Pumikit ako habang dinadama ang sariling kalungkutan. Pinakikinggan ang sinasabi ng aking damdamin, at ang isinisigaw nitong pangalan. Ang mainit na likido mula sa aking mga mata ang nagpapatunay na ako'y buhay. Ngunit unti-unti nang bumibigay.
"Bakit nga ba hindi kami puwede?" ang lagi kong tanong sa aking sarili.
Ba't parang inilagay lang siya sa aking harapan upang sabihing,"ayan nga pala ang babaeng mamahalin mo. Kaso hanggang magkaibigan lang kayo."
Muli ay napatingin ako sa mga tao. Sa kadiliman kung saan may karamay ako. Sa pusong nagdadalamhati dahil sa salitang 'pag-ibig'.
"Bakit biglang pinagpalit?" pagkanta ko. Kitang kita ko kung paano mamula ang mga mata nila, kasabay ang mga ngiting ipinakita niya bago pa niya 'ko iwan.
"Pagsasamaha'y tila nawaglit. Ang dating walang hanggan, nagkaroon ng katapusan."
Isang katapusang sana'y hindi na lang nangyari, dahil sobrang sakit, sakit na tila dinudurog ang puso mo hanggang sa wala nang matira sa'yo.
"Gusto mong sabay tayong sumali?" untag ng isang binibini na nakilala ko rito sa maliit na planetang ito na siyang tinatawag na J6612. Kada tao'y may roong pagsusulit na ginaganap dito. Kung saan ang mga may kapangyarihan lang ang puwedeng makilahok. Hindi ko nga maintindihan kung paano ako nakarating dito, e 'di hamak na isa lamang akong mortal.
"Hindi ko alam e," tugon ko habang kumakamot sa aking ulo.
"Ah basta sasali ka! Para may partner ako," saad nito saka hinawakan ang aking kamay at tumakbo. Dinala niya ako sa kung saan kami magpaparehistro.
"Magkasama po kami!" masigla niyang sabi sa nagsusulat habang tinataas ang magkahawak naming kamay.
Naiiling na lamang ang kausap niya at may ibinigay sa aming sasagutan.
"Wala namang nakasulat," nagugulumihanan kong saad. Nakatitig lamang ako sa manipis at blangkong bagay sa aking harapan. Nag-aantay sa kaniyang sagot ngunit ilang segundo na'y hindi pa rin siya nagsasalita.
Nilingon ko siya't nakita ko ang pagbukas ng kaniyang bibig. May lumalandas na apoy mula roon.
"Masusunog 'yan!" sigaw ko pero hindi niya inintindi. Natahimik na lang ako nang makita ang thumb mark niyang kulay pula.
"Ikaw naman," pagkakausap niya sa akin.
"H-ha? Wala akong kapangyarihan-" hindi ako natapos sa aking sasabihin dahil bigla niyang hinawakan ang aking labi at pinanganga ako. Itinapat niya ito sa papel at may tumulo roong laway. Kita ko ang kulay asul kong thumb mark.
"Oh, ayan na pala e!" saad niya't hinawakang muli ang aking kamay. Naglakad kami papunta sa pintuan upang sumali sa kompetisyon.
"Tubig pala ang kapangyarihan mo? Ibig sabihin ay dapat lagi akong lumayo sa 'yo," natatawa niyang sabi nang makasalang kami sa elevator.
"Hindi naman-"
"Nagloloko lang," pagpuputol niya sa aking sinasabi.
"Nangloloko ang tamang salita roon," tugon ko.
"Naloloko," pag-uulit niya.
Hindi na lang ako sumagot, marahil ay hindi niya rin naman maiintindihan ang aking sasabihin.
"Pasensiya ka na kung bulol ako nang kaunti. May iba kasing mga salita rito na iba sa planeta ninyo. Dahil dito lagi nagpupunta ang mga dayo, nahahaluan ang aming mga pananalita. Kung kaya't hinahayaan na lamang kaming ganito," malungkot niyang sabi.
