Narito ako ngayon sa ikalawang palapag ng simbahan. Tahimik akong nagmamasid sa kasal na nagaganap sa ibaba.
Nakita ko ang pagpasok ng sikat ng araw mula sa malaking pintuan, hudyat na nagsimula na ring pumasok si Cristine. Gaya ng aking inaasahan, suot niya ang kanyang napakagandang trahe de boda.
Nagmula sa parehong angkan ng mayayaman ang dalawang mag-iisang dibdib. Kaya hindi na rin kataka-taka kung bakit napakagarbo ng kasal nila.
Nasasaksihan ko na ngayon ang unti-unting paglalakad ni Cristine.
Bawat hakbang niya ay parang karayom na tumutusok sa katawan ko.
Bawat ngiting pinakakawalan niya ay lumulusaw aking puso.
Bawat patak ng luha niyang puno ng saya ay ang unti-unting pumapatay sa kin.
Masakit para sa akin, ang makitang masaya ang isang tulad niya.
Ang mga taong katulad niya, ang nagbibigay kahinaan sa akin.
Hindi sila dapat maging masaya.
Hindi sila pwedeng sumaya.
Nararapat lang na magdusa sila kasama ko.
Pero mula sa kung saan, ilang pamilyar na enerhiya ang naramdaman ko. Sa kabila ng mga ngiting ipinapakita niya, matinding kaba, takot at pag-aalinlangan ang nagkukubli sa puso niya.
Hindi siya totoong masaya.
Nagpapanggap lang siya.
Mabuti naman kung ganoon.
May pag-asa pa ako.
Maaari ko pa siyang makuha.
Isang pilyang ngiti ang pinakawalan ko bago ko sinimulan ang tunay na pakay ko rito.
Nasa kalagitnaan na siya ng altar, nang bigla siyang mapahinto at humagulhol sa pag-iyak.
Sa mga oras na ito, hindi na iyon luha ng kasiyahan.
Luha na iyon ng pighati.
Mas lalo tuloy akong napangiti.
"Sige lang, umiyak ka pa. Alalahanin mo ang lahat ng sakit na naranasan mo. Alalahanin mo kung paano ka niya dati ipinagpalit sa ibang babae. Bawiian mo siya. Iparamdam mo sa kanya ang lahat ng ipinaramdam niya sa'yo noon. Tumakbo ka na palayo," bulong ko sa kanya niya gamit ang isip ko.
Meron akong kakayahan na makapasok sa konsensya niya. Sigurado ako ngayon, nabibingi na siya sa mga ibinulong ko. Mamaya lang, susundin na rin niya ang payo ko.
Unti-unti ng nagkakaroon ng komosyon dito. Halos lahat ng bisita ay nagbubulungan na.
Rinig na rinig ko ang pinag-uusapan nila, nag-aalala sila na baka bigla na lang tumakbo palabas si Cristine.
"Masakit 'di ba? Hanggang ngayon, damang-dama mo pa rin ang hapdi ng kahapon? Minsan ka na niyang niloko noon. Gugustuhin mo bang magpaloko ulit?" patuloy na pangongonsensya ko.
Tinakpan na niya ang dalawang tenga niya at wari'y pinipigilan niyang marinig ang mga sinasabi ko.
Dahil doon, bigla akong nainis.
Hindi niya ako pwedeng baliwalain.
Dapat niya akong sundin!
"Tumakbo ka na palayo! Iwanan mo na siya! Hindi ka niya totoong mahal! Ipagpapalit ka lang ulit niya!" halos sigaw ko na sa isipan niya.
