"HINDI MO kailangang gawin ito, Kurt," sabi niya nang naglalakad na sila. Mahigpit ang hawak nito sa kamay niya. Animo'y natatakot na iwanan niya ito kapag binitawan ang kamay niya.
Kinakabahan siyang hindi niya mawari. Sa higpit ng hawak nito ay pinanlalamigan ang kamay niya. Pakiwari niya ay maninigas ang mga daliri niya nang wala sa oras. Ngayon lang siya hinawakan nang ganito kahigpit ng isang lalaki. Sabagay ngayon pa lang naman siya nakipaglapit sa isang lalaki.
"Bakit naman hindi? Nanghihinayang ka ba at hindi si Enrico ang kasama mo ngayon?" May himig pagtatampo sa tinig nito.
"H-hindi naman sa gano'n kaya lang..... . n-nakahihiya sa iyo. Hindi ka sanay maglakad," kinakabahang sabi niya. Mabuti na lang pala at gabi na. Iilang tao na lang ang kasama nilang naglalakad. Kung nagkataong may pasok pa at naglalakad sila ni Kurt ay baka pinagkaguluhan sila ng mga estudyante. Sino ba naman kasi ang hindi magtataka sa kanila ni Kurt? Isang sikat na basketball player na tulad nito ay papatol sa isang hamak na estudyanteng kagaya niya. Kung may tsismosa pa sa mga miyembro ng Rondalla baka maging headline kinabukasan ang tungkol sa kanila ni Kurt. Napaungol siya sa kaisipang iyon.
"Wala namang problema sa akin. Kasi kung wala naman akong kotse, natural maglalakad din ako tulad ng ginagawa ng maraming estudyante dito sa SMU. Bakit ayaw mo ba akong kasama?" muli'y tanong nito.
"Wala naman akong sinabing gano'n. Nakakahiya lang talaga sa iyo." Hindi kasi siya makapaniwalang gugustuhin nitong maglakad para lang makasama siya. Gano'n ba siya kahalaga para kay Kurt? Anong nakita nito sa kanya? Ganoon din kaya ang treatment na ibinibigay nito sa ibang babae?
"Hindi ako nagrereklamo. Ang totoo nga niyan ay masaya ako ngayon kasi kasama kita." Nakangiting tumingin pa ito sa kanya.
Pakiramdam niya ay biglang uminit ang pisngi niya. Marahil ay namumula ang pagmumukha niya. Ang kanina pang mabilis na pagtibok ng puso niya ay lalo pang bumilis ngayon.
Wala siyang masabi sa sobrang kaba. Parang hindi siya makapaniwalang ang isa sa mga pinakaguwapong lalaki sa SMU ay ka-holding hands niya ngayong gabi. Ang tamis pa ng ngiti nito sa kanya. Hindi niya tuloy malaman kung dapat ba siyang matuwa sa mga nangyayari o dapat siyang kabahan. Seryoso kaya si Kurt sa mga sinasabi nito?
"Hayun na pala sila. Kanina pa sila siguro nandiyan," putol ni Kurt sa pagmumuni-muni niya.
"Sinong tinutukoy mo?" naguguluhang tanong niya.
"Iyong mga kaibigan ko, nasa harapan na ng dorm ninyo," seryosong sabi nito. Ang mga mata nito ay nakatuon sa unahan.
Hindi kalayuan sa kinatatayuan nila ay napansin din niya ang kotse ni Kurt na nakaparada sa harap ng gate ng Dorm 5. Nakatayo naman sa tabi nito si Enrico at ang isa pang kaibigan ni Kurt.
Gaano na kaya katagal naghihintay ang mga ito doon?
"Sa wakas, nakarating na rin kayo. Salamat naman at makakauwi na rin tayo," ang nakangiting bungad ng kasama ni Enrico nang makalapit sila dito.
Nakaramdam siya ng hiya sa sinabi nito.
"Pasensiya na, ha? Pati kayo naabala dahil sa akin." Nahihiyang sabi niya.
"Huwag mo na lang silang pansinin. Sanay namang umuwi ng gabi ang mga iyan," sabad ni Kurt.
Nilingon niya si Kurt. "Kahit na nakakahiya pa rin sa inyo. Mas malayo pa ang uuwian ninyo kaysa sa akin. Lalo na ikaw, sa labas ka pa yata ng SMU umuuwi."
"Okay lang iyon. May sasakyan naman. Kaya huwag mo kaming alalahanin. Sige na, pumasok ka na sa loob. Baka pagalitan ka na niyan," pagtataboy ni Kurt sa kanya. Iniabot nito ang bandurria niya.
BINABASA MO ANG
Please Be Careful With My Heart(Saint Matthew University 2)
RomanceAno kaya ang mangyayari kung ang isang babaeng pinagbabawalang makipag-boyfriend ay liligawan ng pinakasikat na basketball player ng SMU? Bukod sa sikat na ang lalaki ay guwapo pa at hinahabol ng halos lahat ng kab...