PALABAS na sina Barbie nang hapong iyon sa gym nang matanaw niya ang isang pamilyar na sasakyan. Katatapos lang nilang mag-P.E., ang huling subject nila sa hapon. Hinila niya si Genevive sa isang tabi.
"Bakit? May problema ba?" nagtatakang tanong ni Genevive. Nanlalaki ang mga matang nitong napatingin sa kanya.
"Nakita mo ba iyong kotseng dumaan kanina?" seryosong tanong niya sa kaibigan. Muling hinagilap ng mata niya ang kotse. Natandaan niya ang plate number ng kotse kaya hindi siya maaaring magkamali.
Napansin niyang huminto ito di kalayuan sa kinapu-puwestuhan nila ni Genevive. Bumukas ang kotse at lumabas ang apat na kalalakihan dito. Pare-parehong nakasuot ng jersey ang mga ito.
Bigla niyang hinila si Genevive at mabilis na tinungo ang kinapaparadahan ng kotse..
"Teka, teka lang. Dahan-dahan ka nga. Sasama naman ako sa iyo, eh. Hindi mo ako kailangan hatakin. Para naman akong maliit na bata, ah," ani Genevive. Pilit itong kumakawala sa mahigpit na pagkakahawak niya sa kamay nito.
Napilitan siyang bitawan ang kaibigan. "Bilisan mo lang at baka mawala ang mga walanghiya," pagkasabi nito ay nagpatiuna na siyang lumakad.
Naglalakad patungo sa loob ng gym ang apat na kalalakihan. Hindi na niya hinintay na makalapit ang mga ito sa kanya. Humarang na siya sa daraanan ng mga ito. Nauunang naglalakad ang pinakamatangkad sa kanila.
"Excuse me," agad niyang sabi nang makalapit sa kanya ang naturang lalaki.
Huminto ang lalaki isang dipa mula sa kanya. Napakatangkad nito. Kung tatabihan niya ito ay baka hanggang didbdib lang siya nito. Hindi naman siya masyadong maliit sa taas niyang 5'2" ngunit kinakailangan niyang tingalain ito para lang makita ang mukha nito.
"Anong kailangan mo?" tanong nito habang titig na titig sa kanya.
Hindi siya kaagad nakasagot, Nakatingin lang din siya dito.
Ito na yata ang pinakaguwapong lalaki na nakilala niya sa buong buhay niya. Maputi ito kaysa sa karaniwang lalaki. Bilugan ang mga mata nito at may makakapal na kilay. Matangos ang ilong nito. Prominente ang panga na may tumutubong maliliit na balbas. Namumula at mukhang malambot ang labi nito na para bang kaysarap humalik. Nakahantad ang malalapad nitong mga balikat at dibdib dahil sa suot nitong jersey.
Ano kayang pakiramdam kapag hinalikan siya nito bang nakakulong sa mga bisig nito?
Natutop niyang bigla ang sariling bibig sa naisip. Kailan pa siya nagka-interes sa mga lalaki? Ang pag-aaral at musika lang ang pinagkakaabalahan niya simula pa pagkabata niya. Kaya nga maituturing siyang NBSB. Hindi lang dahil sa pangaral ng Lola Matilda niya ngunit dahil na rin sa sariling kagustuhan niya. Ngunit anong mayro'n sa lalaking ito na kahit ngayon lang niya nakita ay biglang nagbago ang pananaw niya? Wala yata siya sa tamang huwisyo. Ipinilig niya ang kanyang ulo baka sakaling mahimasmasan siya.
"May kailangan ka ba Miss?" ang muli'y tanong ng lalaki. May pilyong ngiting sumilay sa mga labi nito. Lumabas tuloy ang mga dimples nito. Lalo itong naging guwapo sa paningin niya.
Nahigit niya ang sariling hininga. You're making me nervous, ngunit sa isip lang niya sinabi iyon.
"G-gusto ko lang malaman kung.....s-sino ang may-ari ng kotseng iyon," sinulyapan niya ang silver na Honda City na ginamit nila ng mga kasama nito.
Tumingin din ito sa hinahayon ng tingin niya. "Aling kotse ang tinutukoy mo?"
"Iyong may plakang ADA 1443. "
Nakakunot ang noo nito nang muling tumingin sa kanya. "Bakit mo tinatanong?"
Bigla ang pag-ahon ng inis sa dibdib niya. "Dahil gusto kong malaman,' mariing sagot niya. Sinalubong niya ang mga titig nito.
Hindi niya mabasa ang ekspresyon ng mukha nito. Nanatiling nakatitig lang ito ng seryoso sa kanya.
"Saka may kasalanan ang may-ari ng kotse na iyan. Muntik na kaming madisgrasya kaninang umaga dahil sa kanya," ang sabad ni Genevive. Hindi niya namalayang nasa tabi na pala niya ito.
"May problema ba mga Miss?' ang tanong ng isa sa mga kasama ng guwapong lalaki. Nakalapit na rin ang mga ito sa kanila.
"Malaki. Malaki ang kasalanan ng may-ari ng kotse. Kaya sabihin n'yo na kung sino sa inyo ang nagmamay-ari ng kotse." Si Genevive ang sumagot sa tanong ng lalaking iyon.
Nagkatinginan ang tatlong lalaki maliban sa guwapong lalaking na kausap niya kanina.
"Mga Miss, humihingi kami ng dispensa sa nangyari kanina. Hindi iyong sinadya. Nagkataon lang na nagmamadali iyong driver kaya hindi niya kayo napansin," sabi ng isa pa sa mga kasama ng guwapong lalaki.
"Bakit ikaw ba ang may-ari ng sasakyan?" tanong niya rito.
Hindi sumagot ang lalaki.
Napaismid siya. "So meaning, hindi ninyo sasabihin kung sino ang driver o may-ari ng kotseng iyon?" naiiritang tanong ni Barbie. Nahahalata niyang pinagtatakpan ng mga ito ang may kasalanan. Hindi niya maintindihan kung bakit walang gustong umamin sa kanila kung sino ang may-ari ng sasakyan.
"Kapag sinabi ko bang ako ang may-ari ng kotse at ako ang nagmamaneho niyan kaninang umaga, magiging masaya ka na ba? Anong balak mong gawin sa akin? Parurusahan mo ako?" ang sunud-sunod na tanong ng guwapong lalaki. Animo'y nanghahamon ito.
Tinitigan niyang mabuti ang lalaki. Wala siyang mabasang ekspresyon sa mukha nito. Hindi niya malaman kung seryoso ito sa sinasabi nito o nagbibiro lang.
"Bakit ikaw nga ba ang totoong may-ari ng kotse?"
Sa halip na sumagot ay binuksan nito ang siper ng dala nitong duffel bag. Mula roon ay may inilabas ito at ipinakita sa kanya.
BINABASA MO ANG
Please Be Careful With My Heart(Saint Matthew University 2)
RomanceAno kaya ang mangyayari kung ang isang babaeng pinagbabawalang makipag-boyfriend ay liligawan ng pinakasikat na basketball player ng SMU? Bukod sa sikat na ang lalaki ay guwapo pa at hinahabol ng halos lahat ng kab...