Pangiti-ngiting pinagmamasdan ni Ren ang hawak na maliit na lalagyang nakasabit sa kaniyang leeg. 'Di niya alintana ang mga nakakasalubong at dire-diretso lang sa paglalakad ngunit wala ni isa man dito ang nagsasalita hinggil sa pagbangga niya.
"Nangangalahati na at malapit nang mapuno, kaunting-kaunti na lang." Tila nakaguhit sa kaniyang mga labi ang ngiti ng isang nalalapit na tagumpay habang kinakausap ang sarili.
Natigil ang paghakbang niya sa harap ng isang pintuan. 'Di na niya kinailangan ang pagkatok dito upang makapasok sapagkat walang kahirap-hirap siyang tumagos sa tablang nakaharang at napunta agad sa loob ng kwarto.
Tumambad sa harapan niya ang isang batang nakapikit at yakap-yakap ang mahaba at malambot nitong unan. Mapapansin sa mukha nito ang mahimbing na pagkakatulog. Nilapitan niya ito at umupo sa may bandang dulo ng higaan. Dahan-dahan naman niyang tinanggal ang takip ng maliit na sisidlan na kanina pa hawak at sinimulan ang pag-ihip sa kulay bahagharing usok na lumalabas dito.
Papasukin na naman niya ang mundong pinamamahayan ng mga mortal sa tuwing iniiwan nito ang reyalidad pansamantala. Bilang isang tagalikom ng panaginip, pinapasok niya ito at tahimik na nagmamasid sa mga nangyayari rito.
Mula sa kinatatayuan, tanaw niya ang batang patakbo-takbo sa malapad at luntiang damuhan. Hinahabol nito ang nagliliparang tutubi at pilit na inaabot ng mga maiikli nitong kamay. Kahit nadadapa, makikita sa bawat pagtayo nito ang determinasyon na makahuli ng kahit isa man lang sa mga ito.
"Nakakabagot namang panoorin ang panaginip ng batang 'to," pagrereklamo niya habang nakaupo sa ilalim ng puno.
Habang nagmamasid sa batang naglalaro, 'di niya maiwasan ang paghikab nang paulit-ulit. Hanggang dumating sa puntong 'di na niya kinayang labanan pa ang antok at tuluyan nang makatulog sa lilim ng puno.
Napamulat ang mga mata niya dahil sa tunog na nagmumula sa kaniyang kaliwang bulsa. Papikit-pikit pa niyang kinakapa ang pantalon upang kunin ang bagay na tumutunog dito.
"Lagot! Isang minuto na lang, kailangan ko nang makaalis dito," bulyaw niya sa sarili nang makita ang nakalagay na numero bago tuluyang nilisan ang panaginip na iyon.
Alam niyang 'di pwedeng manatili sa isang panaginip na lampas sa oras na itinakda. Makukulong siya sa loob nito at kahit kailan ay 'di na muling makakabalik pa. Mananatili siyang isang panaginip at kapag natapos na ito, maglalaho na rin siya.
"Muntikan na 'yon, a!" Sapo niya ang noo habang hinahanda na ang katawan sa paghiga sa higaang nasa tapat lang.
Sa sahig sana ang bagsak niya kung 'di niya nagawang iapak at ibalanse ang dalawang paa. Mabuti na lang at nagawa niyang mapansin agad ang paglipat ng katawan niya sa ibang lugar at awtomatikong 'di tinuloy ang tuluyang paghiga.
Lumitaw sa harapan niya ang isang babaeng mapaghahalataang medyo may edad na dahil sa taglay na puting buhok nito. Maliban dito, nakasuot din ito ng puting pantaas at pambaba. Idagdag pa sa gayak nito ang suot na puting sapatos.
"Paalala sayo, iho. Nilabag mo ang isang batas. Bawal mo ialis ang tingin sa kung anuman ang nagaganap sa isang panaginip," bigkas ng babae habang papalapit sa kinatatayuan niya.
Walang imik na nakatayo lang si Ren habang nasa likuran ang dalawang kamay, tila isang sundalo sa harapan ng kaniyang kumander. Halatang kilala niya ang babae at alam niyang isa ito sa nakakataas ng mga tagalikom base sa mga ikinilos nito.
"Pasensiya na po, Madam." Diretsong tiningnan niya sa mga mata ang babae.
"At tandaan mo, bawal ka makialam dito. 'Di ka dapat maging parte ng isang panaginip sapagkat magiging katulad ka nito, maglalaho pagkatapos ng lahat ng mga eksena rito," paalala ng babae sa tapat niya.
