"ANO BA Genevive? Bilisan mo naman. Male-late na tayo," naiiritang sabi ni Barbie sa kaibigan.
First day ng klase nila sa SMU kaya ayaw niyang ma-late. Pero itong kaibigan niya, sobrang hinhin kung kumilos. Dinaig pa nito si Maria Clara o mas tamang isipin niyang may lahi itong pagong. Kanina pa siya nakabihis at naghihintay na sa labas ng pintuan ng kuwarto nila sa dorm. Pero ang kaibigan niya ay nasa loob pa at kung anu-anong kinukutkot pa nito sa mga gamit nito.
Kailan lang sila nagkakilala ni Genevive. Unang silang nagkita noong kumuha sila ng entrance exam sa SMU. Magkatabi sila ng upuan. Sa unang pag-uusap pa lang nila ay nagkapalagayang-loob na agad sila. Nang matapos ang exam ay kinuha ni Genevive ang cp number niya at nangakong babalitaan siya nito sa resulta ng exam nila. Mas malapit kasi ang bahay nila sa SMU kumpara sa kanya. Kalahating oras lang ang biyahe nito mula sa kanila sa San Jose. Samantalang dalawang oras ang biyahe niya sa jeep galing sa Sta. Lucia.
Nang lumabas ang result ng exam ay tinawagan nga siya nito. Napagpasyahan nilang sabay na mag-enroll dahil pareho naman sila na Accountancy ang kursong kukunin.
Sandaling itinigil ni Genevive ang ginagawang pagtutupi ng pinagbihisan nitong damit. Nilingon nito si Barbie na nakahalukipkip sa labas ng kuwarto.
"Sandali na lang. Bakit ka ba nagmamadali?"sabi nito saka sinipat ang suot na relo. "Seven-ten pa lang naman, ah. Maaga pa. Seven-thirty naman ang time natin." Kinuha nito ang itinuping damit at ipinasok sa maliit na laundry basket na nasa ilalim ng higaan nito.
Bumuga ng hangin si Barbie. "Maglalakad pa tayo, eh. Saka gusto ko makahanap tayo ng magandang upuan. Kapag magtatagal pa tayo, baka mamaya niyan sa likuran na ang makukuha nating upuan," litanya niya.
"Oo, sige na. Lalabas na po," sabi ni Genevive. Isinukbit nito ang shoulder bag at lumabas na.
Nang makalapit ito sa kanya ay agad silang lumakad palabas ng dorm.
"O, ayan, ang dami ng tao," sabi niya nang nasa labas na sila ng dorm. Gustuhin man nilang bilisan ang paglalakad ay hindi na sila makaabante dahil sa dami ng mga estudyanteng kasabay nilang naglalakad. Lahat ay patungo sa campus.
"Eh, ano? Five minutes lang naman tayong maglalakad papunta ng CAS. Hindi pa rin tayo late pagdating sa classroom natin. Masyado ka namang paranoid, " katwiran nito.
Umikot ang mga mata ni Barbie. "Hindi ako paranoid, ano? Gusto ko lang talagang pumasok ng maaga. Hindi kasi ako sanay na nale-late, ano?"
Sanay kasi siya na pumapasok ng maaga. Kadalasan nga noong nasa elementarya at high school pa siya ay nauuna siyang dumarating sa classroom nila. Hindi rin siya nale-late sa mga usapan dahil hindi niya gustong may naghihintay nang matagal sa kanya.
Malapit na sila ng CAS at natatanaw na nila ang building nito nang bigla silang mapahinto ni Genevive. Isang kulay silver na kotse ang biglang dumaan at muntik na silang ma-side swept. Mabuti na lang at narinig nila ang pag-ingit ng kotse kaya napalingon sila at napahinto sa paglalakad.
"Whew! Muntik na tayo doon, ah. Sino kayang siraulong driver ng kotse na iyon? Akala mo naman kung sino! Anong tingin niya sa sarili niya? Bakit pag-aari ba niya ang kalsada kaya wala siyang pakialam sa mga naglalakad na estudyante?," nagngingitngit niyang sabi habang sinusundan ng tingin ang papalayong kotse. Ni hindi man lang ito huminto o nag-menor. Basta tuluy-tuloy lang itong umalis.
"Baka naman, anak siya ng may-ari ng eskuwelahan. O baka naman ay lasing iyong driver. O hindi kaya, drug addict iyon?" nakapameywang na sabi ni Genevive. Tulad niya ay naiinis din ito.
Napaismid siya sa tinuran ng kaibigan. "Ibig sabihin may mga hindi kanais-nais pa lang estudyante dito sa SMU. Pasalamat na lang siya at mabait ako. Kung hindi kanina pa ako kumuha ng bato at binato ko iyang kotse niya," sabi niya. Napalinga siya sa kinatatayuan nila. Wala siyang makitang bato. Sementado lahat ang daanan at wala man lang naligaw kahit maliit na bato.
Napangiwi si Genevive. "Grabe ka naman. Gagawin mo talaga iyon?" ang hindi makapaniwalang tanong nito.
Bigla siyang napaisip sa tanong ng kaibigan. Hindi naman siya hot-tempered na tao. Pero sa kanilang magpipinsan ay siya may pinakamaikling pasensiya. Bagaman wala siyang natatandaan na siya ang nagpasimuno ng away. Madalas na kapag nakikipag-away siya ay dahil ipinagtatanggol lang niya ang sarili o kaya ay ang mga pinsan niya.
"Ewan ko lang, ha? Siguro kung may nadisgrasya sa atin, baka nga nagawa ko iyon. Mabuti na lang at walang nangyaring masama sa atin. Kalimutan na lang natin ang nangyari. Mag-iingat na lang tayo. Tara na, bago tayo ma-late." Nagpatiuna na siyang naglakad.
Sumunod din agad sa kanya si Genevive.
BINABASA MO ANG
Please Be Careful With My Heart(Saint Matthew University 2)
RomanceAno kaya ang mangyayari kung ang isang babaeng pinagbabawalang makipag-boyfriend ay liligawan ng pinakasikat na basketball player ng SMU? Bukod sa sikat na ang lalaki ay guwapo pa at hinahabol ng halos lahat ng kab...