Naranasan mo na ba ang magmahal? Ako kasi hindi pa, pero ang matalik kong kaibigan, oo!Naranasan mo naman ba ang sobrang ma-inlove? Ako, hindi pa! As in never pa! Pero ang best friend ko, naku po! Ibang klase kong ma-inlove siya.
Sinong mag-aakalang sa edad na labindalawang taong gulang ay tatamaan ng pana ni Kupido si Winnie o Winirife Salome sa totoong buhay. Siya lang naman ang nag-iisa at namumukod-tangi kong matalik na kaibigan mula nang ako ay ipinanganak.
Magkababata kami.
Magkapitbahay pa.
Matalino siya sa lahat ng asignatura namin lalong-lalo na sa matematika. Siyempre, hindi rin naman ako patatalo. Sa Ingles ako magaling. Maiba tayo, si Winnie, bukod sa magaling ay biniyayaan ng pagka-weirdo. Suot niya lagi ang malaking eyeglasses niya, bag niyang gawa sa yantok, at kung magsuot ng uniporme ay lagpas hanggang tuhod. Kulang na lang balutin niya ang buong katawan niya ng malong.
Ngunit, subalit, datapwat... lampa siya pagdating sa pag-ibig. O 'yong tinatawag nilang 'Puppy Love'. Pero iba talaga ang tama sa kanya ng pag-ibig. Sigurado akong hindi lang basta paghanga ang naramdaman niya sa isang lalaki. At siya ay walang iba kung hindi ang kapitbahay din naman slash kamag-aral na si Carpio o Policarpio Tulisan sa totoong buhay.
Moreno. Malakas ang hatak sa mga babae. Isang ngiti niya lang, makalaglag-panga na. 'Yong ibang tumitili sa kanya sa paaralan halatang-halatang malapit ng mahulog ang bra at panty nila. Natatawa na lang ako kapag naaalala ko iyon.
Ang bahay ni Carpio ay nasa gitna ng mga bahay namin ni Winnie. Kaya araw-araw ay nakikita kong sumisilip-silip si Winnie sa bakuran ng mga Tulisan. Kaya alam na alam ko talaga ang mga nangyayari.
Hindi kaila kay Carpio na lampa talaga si Winnie. At hindi rin lingid sa kanyang kaalaman na may pagtingin sa kanya si Winnie. Araw-araw kasi siyang dinadalhan ng pagkain sa bahay nila kahit wala namang okasyon. Espesyal daw kasi si Carpio sa puso ni Winnie. Tahasang sinasabi iyon ni Winnie sa kanya. Walang break, walang preno kung magsiwalat ng kanyang damdamin ang babaeng iyon.
Sa paaralan naman, may esktrang baon talaga si Winnie at personal niya itong iniaabot kay Carpio sa mismong classroom nila. Siyempre, kasama ako roon sa tuwing ihahatid niya ang pagkain kasi baka madapa na naman daw siya at masayang lang ang pinaghirapan niyang ginawang pagkain.
Sa araw-araw na gawaing iyon ni Winnie, hindi maiiwasang kainggitan siya ng kanyang kaklase at ng ibang section sa paaralan namin. At ang malala pa, nakipagsuntukan pa ito sa babae ha? Ang daldal din naman kasi ng bungangerang palakang estudyanteng iyon kaya nakahanap siya ng katapat.
"Excuse me, Inday! Hindi mo ba alam na akin lang si Policarpio"? sabi ng bungangera.
"At ano naman ang pakialam ko sa iyo, matabang pangit?" Singhal sa kanya ni Winnie.
"Hoy! hindi mo yata kilala ang kausap mo?" Sigaw naman ni bungangera. Pero hindi na siya pinansin ni Winnie. Tinalikuran na lamang niya ito. Ilang hakbang pa lamang ang nagagawa ng matalik kong kaibigan nang mahablot siya sa buhok. Sa halip na um-aray, binalingan niya ang bungangera at sinabunutan din ito.
Agaw-eksena silang dalawa. Hindi nagpatalo. Walang gustong tumigil. Nagpagulong-gulong pa sila sa damuhan. Sampal dito, sampal roon. Sabunot dito, sabunutan doon. Hindi ko sila maawat. Pakiramdam ko buhok ko ang nalalagas sa awayan nilang iyon. Mabuti na lamang at dumating si Carpio at inawat silang dalawa.
"Ako na naman ba ang pinag-aawayan ninyo? Dabiana, puwede ba pabayaan mo na lang si Winnie? Wala naman siyang ginagawang masama sa iyo 'di ba?" wika ni Carpio na pumagitna sa kanila.
