HUMINTO ang kotse ni Kurt sa tapat ng College of Engineering and Technology. Agad niyang binuksan ang pintuan ng kotse at lumabas. Agad namang lumapit ang mga kaibigan niya nang makita siya ng mga ito.
"Pare, anong nangyari sa iyo? Muntik ka nang makasagasa, ah?" bati ni Steve nang makalapit sa kanya.
Hindi siya agad nakasagot. Masama kasi ang umaga niya. Sinira ng Mama niya ang araw niya. Umagang-umaga kasi na inaaway nito ang Papa niya. Bagaman nasa loob ang mga ito ng kuwarto nila ay dinig na dinig niya ang pag-aaway nila kahit nasa komedor sila ng kapatid niya at kumakain. Pati siya at ang nakababata niyang ay nadamay. Sa inis ay hindi na niya tinapos ang kinakain niya. Tinawag na rin niya ang kapatid at lumabas na sila. Inihatid muna niya ito sa Saint Matthew High bago dumiretso sa SMU.
Kaninang malapit na siya sa CAS ay biglang tumunog ang cellphone niya. Ang Mama niya ang tumatawag. Sinagot niya ito kaya saglit na nawala sa atensiyon niya ang pagda-drive. Kamuntik na niyang mahagip ang dalawang babaeng naglalakad sa sidewalk. Hindi na niya nagawang huminto dahil pinapagalitan siya ng Mama niya sa phone. Nagrereklamo ito dahil hindi nila tinapos ng kapatid niya ang kanilang kinakain. Naiinis siyang nakikinig sa litanya nito kaya tuluy-tuloy siyang nag-drive. Hindi niya pinansin ang dalawang estudyante na muntik na niyang madisgrasya. Huminto na lang siya sa tapat ng CET. Heto nga at inabutan niya ang mga kaibigan na naghihintay sa kanya.
"Pasensiya na lang sila. Mainit lang talaga ang ulo ko," sabi niya at naglakad papasok ng building. Nilagpasan lang niya ang mga kaibigan.
"Mabuti na lang at first year iyong mga babaeng iyon. Hindi ka nila kilala. Kung nagkataong kilala ka ng mga iyon, baka usap-usapan ka na naman sa buong campus," sabi ni Krypton habang sumasabay sa paglalakad niya.
"Eh, iyong mga nakakita? Baka kilala siya. Kaya kahit hindi magkuwento iyong dalawang babae, siguradong pag-uusapan pa rin si Kurt," sabad ni Richard na nasa likuran lang nila.
Bumuga siya ng hangin. Hindi na bago sa kanya ang ganoong usapan. Sanay na siyang pinag-tsi-tsismisan sa buong campus. Bukod kasi sa pagiging captain ball ng basketball team ay kilala din siya sa pagiging arogante at mayabang. Hindi naman siya mahilig makipag-away. Iyon nga lang madalas siyang mapaaway dahil marami ang naiinis sa kanya sa kayabangan niya.
"Ang masama niyan, baka iyong dalawang babae ay magsumbong sa mga boyfriend nila. Kapag nagkataon, lagot si Kurt. Mapapaaway ka na naman, brod," nailing na sabi ni Enrico. Hindi niya namalayang nasa tabi na pala niya ito.
Napabuntung-hininga siya. "Kapag nangyari iyon, hindi naman ninyo ako siguro pababayaan, ano? Alangan namang panoorin ninyo ako habang pinagtutulungan ako ng ibang tao," nakangising sabi niya. Kilala niya ang mga kaibigan. Hindi siya iiwanan ng mga ito kahit na anong sitwasyon pa ang suungin niya.
Matagal na silang magkakaibigan. Magkaklase sila simula pa noong first year sila. Ngayon ay fourth year na sila at kahit magkakaiba ng kurso sa engineering ay hindi pa rin nasisira ang kanilang pagkakaibigan.
Sina Krypton at Steve ay kapareho niyang kumukuha ng electrical engineering. Sina Richard at Enrico ay nasa mechanical engineering. Bagaman bihira na nilang makasama ang dalawa ay hindi pa rin nagbago ang pakikitungo ng mga ito sa kanya, sa kanilang tatlo.
"Oo naman, brod. Maasahan mo kami diyan," sabi ni Steve. Nauna na itong pumasok sa loob ng kuwarto nila. Kasunod nito si Krypton. Tinapik naman siya sa balikat ni Richard. Si Enrico ay sumaludo sa kanya pagkatapos ay sabay nang lumiko sa pasilyo ang dalawa. Nang mawala sa paningin ang mga kaibigan ay pumasok na rin siya sa kuwarto nila.
BINABASA MO ANG
Please Be Careful With My Heart(Saint Matthew University 2)
Любовные романыAno kaya ang mangyayari kung ang isang babaeng pinagbabawalang makipag-boyfriend ay liligawan ng pinakasikat na basketball player ng SMU? Bukod sa sikat na ang lalaki ay guwapo pa at hinahabol ng halos lahat ng kab...