18 | Enigmatic

4.2K 184 20
                                    

Tanging liwanag ng buwan na lang ang nagsisilbing liwanag sa madilim na gabi. Malamig ang simoy ng hangin at ako'y napayakap na lang sa aking sarili. Sa wakas ay natapos na ni Collin gawin ang apoy at kahit papaano ay nabawasan narin ang lamig. Tahimik lang si Tora sa aking tabi at maiging pinagmamasda ang aking mga kasamahan. Napagod naman si Remy sa naging laban sa Manticore kaya bumalik na lang siya sa aking crest.

Kasalukuyan kaming nasa isang kweba at si Loki ang bantay habang kaming dalawa lang ni Collin ang nasa loob. Nasa gitna namin ang apoy kaya hindi kami magkatabi. Nakatingin lang ako sa apoy habang naglalaro ang kulay kahel at pula sa nagbabagang apoy. Nasa anyong pusa si Tora at nang naramdaman niya sina Collin at Loki ay pinalitan niya ang kanyang anyo bilang ordinaryong pusa. Dahil doon, hindi niya ako kaagad mailalabas sa labyrinth na ito.

Sana pala ay hindi na lang ako nakipag-alyansa sa kanila.

Maya-maya ay tumayo ako at nilapitan si Loki. Hindi niya ata inaasahan ang aking paglapit sa kanya kaya nahalata ko ang gulat sa kanyang ekspresyon. Tumingala muna ako sa bilog na buwan bago ako bumaling sa kanya.

"Ako naman ang magbabantay, ang mabuti pa ay magpahinga ka na muna,"

"Para sa isang babae, masyado kang maangas," sabi nito na nakangisi.

Ngumisi muna ako bago ako tumugon, "Alam ko."

Tumayo si Loki at pumasok sa loob ng kuweba. Umupo ako sa pwesto niya kanina, maya-maya ay tumabi sa akin si Tora pero nakaharap siya sa kweba at patuloy na binabantayan ang kilos nina Collin at Loki. Gusto ko tuloy matawa matawa sa ginagawa ni Tora, daig pa niya ang asong bantay sa pagmamasid kina Collin at Loki. Pero mabuti rin yun, hindi ko naman talaga sila pinagkakatiwalaan.

Umihip ang malamig na hangin kaya muli kong isinuot ang hood ko. Nakakaramdam narin ako ng pagka-antok at pagod, marahil ay halos isang araw kaming nagpaikot-ikot. Nagtataka man ako kung bakit hindi na tinuro ni Tora ang tamang daan ay hindi na ako kumontra. Minsan, iniisip ko na parang tao din mag-isip ang pusang ito. Kagaya ko rin ba siya na hindi masyadong nagtitiwala sa iba?

Nagulat ako ng may tumapik sa aking balikat, si Collin pala iyon. Nakangiti man siya, hindi naman iyon umabot sa kanyang mga mata. Sinenyasan niya akong pumasok sa kweba kaya sinunod ko siya, hindi ko naman kase gustong nasa labas. Nakaupo lang si Loki sa isang sulok kaya umupo rin ako sa kabilang sulok. Hindi kami magkakatabing tatlo at halatang hindi pa kami kumportable sa isa't isa. Tumikhim si Collin para mabasag ang katahimikan.

"Dahil tayong tatlo ang magkakasama dito, ang mabuti pa ay dapat nating makilala ang isa't isa. Ang buong pangalan ko ay Collin Van Lohr, isa akong Ebony Black Class mula sa Trendos Academia. Kayo?"

"Akala ko magkaibigan kayo ni Loki," biglang sabat ko.

"Hindi, pero magkakilala kami," at saka ito mahinang tumawa.

Tiningnan ko si Loki at wala siyang reaksyon sa sinabi ni Collin. Pero pakiramdam ko ay hindi niya gusto si Collin dahil sa mga tingin nito sa lalaki. Wala akong ideya sa ibig sabihin ng kanyang mga tingin pero pakiramdam ko ay hindi maganda ang relasyon nila sa isa't isa. Kung ano man iyon, dapat kong alamin. Sa tingin ko ay magiging importante ang impormasyon na iyon. Marahil ay may nagawang hindi maganda si Loki kay Collin.

"Ikaw Loki, nag-aral ka rin ba sa isang academia?" baling ko naman kay Loki.

"Huwag mong banggitin ang pangalan ko na parang magkaibigan tayo," asik nito sabay baling sa isang sulok.

Bigla naman akong nakaramdam ng pagkainis sa naging asal ni Loki sa akin. Ang gulo rin pala ng lalaking ito. Kinalma ko na lang ang aking sarili, walang saysay kung papatulan ko ang hindi magandang pakikitungo niya sa akin. Bagay nga sa kanya ang pangalan niya, isang diyos na sa sobrang pilyo ay ikinadena sa isang bato ng kanyang kapwa diyos. Gusto ko lang naman na makipag-kaibigan, pero mukhang hindi ata interesado ang isang tulad niya doon.

Crimson: Beginning of a Legend ✔Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon