KARMIL
Kasalukuyan akong nasa gitna at pinapalibutan ng mga Elders. Hindi ko alam kung ano ba ang iniisip ng mga ito. Lahat sila ay nakasuot ng maskara kung kaya hindi ko matukoy kung ano ba ang reaksyon nila sa akin. Nasa labas si Loki at sa kanya ko iniwan si Tora. Tanging ako lang kasama ang Council of Elders ang nasa loob ng Jury Hall. Hindi man maganda ang kutob ko sa mangyayari, kailangan kong tibayan ang loob ko.
"Ano ang iyong pangalan?" sabi ng isa sa mga Elders.
"Ako si Karmil Reid, isang Ebony Black Class Magus,"
"Alam mo ba kung bakit ka nandito?"
"Maliban sa gusto niyong malaman kung ano ba ang nangyari ng ako'y nadakip. May iba pa ba?"
"Matalas kang magsalita, tingnan na lang natin,"
Hindi ko mawari ang ibig sabihin ng Elder na iyon. Wala naman siguro akong dapat pang ipaliwanag sa kanila dahil nasabi ko na noong nakaraan ang tunay na nangyari. Maari kayang pinagdududahan nila ang mga aking sinasabi? Ibang klase din palang mag-isip ang mga matatandang ito, daig pa ang nobyang nagseselos at kung anu-ano tuloy ang iniisip. Sana naman hindi ito humantong sa isang bagay na magdudulot ng gulo.
Isang lumulutang na crystal ball ang biglang lumitaw sa aking harapan. Lumiwanag ito at may nakita akong mga imahe. Alam ko kung anong pangyayari ang ipinapakita ng crystal ball, iyon ay ang pagkumpronta ko kay Ned at sa isa nitong kasama. Hindi ko alam kung bakit nila ipinapakita ito sa akin, obvious naman na ako ang dehado sa pangyayaring iyan. Pinagloloko ata ako ng mga ito ah.
"Binibining Karmil, tanda mo ba ang pangyayaring iyong nakita?" sabi ng isa sa mga Elders.
"Oo, ito yung nagapi ako ng mga taong nagpakawala kay Ba'al Tarum,"
"Nagapi ka nga ba talaga? O isa ka sa kanila,"
Nag-init ang ulo ko ng marinig ko ang sinabi ng Elder na iyon. Ngayon alam ko na ang pinapahiwatig nito, iniipit ako nito. Dahil sa nakatakas si Ba'al Tarum sa kulungan nito, naghahanap sila ng masisisi. Ayaw nilang akuin na sila ang may sala at ngayon pinapalabas nila na isa ako sa mga kasamahan ni Ned. Ito na ba ang sinasabi ko, simula noong nalaman kong inimbita nila ako dito; may mangyayaring hindi ko magustuhan.
Kung babaligtarin nila ako, pwes babaligtarin ko din sila.
"Pwede niyo po bang linawin ang sinasabi niyo?" pagmamaang-maangan ko."Simple lang Binibining Karmil, isa ka sa mga nagpatakas kay Ba'al Tarum. Pinapalabas mo na ikaw ang biktima pero ang totoo, isa ka sa kanila," akusado sa akin ng Elder.
"Bulag ka ba o tanga? Malinaw dito na hindi ko kilala ang mga taong ito, sinubukan pa nga nila akong patayin tapos sasabihin mo na kasama ko sila? Ang sabihin mo gusto niyo lang isisi sa akin ang kapalpakan niyo!"
"Lapastangan!"
Mula sa entrada, pinalibutan ako ng sampung Ebony Black magus. Nag-cast sila ng restraining spell sa akin kung kaya naging paralisado ang buong katawan ko. Pinilit kong makawala pero wala akong laban sa sampung magus na nasa Ebony Black Class. Kahit ipakita ko pa ang tunay kong kapangyarihan, wala parin akong panama sa kanila. Nangigil kong tiningnan ang Elder na nag-akusa sa akin.
BINABASA MO ANG
Crimson: Beginning of a Legend ✔
FantasySa mundo ng mahika, mga halimaw at kapangyarihan. Paano mabubuhay ang isang normal na tao na nagmula sa isang ordinaryong mundo? Hindi niya inaasahan na mapapadpad siya sa isang mundong hindi niya inaakala na nag-e-exist. At isang bagay lang ang nai...