Chapter FIVE

5.1K 187 5
                                    

"KINAKABAHAN ako, grabe! Hawakan mo itong kamay ko, ang lamig," sabi ni Barbie kay Genevive. Nakaupo sila sa pangatlong row ng mga upuan sa loob ng Little Theatre. Hinihintay nila na tawagin siya para sa audition ng Rondalla.

"Relax ka lang. Kaya mo iyan. Ikaw pa. Sabi mo nga, bata ka pa lang tumutugtog ka na," ang pampalubag-loob na sabi ni Genevive.

"Hindi ko talaga maiwasang kabahan kasi ang gagaling ng mga sumali. Natatakot ako baka mamaya niyan ay hindi ako makapasa," malungkot niyang sabi.

"Huwag ka ngang ganyan. Think positive. Basta ibigay mo lahat ng makakaya mo," nakangiting sabi nito sa kanya.

Hindi na siya umimik. Kapag patuloy niyang didibdibin ang kabang nararamdaman ay baka hindi siya makatugtog mamaya. Kaya susundin na lang niya ang payo ng kaibigan. Think positive.

Mamaya pa ay narinig na niyang tinawag na ang pangalan niya. Agad siyang tumayo kahit kinakabahan. Mahigpit na hinawakan siya sa kamay ni Genevive.

"Think positive, " pabulong nitong sabi saka binitawan ang kamay niya.

Tumango siya bago tinalikuran ang kaibigan. Dahan-dahan siyang umakyat sa stage. Nang makaupo na siya sa gitna ay sinimulan na niyang tipahin ang bandurria. Tinugtog niya ang piyesa na A Thousand Years. Hindi na siya nagdala ng nota dahil kabisado na niya ang kanta. Habang tumutugtog ay patingin-tingin siya sa mga nanonood lalo na kay Genevive. Pagkatapos niyang tumugtog ay tumayo na siya. Marami ang pumalakpak kasama na roon ang kaibigan. Nakangiti siyang yumuko nang bahagya sa mga manonood bago siya bumaba.

"Ang galing mo naman," tuwang-tuwa na sabi ni Genevive nang makabalik siya sa tabi nito.

"Salamat. Pero hindi pa naman tayo sigurado na makakapasa ako," nag-aalala pa rin niyang sabi. Hindi naman ibig sabihin na kapag maganda ang pagtugtog niya ay tatanggapin na siya sa Rondalla. Naniniwala siya na iba ang standard ng screening committee sa sarili niyang standard kung ano ang maganda o magaling tumugtog. Ngunit ibinigay na niya ang lahat ng makakaya niya kaya tatanggapin na lang niya kung ano ang magiging resulta ng audition.

"Huwag ka ngang ganyan. Bakit ba wala kang tiwala sa sarili mo? Ang ganda nga ng pagtugtog mo. Naalala ko tuloy iyong pinanood kong Twilight. Hindi ba't iyong tinugtog mo ang theme song ng pelikula?"

" Oo," nakangiting sabi niya. "Kaya nga iyon ang pinili kong tugtugin kasi alam ko marami ang makaka-relate dito," dugtong pa niya.

"Sigurado ako marami ang natuwa sa pagtugtog mo."

"Sana nga, Genevive," umaasang sabi niya.

Nag-thumbs up ang kaibigan niya.

Natawa na lang siya. Ang lakas ng kumpinsiya nito sa kanya. Samantalang siya hindi sigurado sa sarili niya. Mabuti na lang at kasama niya ito. Siguro kung mag-isa lang niya na pumunta sa audition baka hindi siya makapagtugtog nang maayos sa sobrang nerbiyos.

"Ano nga palang hinihintay natin? Bakit hindi pa tayo umuwi?"pagkuwa'y sabi ni Genevive.

"Hihintayin nating matapos ang mga nag-a-audition para malaman natin ang result. Kung matatanggap ba ako o hindi," ang paliwanag niya.

"Ah, okay," tumatangong sabi nito. "Ilan pa kaya ang mag-a-audition?"

Napatingin siya sa unahan. Hinanap ng mga mata niya ang mga kapareho niyang may tangan ng instrumento. "Ewan ko lang, ah. Pero mukhang marami nang natapos. Bakit naiinip ka na ba?" Sinipat niya ang suot na relo. Seve-fifteen na pala. Mahigit isang oras na silang nandito. Mabuti na lang pala at naisip ni Genevive na magpaalam sila sa student assistant noong lumabas sila ng dorm. Alas-otso ang curfew sa dorm at kapag nilabag nila ito ay siguradong mapaparusahan sila.

Please  Be  Careful  With  My  Heart(Saint  Matthew  University 2)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon