"Nakita mo ba si Francis?"
Limang salita, walong silaba, labing siyam na letra. Isang tanong na memoryado na ni Lesthie sa halos isang buwang paghahanap niya sa kanyang kasintahan. Oo, isang buwan! Binubuo ng apat na linggo, tatlumpung araw, pitong daan at dalawampu oras. Gano'n na katagal simula no'ng huli silang magkita. Iyong mga huling panahon na wala pa silang kasing saya. Parang kailan lang noong silang magkakilala. Pareho sila noong nasa unang taon sa Colegio de Amaro.
Nagmamadaling tinalunton ni Lesthie ang daan papunta sa kanyang classroom. Kung bakit ba naman kasi sa dinami-dami ng panahong napasarap ang tulog niya ay ngayon pa siya na-late. At kung mamalasin ka nga naman may malaking signage pang nakalagay sa pasilyo. 'No running on the hallway', anang signage. Wala tuloy siyang ibang mapagpilian kundi ang madaliin na lamang ang bawat hakbang. At talagang kung ang araw ay mag-uumpisa sa kamalasan ay buong araw kang mamalasin. Hindi pa man siya niya naihahakbang ang isang paa papasok ay may humahangos na papasok at itinulak pa talaga siya. Isang malutong na mura tuloy ang umalpas mula sa kanyang lalamunan. Pero agad ding napalis ang ngitngit niya ng makita kung sino ang tumulak sa kanya.
"Sorry! Sorry talaga." Anang binatang pilit siyang tinutulungan para makatayo sabay pagpag sa nadumihan niyang damit.
"Ayos lang ako." Aniya sa mababang boses.
"Francis. Francis, ang pangalan ko." Nakangiting inilahad nito ang isang kamay.
"Lesthie." Kahit nahihiya ay nagawa niyang tanggapin ang kamay nito.
Naging umpisa iyon ng kanilang pagiging magkaibigan na sa nauwi sa wagas na pagmamahalan.
"Ate, may info na daw ang mga pulis kung nasaan si Kuya."
Naputol ang pagbabalik tanaw niya dahil sa narinig. Kasama ang nakababatang kapatid na si Abby ay agad silang nagpunta sa istasyon ng mga pulis.
"May nakita daw pong bangkay ng lalaki sa isang lumang bodega sa bayan. Kailangan po kayo doon para kumpirmahing siya nga ang nawawala ninyong kasintahan." Salaysay ng naabutan nilang pulis.
Wala silang inaksayang oras. Agad silang pumunta sa lugar. Medyo malayo rin ang bayan kaya hindi niya namalayang nakaidlip pala siya. Sinamantala naman iyon ng alaala para magmistulang tubig na dumaloy pabalik sa kanya.
Ang malakas na tunog ng kanyang cellphone ang nagpagising kay Lesthie. Nang sulyapan niya ang orasan ay nadiskubre niyang halos kakasapit pa lamang pala ng alas dose. Napaungol siya sa sobrang inis sa tumawag. Nadisturbo kasi nito ang tulog niya. Akmang babalik ulit siya sa pagtulog ng muling mag-ingay ang cellphone niya. Sa pagkakataong iyon ay napilitan na siyang sagutin ang tawag.
"Happy anniversary, mahal!" Kakatapat pa lamang niya sa cellphone sa kanyang tainga ay iyon agad ang bumungad sa kanya.
"Francis?" Halos paos pa ang boses niya nang magsalita.
"Nakalimutan mo ba?" Kababakasan ng tampo ang boses nito ng muling magsalita.
"Hindi naman sa gano'n, pero masyado pa kasing maaga. Pwede bang bukas nalang natin pag-usapan?"
Hindi umimik ang nasa kabilang linya. Pero nang marinig niyang pinatay na nito ang tawag ay muli na rin siyang bumalik sa pagtulog. Babawi na lamang siya kinabukasan. Ang hindi niya alam ay iyon na pala ang huli nilang pag-uusap. Dahil sa muli niyang paggising noon ay hindi niya na nakita pa ang kasintahan.
"Ate, nandito na tayo."
Ang bahagyang pagyugyog ni Abby sa balikat niya ang nagpagising sa kanya. At nagpabalik sa kanya sa kasalukuyan.
Marami ng tao sa lumang bodega nang makarating sila. Kailangan pa nilang sabihin sa isa sa mga pulis kung sino sila para makadaan ng maayos sa kumpulan. Hindi pa man nila nakikita ang bangkay ay umugong na ang bulungan. Kesyo kawawa naman daw siya, tiyak ikakabaliw niya daw pag nakita ang binata. Bakit ano bang nangyari sa boyfriend niya? Nang sa wakas ay nakita niya na ang body bag na pinaglagyan ng bangkay ay nanginginig na yumukod siya para buksan iyon. Napatakip siya sa ilong gano'n din ang iba pang mga nandoon dahil sa pag-alingasaw ng masangsang na amoy. Una niyang nakita ang isang kamay na sinundan ng isa pa. Pagkatapos ay ang ulo. Napaatras siya sa nakita. Umiling siya at nanginginig na nagsalita.
