"TARA NA, Barbie. Uwi na tayo. Baka maabutan ka na naman ng curfew," sabi ni Enrico nang lapitan siya nito habang nagliligpit siya ng kanyang bandurria.
"Oo na. Nagmamadali na nga,eh," sambit niya. Mula sa pagkakatalungko ay tumayo na siya ng maayos. Binitbit na rin niya ang bandurria at saka nakangiting humarap kay Enrico. "Maglalakad tayo. Maaga pa naman, hindi ba?" Sinipat niya ang suot na relo. Alas-otso pa lang.
"Hindi. Dala ko iyong motorsiklo ko."
"May motor ka?" Hindi makapaniwalang tanong niya rito.
"Meron. Ipinaayos ko noong isang araw at kanina ko lang nakuha. Kaya nga noong isang gabi ay sinundo ako ni Kurt kasi alam niyang wala akong masakyan."
Bigla siyang nadismaya sa narinig. Ibig sabihin ay hindi niya makikita si Kurt ngayong gabi. Hindi niya maintindihan ang sarili kung bakit ganoon na lang ang panghihinayang niya na hindi makita si Kurt. Tama ba si Genevieve sa pagsasabing in-love siya binata? No, imposible iyon. Puwede ba namang ma-in-love sa isang taong kailan mo lang nakilala? Ang pagkakaalam niya ay pinahihinog ng panahon ang pagmamahal. Hindi ito basta-basta na lang nararamdaman. Hindi ito katulad ng kabute na sumusulpot na lang bigla.
"O, natahimik ka na diyan? Ayaw mo bang sumabay sa akin? Hindi mo ba gustong sumakay sa motorsiklo? Hindi Harley Davidson o Ducati ang motorsiklo ko. Pero sinisiguro ko sa iyo na maihahatid kita ng maayos sa dorm ninyo. Pangako ko iyan."
Natawa lang siya sa sinabi nito. Hindi naman siya namimili ng sasakyan. Ang importante lang sa kanya ay makauwi siya ng maayos. Pero higit siguro siyang magiging masaya kung si Kurt ang kasama niyang uuwi.
"Wala naman akong sinabi na ayaw kong makisabay sa iyo. Hindi naman ako maarteng tao. Saka bakit naman ako mamimili pa ng sasakyan gayong makikisakay lang naman ako, hindi ba?" Sabi nga nila, beggars can't be choosy.
"Iyon naman pala, eh. Tara na. Labas na tayo," nakangiting sabi nito.
Paglabas nila sa music room ay nagulat pa siya kung sino ang nasalubong nila.
"It's about time that you come out. Papasok na sana ako sa loob kung hindi pa kayo lalabas," sabi ni Kurt. Ang mga mata nito ay nakatuon sa kanya.
Muntik nang malaglag ang puso niya sa pagkagulat. Dinama niya ang dibdib. Mabuti na lang at tumitibok pa rin ang puso niya. Nasa loob pa rin ng katawan niya ang puso niya at hindi ito lumundag palabas. Nakakainis kasi si Kurt. Tuwing nakikita niya ito ay lumalakas at bumibilis ang tibok ng puso niya. Parang binabayo ang dibdib niya sa lakas ng presensiya ni Kurt.
Ikaw ba naman ang salubungin ng pinakaguwapong lalaki sa hardcourt, manhid ka na lang kung hindi ka kikiligin o maglulundag sa tuwa. Ganoon ang pakiramdam niya tuwing makikita niya si Kurt. Parang gusto niyang tumili o kaya lumundag sa tuwa kung hindi lang nakakahiya.
"Akala ko ay hindi ka na pupunta rito," pasimpleng sabi ni Enrico.
"May motorsiklo ka na kaya hindi ikaw ang sinusundo ko. Iyong walang sasakyan ang susunduin ko," sarkastikong sabi nito nang sulyapan nito si Enrico.
"Okay. Sige, mauna na ako. Barbie, itong kaibigan ko na ang bahala sa iyo. Magandang gabi. " Pagkasabi nito ay umalis na si Enrico.
Wala siyang nasabi na kahit ano. Sinundan na lang niya ng tingin ang papalayong binata.
"Siya ba ang gusto mong maghatid sa iyo pauwi?" Animo'y galit ang tinig ni Kurt nang tanungin iyon.
Napatingin siya dito. "May sinabi ba akong gano'n?"
"Wala naman. Kaya lang nagtataka ako kung bakit kailangan mo pa siyang ihatid ng tingin."
Napaismid siya. "Ano naman ang problema kung tinitingnan ko siyang umalis? Masama ba iyon?"
BINABASA MO ANG
Please Be Careful With My Heart(Saint Matthew University 2)
RomanceAno kaya ang mangyayari kung ang isang babaeng pinagbabawalang makipag-boyfriend ay liligawan ng pinakasikat na basketball player ng SMU? Bukod sa sikat na ang lalaki ay guwapo pa at hinahabol ng halos lahat ng kab...