CHAPTER ELEVEN

3.5K 115 2
                                    

TULOG na si Genevieve na nasa tabi ng higaan ni Barbie. Magkatabi sila ni Genevieve sa ibaba ng dalawang double deck na pinagtabi. Ang kuwarto nila ay may tatlong tig-dalawang double deck na pinagtabi. Kaya labing-dalawa silang lahat na occupants ng Room 7.

Sinipat ni Barbie ang luminous na alarm clock na nasa tabi ng higaan niya. Ten-thirty na. Isa't kalahating oras na pala ang dumaan mula ng mag-lights off sila ng kuwarto. Ngunit hindi pa rin siya dalawin ng antok. Dati-rati alas-dyes pa lang ay tulog na siya. Nakakapagtakang ngayon ay hindi pa rin siya inaantok kahit gabing-gabi na. Napatingin siya sa pintuan ng kuwarto nila. Patay na rin ang ilaw sa hallway. Ang tanging liwanag na naaaninag niya ay ang ilaw na galing sa study hall.

Tatlong linggo na lang ay magsisimula na ang First Term exam nila. May isang linggo na lang silang praktis sa Rondalla. Pagkatapos ay pansamantala muna silang hihinto para makapag-review sa exam. Isang linggo pagkatapos ng exam ay saka sila magre-resume ng praktis. Iyon ang sabi ng trainor nila kanina. Ibig sabihin din nito ay may isang linggo na lang siya para makita at makasama si Kurt. Mahaba-habang panahon din na hindi niya ito makikita.

Hindi pa man nangyayari ito ay parang nami-miss na niya ang binata. Nasasanay na siya sa presensiya nito. Nasanay na siya na silang dalawa lang ang magkasam kapag inihahatid siya nito pauwi galing sa praktis. Nagtataka siya noong una na hindi nila kasama ang mga kaibigan nito. Nang tanungin niya si Kurt tungkol dito ay sinabi nitong naihatid na nito ang mga kaibigan bago pa man siya sunduin nito. Sinadya raw nitong gawin iyon dahil mas maagang natatapos ang praktis nila ng basketball bukod sa ayaw din nitong paghintayin ang mga kaibigan nito. Mas maigi daw na mag-isa itong maghihintay sa kanya. Hindi niya maiwasang makaramdam ng hiya sa ginagawang sakripisyo ni Kurt para sa kanya. Ngunit wala naman siyang magagawa para pigilan ito sa gusto nitong mangyari. Besides, masaya ang binata sa ginagawa nito at aaminin niya na natutuwa rin naman siya na makasama ito sa tuwina.

Naalala niya ang huling pag-uusap nila ni Kurt. Hindi niya maiwasang mapaisip kung sino ang tinutukoy nitong binabalak na ligawan. Sino kaya ang babaeng iyon? Kilala ba niya ito? Sigurado napakaganda ng babaeng iyon kaya nagustuhan ni Kurt. Siya kaya, magugustuhan din ba siya ni Kurt?

Ooops! Saan ba nanggagaling ang ideyang iyon? Kailan pa siya nangarap na magustuhan din siya ni Kurt? Oo nga't libre namang mangarap. Pero hindi nararapat para sa kanya na pangarapin ang isang katulad ni Kurt. Hindi sila bagay ng binata. For all she know, kaya lang siya sinusundo ng binata sa praktis niya ay dahil may utang itong pinagbabayaran sa kanya, sa kanilang dalawa ni Genevieve. Hindi nito magawan ng pabor si Genevieve kaya ibinubuhos na lang nito ang lahat ng pabor sa kanya.

Isa pa hindi siya maaaring magkagusto kaninuman habang nag-aaral siya. Pinagbawalan siya ng Lola Matilda niya na makipagligawan at makipag-boyfriend. Kaya wala siyang magagawa kundi umiwas sa mga lalaki at pigilan ang sariling ma-inlove sa kahit sinong lalaki kasama na roon si Kurt. Ang puwede lang siguro niyang maramdaman ay ang magka-crush sa isang lalaki. Ngunit hindi niya puwedeng ipaalam ito. Kaya sasarilinin na lang niya ang nararamdaman kung saka-sakali mang dumating ang panahon na matutunan niyang magmahal sa isang lalaki habang nasa SMU siya. Ang problema na lang niya ay kung kaya ba niyang pigilan ang damdamin kapag natuto na siyang magmahal. Posible bang pigilan ang nararamdaman sa ibang tao? Posible kayang pigilan ang sariling damdamin? Posible kayang utusan ang puso na huwag muna itong umibig?

Napailing siya. Mahirap yatang gawin iyong iniisip niya. Ngunit hindi pa naman niya naramdaman ang sinasabi nilang pag-ibig. Kaya hindi niya masasabi kung kaya niyang pigilan ang sarili na magmahal. Pero bakit ba niya pinoproblema ang bagay na ito? Siguro mas mabuting pagtuunan na muna niya ang kanyang pag-aaral at ang pagiging miyembro niya ng Rondalla. Tutal ito naman ang dalawang pinakamalaking dahilan kung bakit siya nasa SMU. Saka na lang niya problemahin at pagtuunan ng pansin ang tungkol sa pag-ibig kapag dumating na ito sa kanya. She will just cross the bridge when she gets there.

Hinagilap niya ang alarm clock. Nang sipatin niya ito ay napansin niyang alas-onse kinse na pala. Malalim na ang gabi ngunit hindi pa rin siya makaramdam ng antok. Ano bang nangyayari sa kanya? Ano kayang dahilan at hindi siya makatulog? May nag-iisip ba sa kanya sa mga oras na ito kaya hindi siya makatulog?

Kinapa niya ang cellphone na nasa ilalim ng unan niya. Pinatay na niya ito kanina pa bago siya nahiga. Muli niya itong binuhay. Hinintay niyang magbukas ito bago pinindot ang gallery. Ini-scroll niya ang mga pictures na naroroon. Nang lumabas ang picture ng Mommy at Daddy niya ay biglang bumigat ang dibdib niya.

Sampung taon na ang nakalipas ngunit parang kahapon lang nangyari ang lahat. Kahit siguro lumipas pa ang maraming taon ay hindi na mabubura pa sa isip niya ang nangyari nang araw na iyon.    

Please  Be  Careful  With  My  Heart(Saint  Matthew  University 2)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon