Madaling-araw na ngunit gising pa rin si Zelin habang nirerebisa ang isang nobela sa apartment room niya. Isa kasi siyang copy editor sa isang sikat na publishing company, at kinakailangan niya nang tapusin ang pagrerebisa ng istoryang iyon dahil deadline na nito sa susunod na araw.
"Epilogo na lang. Matatapos k---"
Biglang tumunog ang cellphone niya at nang tingnan niya ito ay may unregistered number na tumatawag. Nagdalawang-isip pa siya kung sasagutin niya ito ngunit sa huli'y sinagot niya rin.
"Zelin..."
Natigilan siya nang marinig ang pamilyar na boses na 'yon. Para bang biglang bumilis ang tibok ng puso niya dahil dito.
"S-sino 'to?" utal na tanong ng dalaga.
"Si Isaac 'to," tugon ng binata sa kabilang linya. Napamura na lang si Zelin sa kanyang isipan nang makumpirmang ang dati niyang matalik na kaibigan iyon.
"K-kumusta ka na?" Pinilit ni Zelin na maging kaswal ang pag-uusap nila. Halos tatlong na taon na rin kasi ang lumipas simula noong maputol ang komunikasyon nila.
Magkaibigan na kasi sila simula noong kolehiyo at noon pa man ay may malalim nang pagtingin si Zelin dito. Hindi nga lang sila nagkatuluyan dahil prioridad pa noon ni Zelin ang kanyang pag-aaral.
"Mabuti sana kung kasama kita. I miss you, Zel," tugon ng binata na ikinapula naman ng mukha ng dalaga.
"Zel, bakit parang wala ka na naman sa sarili mo?" tanong ng kaibigan at katrababo ni Zelin na si Amber habang papasok sila sa kanilang opisina. Ilang araw na ang lumipas ngunit sariwa pa rin kay Zelin ang nangyaring pagtawag sa kanya ni Isaac. Totoo ngang sa ilang taong lumipas ay mahal niya pa rin ang binata at iba pa rin ang epekto nito sa kanya.
"Tinawagan ako ni Isaac noong nakaraan," tugon ni Zelin sa kaibigan. Si Isaac lamang ang lalaking kinababaliwan ni Zelin at alam iyon ni Amber. Ito kasi ang sumubaybay sa pag-iibigan ng dalawa noong nasa kolehiyo pa sila.
"Woah! Talaga, Zel? Kayo na ba?" tili ni Amber dito sabay hawak sa braso nito.
"Hindi ah! Ang bilis naman kung kami na agad!" sagot ni Zelin.
"Naku! Diyan din naman pupunta 'yon. Sabi sa 'yo e, may totoong pag-ibig at kay Isaac mo 'yon mahahanap," saad ni Amber.
"Sana nga," nakangiting tugon ni Zelin.
Nang makapasok na si Zelin sa kanilang opisina ay bumungad sa kanya ang tatlong Chocomani na nakapatong sa mesa niya kasama ang isang sulat.
Hi, Zel. Naaalala mo pa ang pagkaing 'to?
- Isaac
Napangiti na lang si Zelin nang mabasa niya ang sulat nito. Ito kasi ang pagkaing naging dahilan upang magkaaminan sila ng damdamin. Adik kasi si Zelin dito at sinuhulan lang siya ni Isaac ng ilang balot nito para aminin kung sino ang crush nito at 'yon ay si Isaac.
"Baliw ka talaga, Isaac," kumento ni Zelin habang nangingiti.
Nagpatuloy ang panunuyo ni Isaac kay Zelin. Minsan ay dumadalaw si Isaac sa opisina nito dala ang ilang bulaklak kasama ang paborito nitong Chocomani. Si Isaac din ang palaging naghahatid kay Zelin pauwi sa apartment nito upang masiguro lamang na makararating ito sa kanila ng ligtas. Madalas niya ring tawagan ang dalaga tuwing madaling araw upang haranahin.
Ngayon ay napagdesisyunan nilang magkaroon ng isang dinner date sa paborito nilang lugar sa dati nilang unibersidad sa rooftop ng Humanities Building. Sa unibersidad ding ito nagtatrabaho si Isaac bilang isang guro.
