagawa.
Ilang taon na nga ba siya?
Muli niyang sinilip ang record. Sampung taong gulang nga lang pala. Masyado pang bata at inosente para makapatay ng aso.
Lalo pang hindi kapani-paniwala ang ginawang pagsunog sa kamay ng kanyang kaklase.
Anong klaseng bata ba ito? Paulit-ulit na naglalaro sa isipan ng doktor ang takbo ng pag-uutak ng bata habang pinaglalaruan ang ballpen na hawak.
Nang matapos ang oras na binigay niya sa pasyente, tumayo ito upang pumasok sa kwarto.
Napatingin ang bata sa kanya. Iyong titig na walang kamuwang-muwang sa mundo.
Hinila ng doktor ang isang upuan, umupo duon at hinarap ang sarili sa bata.
"Jan Meryl, alam mo ba kung bakit ka andito?" Malumanay niyang tanong.
Umiling ang bata. "Hindi po."
"Natatakot ka ba tuwing iniiwang mag-isa?"
"Hindi po."
Malinaw kausap ang bata, ngunit matipid din ito kung sumagot.
"Bakit mo sinunog ang kamay ng kaklase mo?" Tanong ng doktor kahit narinig na niya ang dahilan mula sa kanyang mga magulang.
"Tinawag niya po kasing baliw si mommy."
Madalas ito ang mga kantsaw at insultong naririnig niya mula sa mga kaklase.
Kesyo kriminal at baliw daw ang kanyang ina, si Mia.
"Anong naramdaman mo nu'ng ginawa mo 'yun?"
Napayuko ang bata, at dahan-dahang itinaas muli ang kanyang ulo.
"Gusto ko po siyang patayin. Nagalit ako kasi kamay niya lang ang nasunog ko."
Alam ng doktor na hindi siya dapat magpakita ng takot dito. Kaya bagama't nakakagulat ang saad ng bata, nagpatuloy pa din siya sa kanyang pagtatanong.
"Hindi mo ba naisip na mali ito? Na mali ang pumatay?"
"Hindi ko po maiwasan kapag galit ako."
"Sino ang pinakamamahal mo sa buhay?"
Kaunti na lang ay sa tingin ng doktor, medyo nakukuha na niya ang problema ng bata. Sana lang ay tama siya.
"Mahal ko po ang mga magulang ko."
"Anong sa tingin mo ang dapat gawin kung mahal mo sila?"
"Protektahan."
Napataas ng kilay ang doktor. Pakiramdam niya ay tumutugma ang mga sagot ng bata sa resultang inaasahan niya.
Ang isang normal na bata kasi ay maaaring sumagot ng 'sumunod sa payo ng mga magulang.' Ngunit tulad nga ng mga referral slip niyang natanggap mula sa mga dating doktor na humawak sa kaso ng bata, hindi nga ito pangkaraniwan.
"Paano mo sila dapat protektahan?"
"Dapat mawala ang mga taong nang-aaway sa'min."
Tinapik-tapik niya ang recorder na hawak. Mismong siya ay kinikilabutan na sa mga sagot ng bata.
Buti at may camera naman sa loob, kaya ano man ang mangyari ay alam niyang walang magagawa ang sampung taong gulang na babae sa kanya.
"Takot ka ba mamatay, Jan?"
"Hindi po."
"Bakit?" Tanong ng doktor. Pakiwari niya'y isang matanda ang kausap niya.
"Lahat naman po tayo mamamatay."
"Naisipan mo na bang magpakamatay?"
Dala na lang siguro ng takot niya ay nakalimutan niyang bata pa rin ang kanyang kausap. Tingin niya'y isang pagkakamali ang itanong ito.
"Hindi po. Alam ko po kasing darating din ang oras ko. Hindi ko na kailangan pang gawin yu'n."
Nagtaka ang doktor sa naging sagot nito. Tila ba gustong ipahiwatig ng bata na alam niya kung kailan siya mamamatay?
"Naisip mo na ba kung paano ka mamamatay?"
"Matutulog lang ako, pagkatapos, isang araw, hindi na lang ako magigising."
"Paano mo nalaman? Napanood mo ba sa TV?" Muntik ng maging agresibo ang doktor sa pagtatanong sa bata. Ngunit kailangan niyang ibaba pa rin ang kanyang boses at baka siya pa ang sumunod na biktima.
"Nabasa ko po."
"Saan mo nabasa?"
"Sa papers nila mommy at daddy. Tapos, sinearch ko sa internet."
Matalinong bata para sa isang sampung taong gulang. Ito ang sumagi sa isip ng doktor.
"Anong nabasa mo?"
"Mercy killing chip."
***************
AN: Napag-aralan po namin na mas tamad magbasa ang isang taon kapag hindi libro ang hawak niya, o kaya naman sa mismong computer siya nagbabasa. Kaya naman, kung mapapansin niyo, malalaki ang space na ginawa ko, at mas pinapaikli ko 'yung paragraphs. Para 'di na kayo tamarin. hahahaa.
BINABASA MO ANG
The Psycho's Daughter (TagLish Novel)
Misteri / ThrillerNatatandaan mo pa ba ang batang si Jan? Kung oo, ano ang tingin mo sa kanya? Baliw din ba, tulad ng tingin ng marami sa kanyang ina? Gusto mo bang masagot ang mga katanungang iniwan ng 'Programmed Girlfriend'? Basahin mo. *** Disclaimer: Photo us...