Hello! Heto na po ang last part ng kuwento nina Barbie at Kurt. Sana ay magustuhan ninyo. Happy reading!!!!!
"MANO po, lola."
"Kaawaan ka ng Diyos," sabi ni Lola Matilda pagkatapos niyang magmano dito. "Sino naman ang lalaking ito?" galit na tanong nito nang mapansin nito si Kurt.
"Magandang gabi po! Ako po si Kurt." Kinuha nito ang kamay ng matanda at saka nagmano.
"Ano ang sadya mo? Bakit nandito ka?" Taas-noong tanong ni Lola Matilda.
Pinanlamigan ang buong katawan ni Barbie. Nasa biyahe pa lang sila kanina ni Kurt ay matindi na ang kaba niya. Ngayon ay parang naninigas na ang katawan niya sa nerbiyos. Parang gusto niyang magsisi kung bakit pa niya pinayagang sumama sa kanya si Kurt. Sa nakikita niyang itsura ng lola niya ay hindi maiwasang matakot para kay Kurt.
"Makikiusap po sana ako sa inyo tungkol sa amin ni Barbie," malakas ang loob na sabi ni Kurt.
"Ano ang tungkol sa inyo ni Barbie?" Mahinahon ngunit mapanganib ang tono ng boses ni Lola Matilda.
"Puwede po bang umupo muna tayo lola? Napagod po kasi kami sa haba ng biyahe," putol ni Barbie sa usapan nina Kurt at lola niya. Kinakabahan kasi siya na kapag tumagal pa sila sa pagtayo ay baka tuluyan na siyang bumagsak sa sahig. Nanginginig na kasi ang mga tuhod niya.
"O, siya. Umupo tayo nang makapag-usap ng maayos." Umupo sila ng lola niya sa tig-isahang sopa. Samantalang si Kurt ay umupo sa mahabang sopa.
"Ano ang pakay mo, binata?" ang tanong ng lola niya pagkatapos nilang makaupo.
"Hihingi po sana ako ng permiso para makapanligaw kay Barbie." malakas ang loob na sabi ni Kurt.
"Malakas ang loob mo, iho. May trabaho ka na ba? Bakit kaya mo na ba siyang buhayin? Kung sakaling mabuntis mo siya, may ipapakain ka ba sa kanya?"
"Lola..."naiiskandalong sabi ni Barbie.
Binalingan siya ng lola niya. "Hindi ikaw ang kausap ko kaya tumahimik ka diyan." May himig ng babala ang tinig nito. Hindi na lang siya umimik.
"Ikaw, sagutin mo iyong tanong ko," baling nito kay Kurt.
"Fourth year pa lang po ako sa engineering. Wala pa naman po kaming balak magpakasal ni Barbie. Ang gusto ko lang po ay manligaw muna sa kanya," mahinahong paliwanag ni Kurt.
"Alam ko. Pero doon din naman ang punta ninyo, hindi ba? Kaya lang ang gusto ko'y makatapos muna ng pag-aaral ang apo ko bago siya makipagnobyo. Hindi ko gustong masira ang pag-aaral ninyong dalawa dahil sa pakikipagrelasyon. Mga bata pa kayo, huwag muna ninyong seryosohin ang mga bagay na iyan. May tamang panahon para diyan. At kung talagang mahal mo siya ay hihintayin mo muna siyang makatapos bago mo ligawan."
Natahimik silang pareho ni Kurt.
"Naintindihan ba ninyo ako, mga apo?" ang tanong ng lola niya pagkaraan ng mahabang sandali.
"Opo, lola," halos magkasabay nilang sagot ni Kurt.
"Sa ngayon ay maging magkaibigan lang muna kayo. Kapag nakatapos na kayo ng pag-aaral ay maaari ninyo ng gawin ang ninanais ninyo."
"Sige po, lola," ang sagot ni Kurt.
Siya nama'y tumango lang.
"I'M SORRY, Kurt. Hindi talaga natin mababago ang desisyon ni lola," nalulungkot na sabi ni Barbie pagkatapos nilang kausapin ang Lola Matilda niya. Nakatayo sila sa harap ng kotse nito habang nag-uusap.
"Naintindihan ko ang lola mo. Tama naman siya. Mas dapat talagang iprioritize natin ang pag-aaral kaysa pakikipagrelasyon. May tamang panahon talaga para sa mga bagay-bagay."
Napangiti siya. "Salamat sa pang-unawa." Hindi niya inaasahang ganito ang magiging reaksiyon ni Kurt sa pakikipag-usap nila sa lola niya.
"Wala iyon,' nakangiting tugon nito.
"Ibig bang sabihin niyan, magkaibigan pa rin tayo?" Sana'y hindi nagbago ang pagtingin sa kanya ni Kurt.
"Oo naman. Tanggap ko nang hindi pa ako puwedeng manligaw sa iyo. Pero hindi ibig sabihin no'n ay magbabago na ang pakikitungo ko sa iyo. Ako pa rin ang magsusundo sa iyo kapag may praktis ka at ihahatid din kita sa tuwing uuwi ka dito sa inyo. Gusto mo ba iyon?"
Nakahinga siya ng maluwag. Gusto niyang tumalon sa tuwa. Sa sobrang saya na nararamdaman niya ay hindi niya napigilan ang sarili. Bigla niyang nilapitan si Kurt at hinalikan ito sa pisngi. "Maraming salamat, Kurt," pagkuwa'y sabi niya.
Pinamulahan ng mukha si Kurt. Hindi yata nito inaasahan ang ginawa niya. "Para saan iyon?"
"A-ang alin?" painosente niyang tanong.
"Iyong halik?" nangingiting tanong ni Kurt.
"Ah...w-wala lang. I mean...n-natuwa lang talaga ako," medyo nauutal niyang sabi.
"I'm willing to wait. Pangako, iingatan ko ang puso mo kapag ipinagkaloob mo na iyan sa akin," malapad ang ngiting sabi nito.
Alam niyang tutuparin iyon ni Kurt. She can't wait to see that day.
***********************************************************************************************
Sana po ay nag-enjoy kayo sa pagbabasa sa kuwento nina Barbie at Kurt. Puwede rin po ninyong basahin ang SMU Book 1, ang kuwento nina Penelope at Ulysses. May Book 3 (Ordinary Song) na rin po. Iyong kuwento rin nina Arrielle at Enrico. Isusunod ko na rin po na sulatin ang Book 4, Is It Okay If I Call You Mine, na kuwento naman nina Isabella at Richard. Paki-abangan na lang po. Maraming salamat po sa inyong lahat!
Leah Rebekah
BINABASA MO ANG
Please Be Careful With My Heart(Saint Matthew University 2)
RomanceAno kaya ang mangyayari kung ang isang babaeng pinagbabawalang makipag-boyfriend ay liligawan ng pinakasikat na basketball player ng SMU? Bukod sa sikat na ang lalaki ay guwapo pa at hinahabol ng halos lahat ng kab...