Sa pagmulat ng aking mga mata, natagpuan ko ang aking sarili sa isang maliit na kweba. May rehas ang bunganga nito. Masakit man ang aking ulo ay pinilit ko ang aking sarili na lumapit sa rehas. Nagulat ako sa aking nakita, hindi nag-iisa ang aking kinalalagyan. Nasa isang underground dungeon ako at parang bahay ng mga putakti ang dami ng mga kulungan na nandito. Sinubukan kong mag-cast ng spell pero laking gulat ko ng hindi ko iyon magawa. Doon ko lang napagtanto na may suot akong collar.
Hinawakan ko ito at ramdam ko ang dumadaloy na mana dito. May mga nakaukit dito na sa tingin ko ay mga runes. Nang dahil sa mga nakaukit na runes, restricted ako sa paggamit ng kahit na anong magic na aking ikinainis. Gusto ko mang magwala pero wala rin namang silbi iyon, mapapagod lang ako. Pinili kong umupo malapit sa rehas sapagkat may ilaw na nagmumula sa apoy ng sulo.
Ilang sandali ay may narinig akong mga yabag. Naging alerto ako pero nanatiling kalmado. Hindi ko ibibigay sa kanila ang kasiyahang makita akong mahina sa ganitong sitwasyon. Isang pigura ang tumigil sa aking harapan. Tumingala ako at isang makisig na nilalang ang nasa aking harapan. Kasing puti ng nyebe ang nakatali nitong buhok at kulay dugo ang mga mata niyang maihahalintulad sa ahas. Ang mga mata nito ay palantandaan na hindi ito tao kundi isang nilalang na kinalimutan ng lahat, isang Niafol.
"Mabuti at gising ka na, gusto kang makita ng aming hari," monotone na sabi nito.
"Gising man ako o hindi, wala akong choice," sarcastic na sabi ko.
Panandalian kong nakita ang pagkalito nito dahil sa kakaiba kong pananalita. Agad namang nawala iyon at naging poker face siya ulit. Nawala ang rehas na parang automatic door. Dahil nakasandal ako sa rehas, napahiga ako sa lupa ng wala sa oras. Agad naman akong tumayo at pinagpagpag ang alikabok sa aking damit. Nagkaroon ng kadena ang aking mga kamay at ang Niafol na nasa harap ko ang may hawak ng dulo. Pakiramdam ko tuloy minamalas na naman ako. Ba't ba lagi na lang ako nabibihag?!
May bigla akong naramdaman, isang pamilyar na aura. Pero may kakaiba sa aura na ito, pamilyar ngunit parang hindi. Parang pareho pero hindi magkatugma. Mas pinakiramdaman ko ang pinanggalingan ng aura at doon ko nakumpirma na tama ang aking kutob. Pero paano, imposible na nandito siya. Mukhang may tinatago ang mga Niafol na isang maliit na sekreto. Hindi ko maiwasan na makaramdam ng inis. Kung inaakala nila maiisahan nila ako, pwes doon sila nagkamali. Sa pagdala nila sa akin dito, para narin silang naghukay ng sarili nilang paglilibingan.
Ngayon ko lang napagmasdan ng mabuti ang Niafol na nasa harap ko. Kulay abo ang balat nito, patulis ang tenga at may isang rune symbol sa dibdib nito. Alam ko ang simbolong iyon kung kaya hindi ko maiwasang maawa sa Niafol na nasa aking harapan. Marahil ay halos lahat ng Niafol na nandito ay mayroong Death's Mark na nasa dibdib nila. Isang pagkakamali mo lang, papatayin ka ng sumpa ng rune na ito. Naningkit ang aking mga mata ng napagtanto na hindi kayang gumamit ng magic ng mga Niafol.
Mukhang may kakampi ata sila.
BINABASA MO ANG
Crimson: Beginning of a Legend ✔
Viễn tưởngSa mundo ng mahika, mga halimaw at kapangyarihan. Paano mabubuhay ang isang normal na tao na nagmula sa isang ordinaryong mundo? Hindi niya inaasahan na mapapadpad siya sa isang mundong hindi niya inaakala na nag-e-exist. At isang bagay lang ang nai...