"Hindi si Francis 'yan!" Sigaw niya bago tumakbo palayo.
Tumakbo siya nang tumakbo palayo sa karamihan. Nang mapagod ay umupo siya sa nakitang malaking tipak ng bato. Inalala niya ang nakita. Pira-pirasong katawan ang nakalagay sa body bag. Nakakapanginig ng kalamnan. Pero siguradong-sigurado siyang hindi si Francis ang bangkay. Sumigaw siya ng malakas. Ilang beses na bang nagkamali ng info? Ilang beses na bang pumalpak ang pulisya sa loob ng isang buwan? Ayaw niyang isiping patay na ang kasintahan, pero iyon ang pilit na isinisiksik ng mga ito sa kanyang utak. Naiinis na napasabunot siya sa sariling buhok. Sa susunod na ipilit pa ng mga pulis na 'yon na patay na si Francis ay makakatikim na ang mga ito sa kanya.
"Ate, halika na umuwi na tayo." Maya-maya ay niyaya na siya ni Abby na nakasunod pala ng 'di niya namamalayan.
Walang imik na tumayo siya at sumunod sa kapatid. Nakasunod lang siya hanggang pumara ito ng masasakyan para ihatid siya pauwi.
Malayo palang sila sa bahay na inuukupa niya ay napansin na nila ang nagkakagulong mga tao. Nang makarating sila sa tapat ng kanyang bahay ay agad siyang bumaba para mag-usisa kung ano ang nangyayari.
"Makikiraan po." Aniya sabay singit sa mga nag-uumpukang kapitbahay.
Nang marating niya ang unahan ay napaatras siya nang makita ang dahilan ng pagkakagulo ng mga ito. Halos maduwal siya nang makita ang mga uod na sumakop na sa nabubulok na laman na tangay-tangay ng aso niyang si Logan. Pero kahit na ganon ay makikitang isang kamay ang dala nito. Kamay ng isang tao! Napalunok siya ng dumako ang mata niya sa palasingsingan nito. Ang engagement ring ni Francis nakasuot sa daliri putol na kamay! Mabilis niyang binugaw ang aso at kahit na halos magkandaduwal na siya sa nakakasulasok na amoy ay inilapit niya ang mukha.
"Francis!" Mahinang sambit niya.
Maya-maya pa ay dumating naman ang mga pulis na pinatawag pala ng mga kapitbahay niya. Agad na sinuri ng mga ito ang piraso ng laman. Dinala rin siya ng mga ito para sa ilang katanungan. Lutang na lutang siya habang nasa sasakyan. Ni hindi niya na napapansing hindi sa istasyon ng pulisya ang punta nila. Nalaman niya lamang iyon ng halos pababain siya ng mga ito sapilitan sa sasakyan.
"Anong gagawin niyo sa akin?" Nahintakutan niyang tanong.
Hindi siya sinagot ng mga ito bagkus ay nginisihan siya ng isang pulis bago piniringan. Maghihisterikal pa sana siya, pero tinakpan nito ng panyo ang kanyang ilong. Pinilit niyang 'wag malanghap ang kemikal na alam niyang nilagay ng mga ito sa panyo, pero hindi siya nagtagumpay. Namalayan niya na lang na unti-unti na siyang nanghihina hanggang sa tuluyan na siyang nabuway.
Muli siyang nagising dahil sa mahihinang pagtapik na naramdaman niya sa kanyang pisngi. Iminulat niya ang mga mata at nabulag siya sa pagbaha ng kadiliman. Kinapa niya ang mata ngunit wala na ang piring doon. Ibig sabihin ay talagang madilim lamang sa kanyang kinaroroonan.
"Nasaan ako? Saan niya ba 'ko dinala? Anong ginawa niyo sa akin?" Sunod-sunod na tanong niya na tanging katahimikan lamang ang sumagot.
Nagsisimula na siyang kilabutan sa lugar na kinaroroonan niya nang biglang pumainlang ang theme song nila ni Francis. Naalala niya tuloy bigla ang kasintahan. Lalo na ang masasayang araw nilang magkasama. Nag-umpisa na siyang umiyak nang bigla namang bumuha ang ilaw sa buong paligid. Parang ibig umagos pabalik ng mga luha niya sa nasilayan. Napanganga siya! Ang daming tao! Iginala niya ang paningin sa paligid. Sa pulang carpet, sa mga bulaklak, sa mga bisita. Mga kaibigan, kamag-anak, kakilala. Lahat nando'n. At higit sa lahat ay nando'n din ang matagal niya ng gustong makita. Si Francis!
"Anong nangyayari?" Hindi niya napigilang bulalas.
"Kasal mo ngayon, Ate." Nakangiting nilapitan siya ni Abby sabay lagay ng kanyang belo.
