CHAPTER SIXTEEN

3.3K 114 0
                                    

PAUWI na sina Barbie at Genevieve ng hapon na iyon nang matanaw niya ang isang pamilyar na sasakyan. Masasalubong nila ang kotse ni Kurt. On instinct, hinila niya si Genevieve para lumihis sila ng daan.

"Hoy, ano ka ba? Dahan-dahan ka nga baka masubsob ako. Ano bang problema mo?" pagpoprotesta ni Genevieve na nagulat ng bigla niya itong hilahin.

"Papunta na rito iyong kotse ni Kurt. Ayoko siyang makita kaya bilisan mo na. Kailangan nating dumaan sa kabila para hindi natin siya masalubong." Binitawan na niya ang kaibigan at hinayaan na lang niya itong sumunod sa kanya.

"Gano'n? Bakit?"tanong ni Genevieve habang sumusunod sa kanya.

Sinulyapan niya ang kaibigan. "Saka ko na lang ipaliliwanag. Basta kailangan na nating makalayo dito. O, bakit, ganyan ang itsura mo?" naguguluhang tanong niya nang mapansing panay ang iling ni Genevieve.

May itinuturo ito sa likuran niya. Nang lingunin niya ito ay muntik na siyang mapasigaw. Nakatayo pala si Kurt sa likuran niya. Hindi niya alam kung paano ito naroon nang hindi niya namalayan.

"Mukhang nagmamadali kayo, ah. Saan ba kayo pupunta?" Nakangiti ito ngunit hindi umabot sa mga mata nito. Iba ang nababasa niya sa mukha nito.

Umiwas siya ng tingin sa binata."Pa-pauwi na...kami ni Genvieve."

"Kung uuwi na kayo, bakit dito kayo dumaan? Hindi ba mas malapit ang Dorm 5 kung dadaan kayo sa kabila?"

Tumingin siya sa kaibigan niya. Nagpapasaklolo siya dito.

"Ah......dadaan muna sana kami sa CAS kasi may nakalimutan kami," ang sabi ni Genevieve.

Gusto niyang palakpakan ang kaibigan dahil sa galing nitong magtahi ng kuwento. Parang totoo ang sinabi nito.

"Ihahatid ko na kayo doon para hindi na kayo maglalakad pa."

Nagkatinginan sila ni Genevieve. Iisa ang tanong na naglalaro sa isipan nila. Paano na?

"Pagkatapos ay ihahatid ko kayo pauwi. Naroon ang kotse ko."

Nang lingunin niya ang itinuro nito ay nakita niya ang kotse nito na naka-park hindi kalayuan sa kinatatayuan nila.

Great! So much for hiding. She should know him better than that.

"Okay, tara na Genevieve." Wala na siyang magagawa kundi sumunod sa sinabi ni Kurt. Hindi niya gustong mabisto nito na silang magkaibigan ay nagsisinungaling.

"SAAN tayo pupunta?" curious na tanong ni Barbie kay Kurt pagkatapos nilang maihatid si Genevieve sa dorm. Hindi na siya nagulat nang sabihin ni Kurt may pupuntahan sila.

"Doon sa lugar na makakapag-usap tayo ng maayos," maikling sagot nito.

Nakaramdam siya ng kaba. "Saan iyon?"

Nilingon siya ni Kurt. "Nakarating ka na ba sa Little Forest?"

Umiling siya. "Naririnig ko lang iyong lugar na iyon pero hindi pa ako nakarating. Hindi ba malayo iyon?"

"Nasa dulong bahagi ng campus iyon. Pero huwag kang mag-alala. May sasakyan naman tayo kaya hindi tayo mahihirapang makarating doon. Saka hindi naman tayo magtatagal doon. May pag-uusapan lang tayong mahalagang bagay," sabi nito habang ang mata ay nakatutok sa unahan.

Tumaas ang isang kilay niya sa huling sinabi nito. "Ano bang pag-uusapan natin?"

"Tungkol sa ating dalawa," sabi nito ng hindi tumitingin sa kanya.

