"SINO NGA pala iyong sinasabi mong kaibigan mo na ipakikilala mo sa akin?" ang tanong ni Barbie kay Enrico nang lumapit ito sa kanya pagkatapos ng kanilang praktis.
"Ah, iyon ba? Magkakilala na kayong dalawa kaya hindi ko na siya kailangang ipakilala pa sa iyo," ang nakangiting tugon nito.
"Kilala ko? Sigurado ka?" Sino kayang kaibigan ni Enrico ang tinutukoy nito? Si Kurt lang naman ang kilala niyang kaibigan nito. Hindi kaya si Kurt ang tinutukoy nito?
"Oo naman. Tingin ko nga ay mas nauna mo pa siyang nakilala kaysa sa akin."
Uh-uh. Parang alam na niya kung sino ang tinutukoy nitong kaibigan.
"Si Kurt ba iyong tinutukoy mo?" ang may paninigurong tanong niya.
Sa halip na sumagot ay tiningnan lang siya ni Enrico. Ilang sandaling tinitigan siya nito na para bang binabasa kung ano ang nasa isip niya. "Tara na. Labas na tayo, baka kanina pa siya naghihintay," pagkuwa'y sabi nito. Binitbit nito ang bandurria niya at nagpatiuna nang lumabas.
Tumaas ang kilay niya sa naging reaksiyon ni Enrico. Naiiling na sinundan na lang niya itong lumabas.
Hindi na nga nito kailangang sabihin pa kung sino ang kaibigang tinutukoy nito. Alam na niya na si Kurt iyon. Ang hindi lang malinaw sa kanya ay ang sinabi nitong bagay sila ng kaibigan nito. Paano kaya nangyari iyon? Bakit sinabi nitong bagay sila ni Kurt? Anong meron sa kanilang dalawa?
Kung ang pagbabasehan ay ang kanilang mga itsura, ang hirap namang paniwalaan na bagay sila ni Kurt. Napakaguwapo ni Kurt samantalang siya ay pangkaraniwan lang ang itsura. Hindi siya kagandahan na tulad ng mga artista o iyong mga kandidata sa beauty pageant. Ngunit hindi rin naman siya pangit para hindi pansinin ng mga kalalakihan. Iyon nga lang kapag pinagtabi sila ni Kurt ay hindi yata sila magandang tingnan. Bukod sa sobrang guwapo ni Kurt ay matangkad din ito. Katunayan hanggang dibdib lang siya nito. Magiging katulad lang nila iyong mga main characters ng Divergent series na kung saan ang bidang lalaki ay napakatangkad samantalang iyong bidang babae ay may kaliitan.
Oh shit! Double shit!
Ngayon lang niya naisip na may kamukha palang Hollywood actor si Kurt. Si Theo James iyon ang gumanap na Four sa Divergent! Ang laki ng pagkakahawig nilang dalawa. Pati ekpresyon ng mukha ni Kurt maging ang paraan ng pananalita nito ay hindi nalalayo sa character ni Four. Pareho silang seryoso, bihirang magsalita at mas madalas ay nakatitig lang kahit kinakausap mo ito. Maging ang pangangatawan nila ay hindi naglalayo. Bagaman maluluwang ang mga jersey na suot ni Kurt ay mahahalata pa rin ang malalapad nitong balikat at dibdib. Mga katawang hindi man pang-bodybuilding o pang-macho dancer ay nasisiguro naman niyang gugustuhin ng sinumang babae na makulong sa mga bisig nila katulad na lang ng partner ni Four na si Beatriz Prior.
Shucks! Bakit ba niya naisip ang bagay na iyon? Nangangarap ba siyang si Beatriz Prior kung sakaling si Kurt ay si Four? Saan ba niya nakuha ang ideyang iyon?
"Tama nga ang sabi ko na nandito na siya. Mukhang naiinip na naman sa paghihintay."
Naputol ang daloy ng pag-iisip niya nang marinig ang sinabi ni Enrico. Awtomatikong napatingin siya sa tiningnan nito. Di kalayuan sa kinatatayuan nila ay palakad-lakad si Kurt habang may kausap sa cellphone nito. Seryoso ang mukha nito. Animo'y galit sa kausap nito.
Walang imik na nilapitan nila ito. Dalawang hakbang na lang ang layo nila nang mag-angat ito ng paningin at nakita sila. Ngingitian niya sana ito ngunit napansin niyang lalong dumilim ang mukha nito nang magtama ang kanilang tingin. Napahinto siya sa paglalakad at napapahiyang napasulyap siya kay Enrico. Ang kasama naman niya ay lumapit kay Kurt. Inabot nito ang bandurria niya kay Kurt. Pagkatapos ay nakangiting lumingon ito sa kanya. Sumaludo pa ito sa kanya bago sumakay sa motorsiklo nito. Tahimik na sinundan lang niya ng tingin ang papalayong binata.
BINABASA MO ANG
Please Be Careful With My Heart(Saint Matthew University 2)
RomanceAno kaya ang mangyayari kung ang isang babaeng pinagbabawalang makipag-boyfriend ay liligawan ng pinakasikat na basketball player ng SMU? Bukod sa sikat na ang lalaki ay guwapo pa at hinahabol ng halos lahat ng kab...