Entry 15: Lugar ng mga Wasak

37 0 1
                                    


Sa pag-indak niya kasabay ng tugtog, napangiti si Margarita ng mapait nang maalala ang sinapit ng kanyang puso. Sa bawat paghagod ng kanyang baywang sa hangin ay ang pagsabay ng kanyang rumaragasang luha.

Kasal lang naman ang hinihinging kasiguraduhan niya, ngunit bakit katapusan ang ibinigay sa kanya? Napaiyak siyang muli sa mga naisip ngunit walang hikbi ang kumawala sa kanyang lalamunan at tanging mapait na ngiti ang sumilay sa kanyang labi.

Tuloy lang ang dalaga sa pagsabay sa awitin na tila ba hangin sa pag-ugoy ng kanyang katawan. Kahit nararamdaman niya na ang paghaplos at pagdama ng mga kalalakihan sa kanyang katawan ay hindi ito pinigilan ng babae bagkus ay mas iginiling pa ang kanyang baywang at itinaas ang kanyang mga kamay na tila ba nagpaparaya sa mga ito. Ganoon na rin naman ang iniisip ng mga lalaking hayok sa laman na nakapaligid sa kanya.

"Margarita! Tama na 'yan. Halika na." kasabay ng pagtawag at pag-awat sa kanya ng kanyang kaibigang si Lheo ang paghila nito sa kanya palayo sa sayawan. Nakaipon ng samu't saring hiyawan at pag-angal ang ginawa ng lalaki na pag-alis sa babae mula sa kumpol ng mga ginoo at mga binatang pariwara at walang matinong landas na tatahakin. Pati na rin ang iba na katulad niya, na nandito upang burahin ng panandalian ang mga problema at tapalan pansamantala ang mga sugat at lapnos sa puso niya.

"Ano ba?! " Paasik na tanong ng dalaga na lulong pa rin sa sensasyon na dulot ng panandaliang paglaya mula sa mga suliraning hinaharap niya sa buhay at sakit na kanyang nararamdaman. Pumiksi siya sa mahigpit na pagkakahawak nito.

"Sarili mo ang dapat mong tanungin niyan, Margarita! Ano ba? Ano ba ang ginagawa mo sa buhay mo?" Nagtitimpi niyang tanong sa kanya. Na tila ba siya ang pinakamasamang tao sa buong mundo. Ngunit wala siyang karapatang husgahan ang kaibigan. Ang lugar na puno ng alak, ng mga pariwara na buhay, mga tugtuging umaalingawngaw sa buong kwarto at mga ilaw na nagsasayawan na tila ba nililibot ang bawat sulok ng madilim at mausok na lugar, ang lugar na lamang ito ang kanyang nasasandalan sa mga oras na ito.

Kaya't binigyan niya ng malutong at mainit-init pang sampal ang binata. Isang sampal na nagpapahiwatig ng sakit at galit. Isang sampal na nagsasabing wala siyang karapatang magtanong. Isang sampal na punong-puno ng hinanakit.

"Huwag kang magsalita na parang may pakialam ka pa! Iwan mo na lang ako, di'ba sawang-sawa ka na? Hindi ba, iniwan mo na ako? Bakit bumalik ka pa?" Sunod-sunod na tanong at sumbat ng dalaga. Naiiyak man ay pinigilan niya ang pagbuhos ng mga luha na akala niya ay naubos na kanina, 'yun pala'y hindi pa ito nangangalahati man lang.

"Pero kaibigan mo ako-" Naputol ang sasabihin ng binata ng binato siya ng dalaga ng mga masasakit na salita na nagsasabi lamang ng katotohanan. 'Truth hurts,' ika nga nila.

"Noon iyon. Noon, Lheo. Noon. Matagal na tayong hindi magkaibigan."

"Ganyan ka ba talaga, Margarita? Ganyan ba talaga ang naging kaibigan ko? Nasaan na ang mabait, maalaga, mapang-unawa at mapagmahal na Margarita? Ikaw ba talaga iyan? Ikaw ba talaga ang babaeng minahal ko?" Sunod-sunod na tanong ng lalaki nang hindi niya na mapigilan ang sarili niya sa malakas na emosyong bumabalot sa kanya. Ngunit hindi iyon pinagtuunan ng pansin ng dalaga, kundi ang salitang 'minahal'. Nagdaan na, tapos na. Hindi minamahal kundi mahal na lamang.