Shit! Heto na naman po kami. Kaya nga gusto niyang iwasan si Kurt dahil ayaw niyang maungkat ang tungkol sa nararamdaman nila sa isa't isa. Ngunit talaga yatang hindi niya maiiwasan ang binata kaya mabuti pa sigurong sabihin na lang niya ang totoo dito. Bahala na kung ano ang mangyayari pagkatapos.

"Nandito na tayo," anunsiyo ni Kurt nang huminto ang sasakyan pagkatapos nang mahabang katahimikan.

Bumaba ito ng kotse saka umikot sa tabi niya at binuksan ang pintuan.

Pagbaba niya ng kotse ay hindi niya maiwasang mapahanga sa kapaligiran. Saan man niya igala ang paningin ay panay berde ang nakikita niya. Panay matataas na puno at malalagong halaman ang nakapaligid sa kanya. Para siyang pumasok sa isang virgin forest. Marahil ang kulang lang ay ang mga mababangis na hayop. Bagaman sigurado siyang may mga ibong nakatira sa mga punong naroon.

"Halika na," yakag ni Kurt nang hindi siya kumikilos sa kinatatayuan niya. Inilahad nito ang kamay sa kanya. Kinakabahan man ay napilitan siyang tanggapin iyon.

"Doon tayo sa may lilim," sabi ni Kurt.

Kunot-noong hinanap ng mata niya ang sinasabi ni Kurt na lilim. Noon niya napansin ang isang shed sa isang sulok ng gubat. Tantiya niya ay kasya ang labindalawang tao sa loob nito. May bilog na mesa sa gitna nito. May nakapaikot namang upuan sa loob ng shed. Marahil sinadyang ilagay iyon para may sisilungan kung sakaling matindi ang sikat ng araw.

Nang marating nila ang shed ay napansin niyang may inilapag na basket si Kurt sa mesa.

"Ano iyan?" nagtatakang tanong niya rito. Hindi niya napansin ito kanina dahil abala ang mga mata niya sa nakikitang tanawin.

"Ipinadala sa akin ni Mama para may kakainin tayo," nakangiting sabi nito.

"Ang bait naman ng Mama mo." Bigla niya tuloy na-miss ang Mommy niya.

"One of these days, makikilala mo rin siya, " sabi nito habang inaalis ang takip ng basket.

Parang biglang may kumurot sa dibdib niya nang marinig ang sinabi ni Kurt. How she wish na sana ay ganoon lang kadali ang sinasabi ni Kurt.

"Kain na muna tayo." sabi ni Kurt nang mailabas ang laman ng basket.

Natakam siya ng husto nang makita niya ang barbeque, pancit, lumpiang shanghai at puto.

"Ano naman iyan?" tanong niya nang mapansin ang dalawang mataas na paper cup na huling inilabas ni Kurt.

"Mango juice. Kaya lang baka hindi na malamig kasi kanina pa ito."

"Puwede na iyan. Ang importante may inumin tayo." Kinuha niya ang paper plate at pinuno ito ng pagkain. "O, para sa iyo." Inilapag niya ito sa harap ni Kurt.

"Bakit ako ang inuna mo? Dapat iyang sarili mo muna kasi ikaw ang babae dito."

She shook her head. "It's the least that I can do. Tutal ikaw ang nagdala ng pagkain," sabi niya.

"Okay. Thank you," nakangiting sabi nito.

Tahimik silang kumain.

Si Kurt ang unang natapos. "Now we can talk," sabi nito nang mapansing tapos na rin siyang kumain.

Iniwas niya ang tingin sa binata. Bumalik na naman ang kaba sa dibdib niya. Biglang bumilis ang tibok ng puso niya.

"Nag-usap kami ni Ulysses Serna noong isang linggo. "

Marahas ang ginawang paglingon ni Barbie. "Magkaibigan kayo?"

"No. Magkakilala lang kami."

Umarko ang dalawang kilay ni Barbie. "Paano kayo nakapag-usap?"

"Tinulungan ako ni Enrico para makausap ko siya."

Please  Be  Careful  With  My  Heart(Saint  Matthew  University 2)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon