Entry 16: Hiram

39 0 0
                                    



Hindi maitago ni Alisa ang kilig na nadarama sa tuwing masusulyapan ang binatang matagal nang hinahangaan. Kung minsan, palihim niya itong sinusundan makita lamang ang maamo nitong mukha.

Kakaiba ang sayang naidudulot nito sa kanya, tila ba ito ang kumukumpleto sa kanyang araw. Pakiramdam niya, naglalaho ang mga hinanakit sa oras na madama ang presensya nito.

Noong una pa lang niya itong makita, iba na ang tibok ng kanyang puso. Nagawa niya itong mahalin sa ilang minuto lamang ng pagtatagpo nila noon. Mabait, at walang pinipiling kausap si Romeo, masipag at matiyaga rin ito sa pag-aaral, kaya gano'n na lamang ang pag-hanga ng dalaga rito.

"Ayos ka lang?" Isang mahinahong boses ng lalaki ang kanyang narinig. Mula sa kinalalagyan ng binata na tinatanaw kanina, hindi niya namalayang nakalapit na pala ito. Masyado siyang binalot ng pag-iilusyon, kaya pati ang sariling katinuan ay sandali niyang naiwan sa reyalidad.

"R-romeo!" Bahagyang nagulat si Alisa, ang magkabilang pisngi nito'y nagsimula na sa pamumula.

"Paumanhin. Nagulat ba kita?" mangiti-ngiting wika ni Romeo.

"K-kaunti." Halos sumabog na ang kanyang dibdib, magkahalong kaba at saya ang naghahari sa buo niyang pagkatao.

"Ba't ba parang 'di mo 'ko nakita? Hindi naman ako sa likod nanggaling," mapag-usisang tanong ng binata.

"Kasi..."

"Pero bago ang lahat, binabati kita, ikaw pala ang pinakamataas sa unang markahan." Nagawa pang himasin ni Romeo ang ulo ni Alisa. Tila nakuryente ito, kasabay ang mga butil ng pawis na pumapatak mula sa iba't-ibang bahagi ng kanyang katawan.

"Ah, s-salamat." Ginawaran niya ito ng isang pilit na ngiti.

"Sige Alisa, uuwi na ako."

Naglakad palayo ang lalaki, naiwang nakatayo si Alisa sa harap ng kanilang paaralan. Ang kanyang puso ay nagdidiwang sa mga nangyari, hindi naman makapaniwala ang isip nito.

Halos magtatatalon pa ito sa tuwa. Para sa kanya, isang biyaya ang araw na ito.

Sa kabila ng kahibangan nito, minsan na niyang pinuna ang sarili. "Ganito na ba talaga ako kababaw?" Ngunit, mas tinatalo ito ng pagiging hangal. Batid niyang malabo siyang magustuhan ni Romeo. Hindi dahil sa kanyang ugali, mas lalong hindi dahil sa antas ng pamumuhay. Nasa maayos na kalagayan ang estado ng buhay nito, at kung pisikal ang pagbabasehan, isa siyang anghel na maituturing. Ngunit, ano nga ba ang pumipigil sa kanya? Alam niya ang sagot, subalit hindi nito kayang tanggapin.

Nawala sa mukha ng dalaga ang ngiting iginuhit ng panandaliang saya. Kapag naaalala niya ang pagtutol ng kapalaran ay hindi niya maiwasang masaktan.

"Mali ang ibigin siya," bulong niya.

Bakit nga ba mali? Ano ang totoong dahilan?

"Hindi kami pareho, siguradong lalayuan niya ako sa oras na malaman niya kung sino ako."

Hindi ordinaryong nilalang si Alisa, maraming bagay ang kaya nitong gawin na hindi nagagawa ng pangkaraniwang tao. Isa siyang Salamangkera. Taglay niya ang mahika na minana pa sa kanyang mga magulang na yumao. Maituturing na rin siyang imortal, ang kapangyarihan na mayro'n ito, ay ang tanging nagpapatagal ng buhay niya. Ilan daang taon na siyang namamalagi sa mundo. Nag-iisa siyang anak, ang pamilya naman nila ay nakahanay sa mga matataas na alagad ng mahika. At ngayon, pilit niyang isinisiksik ang sarili sa sangkatauhan.

Natapos ang klase, umuwi ang dalaga na bagsak ang mga balikat.

Pumasok siya sa kanyang kuwarto, bumungad ang mga librong nakakalat sa sahig. Napakamot na lang ito sa ulo nang maalalang nakalimutan pala nitong iligpit kanina bago umalis.

Round 2Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon