Entry 2: Jazver David

159 1 1
                                    



"Charish!"

Nilingon ko ang taong tumawag sa 'kin at napangiti ako nang makita ko ang lalaking minamahal ko. Naglalakad siya palapit sa 'kin habang may dala-dalang french fries.

"Sorry, ha? Nahuli ako sa usapan natin." Iniabot n'ya sa 'kin 'yung fries. "Heto, o. Pambawi ko."

Kinuha ko naman 'yon saka siya hinalikan sa pisngi. "Ayos lang na mahuli ka, basta laging may fries, ah!"

Natawa naman siya saka kinurot ang aking pisngi. Sumandal ako sa kaniyang balikat habang kumakain. Tahimik lang kaming dalawa habang pinanunuod ang mga estudyanteng dumadaan dito sa Hero's Park sa loob ng school namin. Ganito naman kaming dalawa ni Jazver, kahit hindi kami nag-uusap, basta magkasama kami ay sapat na.

"Gusto mo bang kumain ng ice cream?" tanong n'ya sa 'kin makaraan ang ilang minuto.

"Oo! Tara sa ice cream parlor!"

Hinila ko na siya at tatawa-tawa naman siyang sumunod sa 'kin. Wala na kaming klase mamayang hapon kaya pwede na kaming gumala. Habang naglalakad kami ay nagkukwentuhan kami ni Jazver ng kung ano-anong bagay. Kahit anong pwedeng pag-usapan ay pinag-uusapan namin. At habang naglalakad din kami ay napapansin ko ang ilang estudyante na pinagtitinginan kami. Mali, ako lang pala ang tinitingnan nila. Bakit kaya? Siguro iniisip nila na bakit ako ang kasama ng isang gwapong nilalang. Iniisip nila na ang swerte-swerte ko dahil ako ang minahal ni Jazver David.

Nang makarating kami sa ice cream parlor ay agad kaming umorder.

Mag-iisang taon na kaming magkarelasyon ni Jazver. Hindi ko na matandaan kung paano nagsimula ang lahat pero isang araw ay basta na lang siyang dumating sa aking buhay. Lagi siyang nand'yan para sa 'kin. Hindi n'ya ako iniiwan kahit ano'ng mangyari. Sa tuwing kailangan ko siya ay agad siyang darating at sa tuwing nalulungkot ako ay gagawin n'ya ang lahat para lang mapasaya ako.

Kailanman ay hindi n'ya ako pinagtaksilan. Kaya nga kahit gwapo siya ay hindi ko siya hinihigpitan na gawin kung ano ang gusto n'yang gawin. Alam ko naman kasing mahal n'ya ako. Alam kong hindi n'ya ako ipagpapalit sa kahit na sinong babae. Akin lang siya. Akin lang.

Habang kumakain kami ay napansin kong may tinitingnan siya sa kabilang mesa, tiningnan ko naman kung ano o sino 'yon. Nagulat ako nang makita ko si Kenneth, ang dakila kong stalker. Nakatingin siya sa 'min—mali, sa akin—at masama rin naman ang tingin sa kaniya ni Jazver. Inaya ko na si Jazver para umalis, mahirap na't baka magkagulo pa.

Unang taon ko sa kolehiyo noong makilala ko si Kenneth. Mas matanda siya sa 'kin ng isang taon, nagkakilala kami dahil naging kaklase ko siya sa dalawang subjects. Nanligaw naman siya sa 'kin ng pormal kaya lang habang tumatagal ay nakakatakot na ang mga ikinikilos n'ya. Parang bawat kilos ko ay alam n'ya. At mas lalo akong natakot sa kaniya mula noong maging kami ni Jazver. Lagi n'yang sinasabi na bagay raw kaming dalawa dahil pareho kaming baliw. Hindi ko na lang siya pinapansin dahil 'yon din ang bilin sa 'kin ni Jazver.

Mukhang nawala na sa mood si Jazver kaya inaya na n'ya akong umuwi. Inihatid n'ya ako sa 'min at bago kami maghiwalay ay niyakap n'ya ako nang sobrang higpit.

"Layuan mo 'yung lalaking 'yon, ah. Hangga't maaari ay iwasan mo siya. Ayokong magkalapit kayo," sabi sa 'kin ni Jazver.

Niyakap ko rin naman siya. "Opo. Gagawin ko ang lahat para maiwasan ko siya."

Pagkatapos n'ya akong bilinan ay naglakad na siya paalis. Napakaswerte ko talaga sa kaniya. Mahal na mahal n'ya ako at gagawin n'ya ang lahat para maiparamdam sa 'kin 'yon. Siya na ang gusto kong makasama habambuhay.

Round 2Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon