Tinunton ko ang kahabaan ng Narra Street hanggang makarating sa Anonas. Hindi ko alam kung bakit pinili kong lumakad, kahit may mga jeep naman na dumadaan sa harap ng apartment namin. Pero di bale na. Mainam nang naglakad ako para kahit paano, mas makakapag-isip ako ng sasabihin ko pagdating ko dun.
Pagtayo ko sa kanto ng Narra at Anonas, may humintong jeep agad na byaheng Espanya. Ayos. Ambilis. Pero sige, sasakay na ako at sa jeep ko na lang itutuloy tong iniisip ko. Sa dulo ako umupo malapit sa pinto. Gusto kong nararamdaman yung hangin sa bintana at pinto, para di ako mahilo at mahimatay.
Langya. Lahat na lang, puro alaala mo.
Ganun kami nagkakilala, five years ago. Nakasabit sya sa jeep, tapos sumakay ako. Ayaw umusad ng mga pasahero, kaya naupo ako sa pagitan ng dalawang mama- isang Bumbay na siguro nasiraan ng motor, may hawak na helmet eh at isang mukang kargador na halatang puyat dahil pabagsakbagsak ang ulo nya at nakakatulog. Pababa na yung bumbay nung nahilo ako, at saktong yung nakasabit sa jeep ang pumalit na umupo sa tabi ko. Syempre sa swerte kong to, nun ako nawalan ng malay. Nagising ako na tinatapik nya yung pisngi ko dahil napahandusay ako sa kanya. Kahit na nung nakadilat na ako, pinaypayan nya pa rin ako at tinanong kung okay na ako. Hiyang hiya ako sa kanya noon, pero noon kami unang naging magkaibigan. Hinatid nya pa ako sa dorm ng Ate ko sa may UST.
Five years. Ang dami na naming pinagdaanan at nalampasan. Hindi biro ang magmahal at kumapit nang ganun katagal. Kahit ako, nagulat ako sa sarili ko kasi hindi ako ang ganyang tipong tao. Madali akong magsawa, hindi ako napipirmi sa isang lugar, hindi rin ako natatagalan ng mga kaibigan ko. Ewan. Matagal ko naman nang natanggap na may mali sakin.
Pero sya, limang taon ko na syang kasama sa buhay. Siya lang ang natira at nanatili sa buhay ko na ganyan katagal.
Nung isang araw, after kong maibagsak at mabasag yung baso sa bahay nya, umiling lang sya at ngumiti, tapos pinigilan nya akong kumilos dahil baka mabubog ako. Winalis nya ang sahig at siniguradong wala nang bubog bago nya ako pinakilos sa kinatatayuan ko. Tinanong ko sya kung bakit hindi pa nya ako iniiwan kahit na ang dami ko nang palpak. Hinagkan nya lang ang kamay ko, ngumiti at sinabing kase mahal nya daw ako.
Huminto ang jeep at may isang bumaba. May isa ding sumakay. Buti na lang may itsura at mabango tong bago kong katabi. Parang Mr. Pogi lang. Ayan nadistract ako sa pagmumuni-muni ko.
Anyway, sinalat ko ang singsing na akala mo kay bigat sa daliri ko. Tama ba na umoo ako? Tama namang umoo kung mahal mo talaga diba?
Mahal ko sya, pero paano?
Kaya bang pagtakpan ng pagmamahal ang lahat ng bagay sa relasyon nyo na nagsasabi na mali at hindi tama? Paanong pagbabasehan ang pagmamahal, kung ikaw lang ang meron non na buong buo mong maibibigay? Paano ka? Sino ang magmamahal sayo gaya ng pagmamahal mo sa kanya kung sigurado ka sa puso mo na may kahati ka sa puso nya? Paano ka kakapit sa singsing na hanggang dun lang-- singsing, isang piraso ng alahas na punong puno ng pangako na alam na alam mong kahit kailan ay hindi naman talaga matutupad. Nakakatanga diba?
Oo na. Tanga na ako. Tanggap ko yon. Kaya nga ayoko na eh. Kaya nga ako sumakay ng jeep papunta sa kanya dahil ayoko na. Mahal ko sya, pero paano?
Sa pagkatulala ko sa pag-iisip, di ko namalayan na kinakalabit pala ako ng katabi ko para makiabot ng bayad. Napatingin tuloy ako sa mukha nya. May itsura talaga. Actually, hindi. Gwapo sya talaga. Pero mukang naweweirduhan sya sakin kaya umusad akong konti para magkadistansya ako sa kanya sa jeep. Maluwag naman na. Iilan na lang kami.
Maya-maya, may pumara sa harap ng UST. Tutal sa likod naman nun yung pupuntahan ko, bumaba na din ako.
Nilakad ko yung mahabang daan na yun papunta sa back gate ng UST. Matagal tagal na din mula nung huli akong nagawi dito. Namamawis na yung mga kamay ko, pati kili-kili ko nga yata basa na. Habang papalapit ako sa bahay na pakay ko, lalong gumugulo ang isip ko.
BINABASA MO ANG
Tapunan Ng Feelings
RomanceOk, so I am not a writer and will probably never be a writer. But sometimes, you just have to let it out. So heto, kapag andami kong feelings, dito ko itatapon. Thank you in advance sayo na magbabasa dito kahit walang kwenta. Hahaha Imagination. Imb...