"SIGURADO KA na kaya mong mag-isa? Baka gusto mo sumama na ako sa iyo para may kasama kang uuwi mamaya," nag-aalalang sabi ni Genevive nang magpaalam si Barbie na may praktis ito sa Rondalla.
"Hindi na. Okay lang ako. Maaabala ka lang. Saka hindi ka naman kasali sa praktis. Baka mainip ka lang sa paghihintay sa akin. Makikisabay na lang ako sa pag-uwi sa mga kasamahan ko sa Rondalla."
Unang araw ng praktis nila sa Rondalla kaya excited siya at ayaw niyang isipin na magkakaproblema siya sa pag-uwi. Hindi iyon ang inaalala niya. Ang mas higit niyang pinoproblema ay ang praktis nila mismo. Mabait kaya o masungit ang trainor nila? Makakasundo niya kaya ang mga kasamahan sa Rondalla? Makakasunod din kaya siya sa mga ituturo sa kanila? Ang mga iyon ang pinoproblema niya at hindi kung paano siya makakauwi mamaya.
"Sure ka, ha? Ano kaya kung tawagan mo na lang si Kurt? Magpasundo ka sa kanya. Tutal nagprisinta naman siya na susunduin ka kung gagabihin ka," suhestiyon ni Genevive.
Napatitig siya sa kisame saka napakamot ng ulo. Isang linggo na niyang hindi nakikita ang binata. Hindi na niya rin ito napapadaan kapag natatapos ang klase nila sa P.E. na katulad ng dati. Kaya tuloy iniisip niyang biniro lang siya nito nang mag-alok ito ng tulong.
"As if naman seryoso iyong tao sa sinabi niya," ang malungkot niyang sabi. Ayaw niyang paasahin ang sarili sa wala. Alam niyang bukod sa guwapo si Kurt ay sikat din ito sa buong campus at hindi ang katulad niya ang pagkakaabalahan nito. Gentleman lang siguro ito sa babae kaya nasabi nito ang bagay na iyon. For all she know, baka may girlfriend na rin iyong tao.
Ouch! Masakit iyon, ah!
Bakit gano'n? Bakit parang biglang kinurot ang puso niya sa kaisipang iyon? Nagseselos ba siya?
Oh, no! May gusto ba siya kay Kurt? Huwag naman sana. Siguradong masasaktan lang siya. Besides, bilin ng lola niya ay bawal makipagnobyo. Kaya pati pakikipagligawan ay siguradong hindi rin puwede. Ang puwede lang siguro ay magka-crush siya kay Kurt. Kaya kung crush lang niya si Kurt, hindi siya puwedeng magselos sa girlfriend nito kung saka-sakali.
"Hmmm...tingin mo nagbibiro lang siya noong mag-alok siya ng tulong?" ang seryosong tanong ni Genevive.
"Malamang biro lang niya iyon. Baka pinagti-tripan lang niya ako." Masakit mang isipin ngunit parang gano'n nga ang ginawa ni Kurt sa kanya.
"Ay, ano ba iyan? Nakakadismaya naman siya. Pero sayang ang guwapo pa naman niya at saka mukha naman siyang mabait."
"Malay natin. Baka pakitang tao lang niya iyon. Alalahanin mo na lang iyong nangyari sa atin noong unang araw ng pasukan, " pagpapaalala niya sa kaibigan.
"Oo nga. Hindi ko pa rin nakakalimutan iyon," ang matamlay na sabi ni Genevive.
"O, sige. Kailangan ko nang umalis," sabi niya bago sinipat ang suot na relo. "Five forty-five na. Alas-sais iyong praktis namin. Kaya lalabas na ako. Nakapagpaalam na rin ako sa SA kung sakali mang maabutan ako ng curfew."
"Okay,sige. Ingat ka," paalala ni Genevive.
Tinanguan lang niya ito. Binitbit na niya ang bandurria saka lumabas ng kuwarto.
BINABASA MO ANG
Please Be Careful With My Heart(Saint Matthew University 2)
RomantikAno kaya ang mangyayari kung ang isang babaeng pinagbabawalang makipag-boyfriend ay liligawan ng pinakasikat na basketball player ng SMU? Bukod sa sikat na ang lalaki ay guwapo pa at hinahabol ng halos lahat ng kab...