"NAGSESELOS KA? Bakit ka naman magseselos?" Ang hindi makapaniwalang tanong ni Barbie.
Anong problema nang lalaking ito? Bakit pinagseselosan nito ang sariling kaibigan?
"Gusto ko sa akin ka lang nakatingin," matipid na sagot nito.
Antipatiko pala ang lalaking ito. "Gano'n? Eh, bakit noong tinitingnan kita kanina ay nagalit ka? Ano ba talaga ang gusto mong mangyari?" Naguguluhan na talaga siya sa mga sinasabi nito.
Napakamot ito ng ulo. "Paano naman kasi kung makatingin ka sa akin ay parang pinagnanasaan mo ako. Halos matunaw na ako sa mga titig mo, eh."
Tigalgal si Barbie sa narinig. Gano'n ba siya tumingin kay Kurt? Hindi niya alam na ganoon pala ang dating ng mga titig niya kay Kurt. Masyado ba siyang transparent at nababasa ni Kurt ang tinatakbo ng utak niya?
Oh my goodness! Nakakahiya pala siya. Kung maririnig lang siguro ng Lola Matilda niya ang usapan nila ni Kurt ngayon ay baka atakehin ito sa puso. Hindi nito aakalain na ang pinalaki nitong apo ay may pagnanasa na sa lalaki.
Shucks! Pagnanasa talaga? What a term!
"Siguro kung sa ibang babae ay hindi ko papansinin kahit halos hubaran na nila ako sa mga titig nila. Tutal sanay na ako sa kanila. Pero kapag ikaw ang gumawa no'n ay kakabahan talaga ako. Hindi ko ba alam kung bakit."
"Ano kamo?" maang niyang tanong dito.
"Never mind. Huwag mo na lang isipin iyong sinabi ko. Ihatid na kita bago ka pa abutan ng curfew ninyo." Balewalang sabi nito. Pinasibad na nito ang sasakyan.
Tahimik na lang niyang pinanood ang pagda-drive nito. Ilang sandali pa ay nasa harapan na sila ng gate ng dorm. Naunang bumaba si Kurt at pinagbuksan siya nito ng pintuan ng kotse.
"Sandali lang at kukunin ko ang bandurria mo, " sabi nito nang makababa siya ng kotse.
"Maraming salamat sa paghahatid sa akin," nakangiting sabi niya nang iabot ni Kurt ang bandurria niya.
"Natutuwa akong makatulong sa iyo. Kaya asahan mo na tuwing may praktis ka ay naroon din ako para sunduin ka at ihatid dito pauwi."
Napabuntung-hininga siya. "Hindi mo na kailangang gawin ito, Kurt. Baka nakaabala lang ako sa iyo."
"Huwag mong sabihin iyan. Masaya ako kapag nakakatulong lalo na sa iyo. Kahit kailan ay hindi ko inisip na nakakaabala ka."
Tumaas ang isang kilay niya sa narinig. Hindi siya makapaniwala sa sinabi ni Kurt. "Seryoso ka ba sa sinasabi mo? O nagbibiro ka lang?"
"Pangatlong beses na kitang ihatid ngayon. Sa tingin mo ba binibiro kita?" Ganting tanong nito sa kanya.
Hindi siya kaagad nakapag-react sa tanong nito. Napaisip siya ng malalim.
" Para kasi sa akin ay mahirap paniwalaan iyang mga sinasabi mo. Ano bang dahilan at pinagkakaabalahan mo ako ng oras? Saka bakit kailangan mong mag-alala para sa akin? Hindi mo naman ako kaanu-ano. Ni hindi nga tayo magkaibigan, hindi ba?"
Isang malalim na buntung-hininga ang pinakawalan ni Kurt bago ito sumagot. "Gusto ko lang naman na makabawi sa kasalanan ko sa iyo, sa inyo ng kaibigan mo, noong muntik ko na kayong mabangga."
BINABASA MO ANG
Please Be Careful With My Heart(Saint Matthew University 2)
RomanceAno kaya ang mangyayari kung ang isang babaeng pinagbabawalang makipag-boyfriend ay liligawan ng pinakasikat na basketball player ng SMU? Bukod sa sikat na ang lalaki ay guwapo pa at hinahabol ng halos lahat ng kab...