One

13.3K 214 33
                                    

CHAPTER 1

HINAWAKAN ni France ang dibdib niya bago niya pin-ress ang doorbell.

"Wade."

Namilog ang mga mata ni Wade nang makita siya. "Anong ginagawa mo rito?"

Inilabas ni France sa dala niyang paper bag ang isang box ng cookies at dahan-dahan ito na inabot kay Wade. "Para sa'yo," malambing niyang wika.

Nakatingin lang sa kanya si Wade.

"Tanggapin mo na," giit niya.

"France..."

Kumunot ang noo ni France. Hindi niya maintindihan kung bakit ganoon ang ikinikilos ni Wade. "M-May problema ba?"

"Sino ba 'yan?" Boses ng babae ang biglang nagsalita. "Aba, may bisita ka pala."

Halos maging bato si France nang makita ang morena at seksing babae na iyon suot ang damit ni Wade. Alam niyang kay Wade iyon dahil siya mismo ang nagbigay niyon.

"Sino siya Wade?" mahinhin na tanong ng babae.

"K-Kaklase ko."

Mas lalong kumunot ang noo ni France. Oo, kaklase niya nga si Wade. Pero bukod sa pagiging magkaklase ay may mas malalim pa na namamagitan sa kanila; iyon ang gusto niyang marinig na sabihin nito.

"Hi, ako nga pala si Marj," pagpapakilala ng babae.

"Hindi ko tinatanong," sabi ni France. Hindi niya napigilan ang kanyang sarili. Bigla na lang lumabas ang mga salitang iyon sa kanyang bibig.

"France!" sigaw ni Wade. Nagalit ito sa itinuran ni France. "Girlfriend ko si Marj kaya ayusin mo ang pakikipag-usap sa kanya!"

"P-Paano?..." Nabitawan ni France ang dala niyang box at paper bag. Hindi niya inasahan ang sinabing iyon ni Wade.

Nang mga oras na iyon ay parang tumigil ang pagtibok ng puso niya. Tila may malamig na tubig na dumaloy sa buong katawan niya.

Paano niya nagawa sa'kin iyon?

GABI na at umuulan pa. Mag-isa at tulalang naglalakad si France sa park. Nanginginig ang kanyang kamay na mahigpit na nakakapit sa dilaw na payong.

Hindi niya alam kung saan siya pupunta, basta ayaw niya munang umuwi sa kanilang bahay. Hindi niya rin kasi alam ang isasagot kung magtanong ang kanyang Tiya Carmen kung anong nangyari sa pagbisita niya sa kasintahan niyang si Wade. Paano niya sasabihin na iniwan na siya nito at ipinagpalit sa ibang babae?

Napahinto si France sa paglalakad nang biglang tumunog ang kanyang cellphone--- Ang cellphone na iniregalo sa kanya ni Wade. Kinuha niya ito sa kanyang bulsa at ibinato. Ayaw niya rin muna makipag-usap sa kahit kanino. Ang tanging nais niya lang ngayon ay ang mapag-isa.

Minalas ang lovers na nasa gilid ni France dahil nang ibato niya ang kanyang cellphone, sa kanila iyon tumama. Natigil tuloy ang paghahalikan nila. Subalit tulala pa rin si France na animo'y wala sa kanyang sarili. Nagpatuloy siya sa paglalakad.

"Hoy ikaw!" Sumugod ang lalaki sa ulan para habulin si France. "Bakit mo ginawa 'yon?"

Dahan-dahan na nilingon ni France ang lalaki. Namilog naman ang singkit na mga mata nito, "Ann?"

Doon na bumalik si France sa kanyang sarili. "H-Hindi ko kilala ang sinasabi mo," aniya.

Bigla siyang niyakap ng lalaki, "Ikaw 'yon! Ikaw si Ann!"

"H-Ha?" Mas lalong naguluhan si France. Nabitawan niya ang kanyang payong at naitulak ang lalaki. Nakita iyon ng babaeng kasama at kaninang kahalikan nito.

Better Than SexTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon