Huling kabilugan ng buwan sa taong iyon nang iluwal ni Meireneia ang kaniyang malusog na supling--si Erena. Malakas ang salpukan ng mga alon na naririnig sa kuwebang iyon ng Hawan; ang natatanging lugar sa Siri na hindi nasisilayan ng buwan na nagsilbing kanilang kanlungan.
"Mahal ko, salamat sa biyayang ito na alay sa atin ng Tagalikha," titig na titig sa mag-inang ani Daxelle. Ngunit, natigilan ito nang mapagmasdan ang pagkakangiwi ng iniirog. "May masakit ba sa iyo?"
"Anong nangyari?" Usisa ni Babaylan Madeka nang marinig ang naaalarmang tinig ng lalaki. Hindi naman makapagsalita pa ang babae na humihilab na muli ang tiyan.
--
"Dahan-dahan," paalala ni Madeka kay Daxelle nang kargahin nito ang bunso, si Eirene, ang kakambal ni Erena.
Halos bukang-liwayway na noon ngunit masayang nagpapadyak ang dalawang sanggol. Magkamukhang-magkamukha sila maliban na lang sa kawalan ng pokus ng mga mata ni Erena. Bagay na kakatwa sapagkat sa gaya nilang mga Siren ay likas na mas madaling madebelop ang pandama't katawan nila kumpara sa mga tao.
Panay ngiti at tawa ni Eirene ang maririnig sa kuweba na noon ay nakikipaglaro sa ama.
Nang lumapit ang babaylan upang sana'y pahiran ng langis ng karunungan ang mga bata ay hindi sinasadyang magkasabay na nahawakan ni Madeka ang tig-isang paa ng mga bata at napatirik ang mga mata nito kasabay nang pagsasalita nang: "May sumpa ang mga tala. Ang dalawa'y magiging isa: oras na magtagpo ang alagad ng gabi at batang namulat sa kadiliman--delubyo'y mararanasan ng sangkatauhan."
Nahintakutan si Meireneia nang maunawaan ang propesiya. Ngunit hindi pa man siya nakapagsasalita'y may kung ano nang bumabayo sa selyong inilagay niya sa bunganga ng kuweba bilang proteksyon. Nagsisilbi rin itong harang upang hindi maramdaman ang presensiya ni Daxelle--na mula sa mundo ng mga tao.
"Madali, tumakas na tayo!" Alertong ani Madeka na kalong si Erena. 'Mahabaging Tagalikha, ano ang gagawin namin sa batang ito. . .?' Sa isip ng babae bago bumaling sa magkabiyak. "Ang propesiya. Hindi maaring lisanin ni Erena ang Hawan," pagpapatuloy ni Madeka.
Tila nagkaroon nang panibagong lakas ang kapapanganak lamang na Siren sa sinambit ng babaylan.
"Mahal ko, kailangan nating paghiwalayin ang mga bata." Bumukal ang luha sa maamong mukha niya. Hinaplos ang pisngi ni Erena at inalayan nang masuyong halik ang panganay. Ganoon din ang ginawa ni Daxelle. "Ikaw na ang bahala sa aming supling."
"Mahal na mahal ka namin, Erena, hanggang sa muli nating pagkikita," isang yapos pa bago bitawan ni Daxelle ang paslit. Kuyom ang mga palad sa kawalan nang magagawa para sa kaniyang mag-ina.
Walang salitang tinungo ni Madeka ang pinakasulok ng kuweba habang kumukumpas ang kamay at umuusal ng dasal na sinasabayan naman ni Meireneia. Ilang segundo ang nagdaan at ang babaylan at bata'y 'di na nila nasilayan.
--
Labing-siyam na taon ang dumaan at wala pa ring balita na kahit ano ang ngayon ay dalaga ng si Erena.
"Inang Madeka, hanggang kailan tayo mananatiling nakapiit sa kuwebang ito?"
"Hindi ito piitan, Erena," anito na hinahaplos ang maputlang pisngi ng alaga.
"Ngunit bakit ganoon? Ni minsan ay hindi mo ako pinahintulutang lumabas man lang?"
"May sumpa--"
"May sumpa ang mga tala," nayayamot na gagad sa matanda ng dalaga.
Natahimik ang babaylan at matiim na pinagmasdan ang batang inaruga sa loob nang mahabang panahon. "Sige, bukas ay papayagan kitang makasimoy ng hangin mula sa mundong pinagmulan mo."