"Kung tungkol ito sa hindi ko pagsipot sa kasal natin, patawad. Sadyang hindi pa ako handa. Pero ngayon handa na ako." Kumislap ang kanyang mga mata ng dahil sa saya at hindi na sa luha.

"Handa na akong magpakasal kay Leonora." Patuloy nito na nagpakislap muli sa kanyang mga mata, dulot ng luhang walang tigil sa pagbuhos.

"At maging ama sa batang nasa sinapupunan niya." Sambit niyang muli bago ito iniwang hilam sa luha ang mukha.

"L-lheo! T-teka lang." Natatakpan man ng luha ang kanyang mga mata at hirap ng makakita ay sinubukan niya pa ring habulin ang binata.

"Tama na Margarita. Tama na." Nagmamakaawang sambit niya sa babaeng minsan sa tanang buhay niya ay kanyang minahal.

"Lheo. L-lheo, h-huwag m-mo na a-akong iwan. O-okay lang sa akin. T-tatanggapin ko a-ang bata. P-pakasalan mo l-lang a-ako," Garalgal na saad naman ng babaeng tinutulak pa rin pabalik ang kanyang

Napaupo siya sa malamig na sementadong kalsada. Ngunit hindi man lang nag-alok ng kamay ang binata sa kanya na lalong nagpahagulhol sa babae.

"Patawad Margarita, hindi na talaga kita mahal." Kasabay nito ang pagsakay ng binata sa magarang sasakyan at pinaharurot ito.

Siguro ganoon talaga ang buhay, naisip ng dalaga. Pinahiran ang basang mukha ng kanyang mga palad sabay tayo. Pinagpagan ang kanyang nadumihang baro at pinulot ang mga basag-basag at durog-durog na mga parte ng nagkawasak-wasak na puso sabay nilisan ang lugar kung saan siya huling nagpakatanga sa lalaking wala naman siyang halaga.

"Ano ba naman Marga yang sinusulat mo! Ginamit mo pa pangalan mo. Pero grabe yung babae ha. Nagmamaka-awa siya sa walang kuwentang lalaki na pakasalan siya. Ang tanga naman niya. " Sambit ng kaibigan ng dalaga.

"Oo, tanga nga siya. Ang kasal ay sagrado at nararapat lamang sa dalawang taong nagmamahalan. Mahal naman siya ng lalaki, bilang kaibigan nga lang. Kaso dahil na rin sa sobrang pagmamahal niya sa lalaki kaya nagawa niyang ibaba ang pagkatao niya para huwag lang siyang iwanan nito." Malaman na sagot ng dalaga.

"Asus! Namimiss mo nanaman ang irog mo 'no? Huwag ka ngang magdrama riyan, mabuti ka nga may kasintahan, ako nga hanggang ngayon binubuntis ng pagkain ng paulit-ulit." Nakangusong dakdak naman ng isa.

Napapitlag ang dalawa nang biglang tumunog ang telepono ni Margarita. Nang Makita ang pangalan sa iskrin ng telepono ay agad na sumilay ang ngiti sa kanyang labi at sinagot ng dali-dali ang tawag.

"Hello, Usyss!" Hindi pa rin nabubura ang ngiting nakaplakda sa kanyang labi ng batiin niya ang nasa kabilang linya.

"Kaya naman pala hanggang batok ang ngiti. Ang boyfriend pala ang tumawag." Natatawang saad ng baliw niyang kaibigan.

"Adik!" sigaw naman ng dalaga ng natatawa.

"Adik sa'yo." Singit bigla ng bagong dating niyang kasintahan habang hawak pa rin ang telepono.

"Usyss!"

Nagulat naman ang dalaga ng biglang lumuhod ito sa harapan.

"Gusto kong lasapin pa natin ang pagiging magkasintahan. Alam kong pinapahalagahan mo ang kasal at ganoon din ako, na sagrado ito. Pero mahal na mahal kita. Margarita, will you marry me?"

Sumilay ang pinakamalawak na ngiti ng dalaga. Kapalit pala ng bawat sakit at kirot na dulot ng nakaraan ay isang napakasayang kasal.

"Yes." Nakangiti niyang sagot.

Round 2Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon