Ang dami kong nais ibahagi at sabihin sa iyo. Subalit kay hirap simulan at nahihiya ako. Kulang ang mga salita at araw upang maiparating nang maayos ang pagsusumamo ko.
Kadalasan, ang puso kong akala ko ay sapat na para sa atin, ay hindi na rin makayanan ang pagsidhi ng nag-uumapaw kong damdamin. Madalas ang aking panunukso... sapagkat nahuhuli ko ang iyong mga pasimpleng pagsilip sa mukha ko. Hindi mo lamang alam, mahal, mas madalas ang pagtitig ko sa iyo.
Kadalasan, pinagmamasdan na lamang kita sa litrato o mula sa malayo, sa kabilang ibayo. Hindi biro ang mapalapit sa iyo. Sa tuwing mahahaplos ko ang makinis mong braso, tila ba hindi ko na makakayang malayo o mawalay pa sa iyo. Araw araw ay nagpapasalamat ako na kahit tayong dalawa lamang ang nakakaalam, masasabi ko na ikaw ay akin at mahal mo din ako.
Ngunit marami rin ang mga araw na balot na balot tayo ng dilim at lumbay. Iyong mga araw na akala ko ay hindi na natin malalampasan. Ngunit wala kang sawa sa pagpapaalala... ikaw at ako, tayong dalawa lamang. Isang pagdampi lamang ng ating mga labi, ang dilim ay tumatamis at nakakalimutan na natin kung ano ba ang salitang "lumbay."
Hindi mo alam, mahal, na madalas wala na akong magawa kung hindi ikaw ay pagmasdan. Katulad ngayon, sa harap ko kasalukuyan, ikaw ay nakadapa, mahimbing na akala mo idinuyan.
Nais kong humimlay sa ibabaw ng kahabaan ng iyong matipuno at malapad na likod, habang niyayapos ang iyong makinis at matipunong mga braso. Nais kong libutin ang bawat liko at hugis ng iyong mapayapang mukha at paulanan ng mga halik na tanging sa iyo ko lamang nais ipadama. Nais kong ipalupot sa iyo ang aking maiikling binti upang kahit sa panaginip ay maramdaman mo, na ang tanging nais ko ay palagiang nakadikit sa iyo.
Hindi ko nais na ikaw ay magising, ngunit ako'y nakasisigurado na ikaw ay makikiliti sa oras na sa iyong maputing batok, ang mga labi ko'y dumampi.
Ang dami kong nais ibahagi sa'yo, bukod pa sa kabuuan ng buhay ko. Ngunit sana ang tatlong salita ko ay maging sapat na at makapagpaniwala sa iyo...
Ika'y minamahal ko.
BINABASA MO ANG
Tapunan Ng Feelings
RomanceOk, so I am not a writer and will probably never be a writer. But sometimes, you just have to let it out. So heto, kapag andami kong feelings, dito ko itatapon. Thank you in advance sayo na magbabasa dito kahit walang kwenta. Hahaha Imagination. Imb...