Nine: Katapusan ng Simula

4.1K 188 14
                                    

Julian's POV

Makulimlim ang kalangitan. Nagbabadya ang malakas na pagbuhos ng ulan sa ilang sandali. Kahit ang panahon ay nakikisimpatya kay Magnus at sa kanyang kawalan. Ang nag-iisang babae sa buhay niya. Ang kapatid na tinuturing niyang pinakamahalagang kayamanan niya sa buong mundo. Si Amara Luna...

Nakatayo si Magnus sa harap ng puntod ng kanyang kapatid. Tulad niya ay nakasuot rin ng mahahaba at itim na roba sila Elixir at Celestina na nasa kanyang likuran. Kasama rin nila si Arkan na nagdadalamhati. Nakakabingi ang katahimikan sa paligid.

Umiiyak si Celestina dahil sa pagkawala ng matalik niyang kaibigan. Inaalo naman siya ni Elixir na tulad noon ay tahimik pa rin. Ilang sandali pa ay ibinuka ni Arkan ang kanyang naglalakihang pakpak at lumipad sa kalangitan. Bumuga siya ng apoy at gamit iyon ay isinulat niya ang mga banyagang salita na...

"Adieu Cara"

Ginamit ko yung kapangyarihan ko na makaunawa ng mga banyagang salita. Ang isinulat ni Arkan sa kalangitan ay nangangahulugang "Paalam Kaibigan". Pagkatapos noon ay lumipad papalayo si Arkan. Sinundan naman siya ng tingin ni Celestina habang si Elixir naman ay nakatingin sa kaibigang si Magnus.

Nang mga sandaling 'yon ay nakayuko lamang si Magnus habang nakatingin sa puntod ng kanyang kapatid. Tahimik lamang siya. Hindi tumatangis tulad ni Celestina. Marahil ay dahil ubos na ang kanyang mga luha. Pagod na siyang tanungin ang sarili niya kung bakit ito nangyari sa kanilang magkapatid, kung bakit siya iniwang mag-isa ni Amara Luna at marami pang katanungan na walang sinuman ang makakasagot.

Saksi ako kung paano nagunaw ang mundo ni Magnus sa pagkawala ng kaniyang kapatid. Kung paanong ang masiyahin na Magnus noon ay napalitan ng Magnus na puno ng kalungkutan at pagkagalit ngayon. Kung paanong ang kanyang mga ngiti at tawa ay inilibing sa lupa kasama ni Amara Luna.

"Gaganti ako." Walang buhay na sabi ni Magnus.

"Ano ang ibig mong sabihin?" Tanong naman ni Elixir.

"Hindi nagpakamatay si Amara Luna. Pinatay siya. Pinatay siya ng paniniwala ng mga ordinaryong tao sa paligid niya na kakaiba siya... na isa siyang abnormal... isang halimaw."

"Hindi natin alam Magnus ang dahilan ni Prinsipe Aron kung bakit siya nakipaghiwalay sa iyong kapatid." Tumingin si Magnus sa direksyon ni Elixir. Matatalim ang mga titig na ibinigay niya rito.

"Mierda! (Kalokohan!) Hindi ko kailangan ng mga paliwanag niya! Hindi ko kailangan ang mga dahilan niya kung bakit niya ginawa iyon kay Amara Luna! Mata sa Mata Elixir! Yun ang nais ko!" Sigaw ni Magnus.

"Huwag kang magpadala sa iyong emosyon!" Sigaw pabalik ni Elixir.

Lumapit si Magnus kay Elixir at hinawakan ito sa kwelyo ng suot nitong roba. Pinipigalan naman siya ni Celestina. Si Elixir naman sa kabilang banda ay nakatingin lang direkta sa mga mata ni Magnus, walang anumang intensyon na patulan ito.

"Buong buhay ko wala akong ginawa kung hindi ang paglingkuran ang mga ordinaryo. Pero ano ang naging kapalit ng pagtulong ko sa kanila? Nagbago ba ang pagtingin nila sa mga tulad natin? Nawala ba ang takot nila sa mga gifted? Hindi Elixir! Hindi! Namatay si Amara Luna dahil sa kanila! Sisiguraduhin ko na magsisisi silang lahat! Lahat ng mga ordinaryong tao! Naiintindihan mo ba yun Elixir?!"

"Ang kasalanan ng isa ay hindi dapat maging kasalanan ng lahat. Huwag mong idamay ang mga inosente sa iyong hinagpis." Kalmadong sagot ni Elixir.

"Bakit, ano ba ang pinagkaiba nila sa isa't isa? At bakit pakiramdam ko ay mas handa mo pa silang kampihan kesa sa akin na iyong kaibigan? Sabihin mo Elixir, kakalabanin mo ba ko? Pipigilan mo ba ko?"

Jairus' CurseTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon