"SINONG nagsabi sa iyo na puwede kang pumunta dito? Ilang taon ka na ba? Alam ba ng mga magulang mo na nanliligaw ka na? May ipapakain ka na ba sa apo ko, ha?" sunud-sunod na tanong ni Lola Matilda sa tinedyer na lalaki na bumisita kay Selena, ang pinsan ni Barbie. Bata pa ito, tantiya niya ay trese anyos lang ito tulad ni Selena.
Nanatili namang nakayuko ang tinedyer na kausap ng Lola niya. Tahimik lang ito at walang kaimik-imik.
"Mabuti pa umuwi ka na lang. Mag-aral ka muna. Saka ka na lang manligaw kapag nakatapos ka na at may maipagmamalaki nang trabaho. " Seryoso at may diin na sabi ng Lola niya.
Hindi na kailangang ulitin pa ng Lola niya ang sinabi nito. Agad na tumayo ang binatilyo. Matapos na tapunan nito ng tingin si Selena na nasa isang sulok sa sala, walang salitang lumabas ito ng kanilang bahay.
Binalingan ng Lola niya ang pinsan niyang kanina pa tahimik. "Ayoko nang maulit pa ito, Selena."
Simpleng tango lang ang isinagot ng pinsan niya.
Napasulyap naman sa kanila ang Lola niya. Kinakabahang napasiksik sa kanya si Bernice, ang isa pa niyang pinsan. "Maliwanag naman siguro ang gusto kong mangyari, hindi ba?" Sila naman ngayon ang pinagbalingan ng Lola niya.
"Opo, Lola." Magkasabay pa silang sumagot ni Bernice.
"NASA kolehiyo ka na, Barbie. Dalaga ka na at hindi na bata. Sana matuto kang pag-ingatan at alagaan ang sarili mong mag-isa." Iyon ang bilin ni Lola Matilda habang tinutulungan nitong mag-iimpake ng gamit ang apong si Barbie.
"Kaya ko na pong alagaan ang sarili ko, Lola," sabi ni Barbie nang lingunin ang kanyang lola. Nakaupo ito sa gilid ng kanyang kama. Ang mga pinsan niyang sina Bernice at Selina ay parehong nakatayo sa tabi ng pintuan. Si Bernice ay prenteng nakasandal sa dahon ng pintuan habang naka-krus ang dalawang kamay nito sa dibdib. Samantalang si Selina ay nakakapit sa hamba ng pintuan. Mas bata sa kanya ang dalawang pinsan. Parehong nasa high school pa lang ang mga ito.
"Mag-aral kang mabuti, iha, Huwag mo munang isipin ang pakikipagnobyo. Makakapaghintay ang mga lalaking iyan. Ang mas mahalaga ay ang pag-aaral mo," sabi ng lola niya.
Napakamot ng ulo si Barbie. Inaasahan na niyang sasabihin iyon ng lola niya. Nasa high school pa lang siya noon ay sinabi na nito ang huwag siyang makikipagligawan o makikipagboyfriend. Hindi lang sa kanya kundi maging sa mga pinsan niya.
"Huwag po kayong mag-aalala, lola. Pupunta po ako ng SMU para mag-aral at hindi para maghanap ng boyfriend," nakangiting sabi niya rito.
"Ipangako mo iyan, iha. Ayokong masira ang pag-aaral mo dahil lang sa isang lalaki," pangungulit nito.
"Pangako ko po iyan, lola," sabi niya at itinaas pa ang kanang kamay saka itinutop sa dibdib.
Nakangiting tumango ang lola niya.
BINABASA MO ANG
Please Be Careful With My Heart(Saint Matthew University 2)
RomanceAno kaya ang mangyayari kung ang isang babaeng pinagbabawalang makipag-boyfriend ay liligawan ng pinakasikat na basketball player ng SMU? Bukod sa sikat na ang lalaki ay guwapo pa at hinahabol ng halos lahat ng kab...