26 | Dither

3.5K 165 26
                                    

Agad ko siyang hinila sa loob, siniguro ko muna na walang tao sa paligid bago ko sinara ang pinto. Hinila ko siya papunta sa veranda ng kwarto ko. Sinalubong kami ng malamig na hangin, madilim na ang kalangitan na pinakislap ng mga bituin sa langit. Tinigyan ko siya na parang hindi parin makapaniwala. Walang nakakaalam na nandito ako pero nahanap niya ako at ngayon nasa harapan ko na siya.


"Paano mo ako nahanap Theron? Walang sino man nakakalam na nandito ako," panimula ko.

"Importante ba 'yun? Ang mahalaga ay nagkita na tayo Karmil, hindi ka ba natutuwa na makita ako?" galak na sabi nito.

"Masasaktan ka lang Theron, alam mo naman diba ang tunay kong katauhan. Hindi ako tagarito sa mundong ito at kahit kelan hindi ako pwedeng manatili dito. Kaya pakiusap, umalis ka na,"

"Pakiusap Karmil, bigyan mo naman ako ng pagkakataon. Gagawin ko ang lahat pero ang lumayo sa'yo ang hinding-hindi ko magagawa,"


Kita ko ang determinasyon sa mga mata ni Theron at alam kong seryoso siya. Pero ayaw ko siyang masaktan dahil lang sa balang araw iiwan ko siya. Kaya nga ako mismo ang lumayo para sa ikakabuti niya. Napabuntong hininga na lang ako at tiningnan ang mga bituin sa kalangitan. Naramdaman ko naman na tinabihan ako ni Theron. Wala siyang sinabi pero alam kong marami siyang gustong sabihin sa akin.

Alam ko na malalim ang nararamdaman sa akin ni Theron. Hindi naman ako ganun kamanhid na hindi iyon maramdaman. Pero tuwing sumasagi sa isip ko ang nalalapit na paglisan ko, nalulungkot lang ako. Siguro dahil nagdadalawang-isip din ako, tama ba talagang lisanin ko ang mundong ito? Dapat ba talagang hindi ako manatili dito? Ilan lang iyan sa mga katanungang gusto kong mabigyan ng sagot.

Manatili ba o umalis, iyan ang malaking katanungan sa aking isipan.

Naramdaman kong niyakap ako ni Theron mula sa likod. Haharap sana ako sa kanya pero hinigpitan niya lang ang yakap niya sa akin. Ramdam ko ang hininga niya sa aking batok, ang pintig ng kanyang puso at ang damdamin niyang nagpapabilis ng aking puso. Para akong nahihirapang huminga habang bumibilis ang tibok ng aking puso. Gustuhin ko mang kumalas sa kanyang yakap pero pakiramdam ko ay wala akong lakas para gawin iyon.


"Karmil, hindi ka man nagmula sa mundong ito. Ang tanging alam ko lang ay itinadhana ako na mahalin ka kahit na ayaw mo. Kung hindi mo ako kayang mahalin, hayaan mong mahalin kita," bulong ni Theron sa aking tenga.


Pakiramdam ko ay parang umakyat ang lahat ng dugo ko sa mukha dahil sa mga binitawang salita ni Theron. Naguguluhan ang isip ko ng dahil lang sa nararamdaman ko. Mali ang lahat ng ito dahil isang pagkakamali ang pagdating ko sa mundong ito. Kinalas ko ang mga braso ni Theron sa akin at saka ko siya hinarap. Nanlalabo ang aking paningin dahil sa mga nababadyang luha sa aking mga mata.

Masakit para sa akin na gawin ito kahit na hindi pa masyadong malalim ang nararamdaman ko kay Theron. Hangga't kaya ko pang pigilan, gagawin ko para lang sa ikakabuti niya. Sinubukan ni Theron na punasan ang aking mga luha pero pinigilan ko siya. Masyadong masakit ang lahat ng ito para sa akin. Pinunasan ko ang aking mga luha at diretso kong tiningnan sa mga mata si Theron.


"Theron, hindi ako nararapat para sa'yo. Mas mabuti pang bumalik ka na lang sa Xion at pakasalan si Selena. Hangga't kaya ko pang isalbar ang puso mo, gagawin ko. Umalis ka na," pagmamakaawa ko.

"Sa tingin ko ay huli na ang lahat para diyan Karmil dahil mahal na mahal na kita. Ikakamatay ko kapag nawala ka sa piling ko. Kung kailangan kong sumama sa mundo mo para makasama ka, gagawin ko. Ganun ang pagmamahal ko sa'yo Karmil,"

Crimson: Beginning of a Legend ✔Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon